Friday, November 30, 2007

Kasong Trillaness

Aakdain ko ang isang karanasang wala akong kaaklam-alam, at marahil para ay hindi ko dapat pakialam. Peromay gaoon ba? Ang tao ay tao. Lahat ng may kaugnayan sa tao, ay may kaugnayan sa akin.

Kaya sa kabila ng kung ilang araw na pagkakasangkutsa ko sa gamot, pawis, ubo ang paninikip ng hinga, sinikag kong bumangin para mag-blog Nsabay pa ang hinagpis ng lamas sa adbenturiso ni Senador Trillannes at garapal na pang-nagaw nila ng kapangyarihan Gumimik na rin ng ganito ang bagitong poster boy ng Oposisyon sa Oakwood (Bakit mahilig siya sa kuxury hotel?)Siyempre, kinasuhan siya ng Gobyerno.
Iisa ang gusto nating lahat.
Ang alam ko, demokrasya, Paano matatamo,? Kailangan ang rule of law. Dapat nating itaguyod ang batas sa lahat ng pagkajataon. Walang short cut dito, Hindi pwedeng mainip o mapikon dahil mabagal ang proseso.
Ano ang ginawa ni Trillanes. Kumendidatong senado. Okay lang iyon, ganoon sa demokraasya. Lahat ubrang tumakbo. Kaso, nanalo. Alam niya hindi siya puwedeng maupo hanggang may kasong nililitis laban sa kanya. Yon ang sinasabi ng batas. Talagang ganoon. Hindi niya mairepsent ang mga bumoto sa kanya dahil inililitis pa nga.
Noong isang araw, nabuwit na naman sa gobyerno si Trillanes. Nag-alsa naman sa lobby ng Manila Pen? Nagiging maluhong bisyo na yata yan, ha.

Thursday, November 22, 2007

Panulat sa Panahon ng Impormasyon

Sa panahon ng impormasyon, kayrami-rami ng paraan para makipagkomunikasyon ang tao sa higit na mabilis na paraan. Nariyan ang text messaging, ang e-mail, at iba pa.

Sa ganitong pangyayari, maitatanong kung ano pa ang silbi ng pagsulat. May puwang pa ba ang pagsusulat sa mundong laging nagkukumahog?

Naniniwala kaming lalong mahalaga ngayon ang pagsulat. Kahit kagyat ang karaniwang komunikasyon, mahalagang masanay tayo sa pagsusulat na mapagparanas. Hindi dapat mawala sa tao ang kasanayan ng mapagparanas na pagpapahayag ng ating mga naiisip at nararanasan.

Hindi sapat na malaman ang ano, sino, kailan at saan mga bagay. Marami man tayong nakaimbak na impormasyon sa ating isip, hindi iyon sapat upang maging buo ang ating kaalaman. Kailangan pa rin nating maranasan ang mga ideya. Kailangang maging kongkreto ang mga bagay. Kailangan nating makita ang bawat kaalaman, marinig ang bawat mga impormasyon, malasahan kahit mga damdamin upang hindi lang natin sila pansamantalang malaman, kundi upang lubos natin silang maunawaan nang higit sa mainiping saglit o sandali.

Kanser Ngayon

Dumalo ako sa takayan ng PETA Writers Pool kaugnay ng binubuong dula tungkol modernong adaptasyon ng Noli at Fili. Kapanapanabik ang premis ng proyekto. Kung ngayong isusulat ni Rizal ang tungkol sa kanser ng lipunan, ano kaya ito? Sa dinami-rami ng suliranin ng lipunang Filipino, tiyak na magpipista ang sinomang susulat sa pamimili kung ano ang balakid sa pag-unlad ng bayan.

Sabihin pa, malaki ang pagkakaiba noong siglo 19 nang sulatin ni Rizal ang kanyang dalawang nobela at ngayong kasalukuyang milenyo. Noon, hindi madaling tukuyin ang kanser dahil hindi malaya ang bayan. Maaaring ngayon ay mayroon na tayong kalayaan ngunit hindi nito pinadadali ang pagtukoy kung anong kanser mayroon tayo.

Ayon sa nobela ni Rizal ang kanser na inilalantad niya ay ang paghahari ng Simbahan, ng mga prayle, at ang pananaig ng kamalayang kolonyal, maging sa mga katutubo. Sa senaryo ni Dr. Nicanor Tiongson, ang naatasang gumawa ng dula, ang kasalukuyang kanser na humahadlang sa pag-unlad ng bayan ay hindi lamang ang talamak na korupsiyon na bumubulok sa lahat ng antas ng lipunan, kundi ang kamalayang makasarili ng kahut anong partido o kilusan, maging sa kanan, kaliwa o sa gitna. Nailahad niya ito batay sa naratibo ng daluyong o baha, gaya ng naganap sa Infante, Quezon o sa Ormoc, Leyte.

Sabihin pa, malusog ang pananaliksik ni Dr. Tiongson. Natitiyak naming magiging tagumpay hindi lamang ang pagtatanghal ng dula, kundi ang pagpapamulat ng akda sa mga Filipino sa tunay na dahilan ng ating pagkalugami.

Wednesday, November 21, 2007

Ebolusyon ng Isang Playwright 1

Sabi ni Aristotle sa mimetikong aksiyon at usapan nagsimula ang lahat. Sa likas na hilig ng tao na manggaya. Kaya sinasabing sa kanluran, mimesis ang simula ng dula. Ang lahat ay bukal ng mapaglarong diwa, ng kamalayang gaya-gaya at mapanudyo.

Ngunit para sa aking personal na karanasan, hindi eksaktong-eksakto na gaya ng sabi ni Aristotle. Ang buhay ko biulang dramatista ay mula sa pagkahaling ko sa mga ma;igno.
Bata pa raw ako, kuwento ni nanay, kinilabutan na siya sa akin. Naghinala na siyang hindi lamang ang aming mga kapitbahay ang kalaro ko at hindi lamang ang maliliit na plastik na karaniwang gamit sa pang-araw-araw na buhay ang aking mga laruan at aliwan, kundi pati mga nilalang at bagay na di nakikita ng kanyang dalawang mata pero walang tigil kong hinuhunta kapag nalingat siya at ako ay nabayaan niyang nag-iisa. Sa mga karaniwang makakita sa akin, ang konklusyon nila'y kinakausap ko lamang ang sarili ko.

Hindi ganoon ang hinala ni nanay. Hindi ako basta nagsasalita nang malakas o nakikipag-usap sa sarili. Mayroon talaga akong kinakausap na nagkataon lamang na hindi niya nakikita kaya hindi niya mapagsino. Akala ng iba, pinaglalaruan ang ng duwende. Marami ang may sapantaha na pinagpapakitaan ako ng mga lamang-lupa na noong unang mga taon ng dekada 60 ay kung bakit naman parang kuyog na nanirahan sa La Loma.

Kadalasan, nasa isang sulok ako. nakaharap sa panulukan ng dalawang halos kulay-itim at kahoy na dingding. Kalaunan ko na lang malalamang sa madidilim na sulok tulad nito pinaniniwalaang may pintong lagusan ang mga maligno, duwende, at mga lamang-lupa.
Lumilitaw sila sa mga singit-singit ng palapa ng dingding. Iniluluwa ng maliliit na butas ng mga hugpungan.

Upang batiin ako. O tiyaking hindi kahabag-habag kahit para sa isang batang tulad ko ang mapag-isa. Ngingiti sila. Kakaway. At mapapaungol ako. Nanlalaki ang mga mata. Mapapalingon sa paligid upang maghanbap ng kasama. At mapapansin kong ako'y nag-iisa o naroon man si nanay ay nakatungo naman sa kanyang tinatahi kaya para ring wala akong kasama. Saglit akong matatakot. Magpapagibik ako. Pero mananatili lang si nanay sa kanyang walang imik na pagkakayuko sa karayom at sinulid at kakawayan ako ng maligno. Ngingitian. Pasrang sinasabing "Huwag, huwag kang matakot. Kalaro mo kami."

Mapapatango ako. At noon magsisimula ang aming usapan. Sa gayon, nagsimula ang buhay para sa akin. Ang buhay ay walang katapusang diyalogo.

Na nagsimula sa pakikipag-usap ko sa mga maligno.

Hamon ng Pagiging Mandudula

Akala lamang ng iba ay madali ang maging mandudula. Pero tulad ng klasikong sigaw ni Carlo Aquino kay Vilmna santos sa isang pelikula, "Pero hindi, hindi, hindi!"

Ang totoo marami ang nag-aakalang madali lang ang gawaing pagmamanunulat. Gaya ng impresyon ng aking mga kaibigan, pasulat-sulat lang ay kumikita na. Ilang oras lang na tutunganga sa harap ng makinilya o kompyuter, pera na. Pero gaya ng ibang akala, hindi totoo iyon at malayong-malayo sa karanasan ng mga manunulat.

Huwag na nating busisiin pa ang hirap na dinaranas ng isang nais maging makata, kuwentista o mandudula.Bukod sa pisikal na aspekto ng gawain ng pagmamanunulat (hindi madaling tumunganga sa harap ng kompyuter, makinilya o kahit pa ng blankong papel), lagi ring nakataya ang kaluluwa (pagkatao) ng isang writer tuwing siya ay aakda.

Higit pa rito ang kailangan sa pagiging playwright. Sabihin na nating nairaos ng dramatista ang akda. Maaaring nakasulat siya ng mahilab-hilab na dula, kahit maikling dula na siyang uso ngayon. Hindi pa rin maaaring maging tiyesong-tiyeso ang buhay niya. Hindi sa pagsusulat natatapos ang kanyang gawain bilang manunulat.

Di tulad ng makata at kuwentista na paglalathala na ang dapat isipin, ang mandudula ay haharap muna sa hamon ng pagtatanghal. Sa paghanap ng pagkakataong maipalabas ang sinulat niyang akda.

Panibagong kasanayan, talino, o koneksiyon ang kailangan para dito. Una, sa paghahanap ng pagkakataon at grupong magtatanghal sa iyong dula. Alam nating hindi marami ang ganitong pagkakataon. Kaya dapat sunggaban ng mandudula bawat pagkakataong makita niya.

May ilan lang na teatrong pandulaan sa Pilipinas. Sa mga ito, ilan lang ang regular na nagpapalabas o may season. Sa may regular na season, ilan ang laging naghahanap ng bago o orihinal na dula? Hindi kataka-takang iilang mandudula lang ang naipakikilala sa publiko taon-taon.Hindi rin kataka-taka kung mas marami sa mga nais maging playwright ang magkasya na lang sa pagiging mandudula sa isip, o sa pamamagitan ng mga grupong amateur(ibig sabihin, walang pera, kulang sa karanasan o talino, at walang manonood).

Kaya mahirap asahang kikita ang isang mandudula mula sa pagtatanghal ng sinulat niya. Baka mas malamang, siya pa ang gumastos. Bukod sa pakikiusap na itanghal naman ang nasulat niyang dula.

Dito sa unang hakbang pa lamang ay mahirap nang makalusot ang kahit sinong nagnanais maging mandudula. Kaya sa ibang pagkakataon ko na itutuloy ang hirap na kailangang danasin ng isang manunulat bilang playwright.

Sapat ng sabihing ito ang dahilan kung bakit napakakonti ng mamdudula sa entablado sa kasalukuyan.

Paghahanap ng Kapalaran

Marami sa atin ang naniwala sa kuwento ng El Dorado noong bata pa tayo. Ang El Dorado'y isang lungsod ng ginto na pilit pinagsikapang marating ng lahat.Di iilan ang gumalugad sa mundo para hanapin ang pook ng ginto, ang kapalaran. Hindi lamang ng mga conquistador, dahil bawat isa sa atin ay nagmimithing magtamo ng magandang konabukasan.

Kahit sa katutubong panitikang-bayan ay may katumbas ang El Dorado. Sa Leyte, ito ang sinaunang pangalan ng pulo, ang Tendaya. Bundok daw ng ginto. Hinangad rin ng mga Espanyol noong bago mag-siglo 16 na marating ang maalamat na pook. Pero nabigo sila, dahil kuwento lamang ang lahat. Walang totoong Tendaya, walang tunay na pook na siyang magbibigay sa atin ng magandang kapalaran. Walang katotohanan ang sabi-sabi. Isa lamang itong sinaunang panaginip o lihim na mithi ng ating mga ninuno.

Nang mananghalian kami sa ADB, isang mahalagang insight ang ibinahagi sa amin ng bunsong kapatid ni Gaying, na nagpatanghalian sa amin nang araw na iyon. Sinabi niyang totoong may Tendaya. May lugar kung saan matatagpuan ang kapalaran, at siya mismo'y ,akapagpapatunay nito dahil nasaksihan niya sa maraming taon ng pagtatrabaho sa ADB.

May tunay na tendaya sa paaralan o lugar na pagtatrabahuhan.

Huwag kayong magtawa. Tama ang nabasa ninyo. Ang ating kapalaran ay karaniwang matatagpuan sa eskuwelahan o sa trabahong pinapasukan. Dahil malamang sa paaralan o sa trabaho tayo nakakatagpo ng ating magiging asawa. Ng katuwang habambuhay. Ng ating kapalaran.

Maaaring hindi laging bundok ng ginto ang lagi nating nasusumpungan, pero sapat nang mapatunayang mauroon ng palang kapalaran. Para magsimula tayong humakbang at maglakbay .

Tuesday, November 20, 2007

Problema ng Isang Guro

Marahil naninibago ako sa pagtuturo. Naalala ko tuloy ang isang kaibigan na kamakailan ay humingi sa akin ng payo tungkol sa pagtuturo. At ngayo'y ako naman yata ang nangangailangan ng payo kung ano ang gagawin sa mga estudyanteng hindi nagbabasa o ayaw magbasa.

Sa unang araw ng klase, nililinaw ko ang aking mga patakaran, kasabay ng pagpapaliwanag sa nilalaman ng silabus, para bigyan ng pagkakataon ang estudyante na lumipat ng section kung sa palagay niya ay hindi siya masisiyahan sa paraan ko ng pagtuturo. Isa sa patakaran ko: ang hindi nagbasa ng assignment, palalabasin ko ng silid, walang karapatang dumalo ng klase ang estudyante na hindi naghanda para sa klase. ang hindi nag-abala para sa klase ay hindi ko rin pag-aabalahang turuan.

Bago ako pormal na tumalakay ng aralin, kailangang lumabas ang mga hindi nagbasa. Maaaring manatili sa klase kung hihingi ang estudyante ng permiso sa buong klase para makadalo sa talakayan, kahit hindi siya nagbasa. Ang mahuli kiong hindi nagbasa, binabalaan kong ihuhulog ko sa bintana o kakaladkarin sa buhok pababa ng hagdan.

May katwiran ba akong gawin iyon? Ang mas mahalagang tanong: paano ko maeengganyong magbasa ang mga estudyante?

Ang itinuturo ko ay literatura, isang reading course. Ibig sabihin, pasra kami magkaroon ng palitan ng kuro-kuro ng mga mag-aaral kailangang nabasa nila ang akdang pinag-uusapan. Available naman ang mga akda. Nasa isang libro o pinagsama-sama sa isang koleksiyon. Hindi na nila kailangang pumunta sa library at maghanap. ang kailangan na lang talaga nilang gawin ay magbasa.
Ni hindi ko hinihingi na maintindihan o maipaliwanag nila ang akda. Basta basahin lang.

Pero kahapon, nang pakiusapan kong lumabas ng silid ang mga hindi nagbasa, nagulat ako nang halos sampung estudyante ang tumayo at lumabas ng kuwarto. Karamihan ay babae.

Sa loob ko'y napailing ako. Pero napaisip din kung ano pa ang maaari kong gawin paea pilitin ang mga mag-aaral na mag-aral.

Huntahan Tungkol sa Pre-Departure Area

Kahapon ng umaga ang balitang salubong ni Vim: "Pumanaw na si Sir Sidffrey Ordonez."
Sabi ko: "Matanda na naman siya. Me sakit ba?"
Hindi napansin ni Vim ang tanong ko.
Rene:"E si Adrian, Kumusta?"
Vim: "Ayaw pa raw palabasin ng ospital. Hindi yata masabi ng doktor -"
Rene: "Ang alin? Matetepok na rin ba?"
Vim: "Baka."
Pagkaraan ng mahabang sandali, sumali si Arlene sa usapan.
Arlene: "Ikaw ba, Rene, nagsisimba?"Rene: "Siyempre naman. Ano'ng akala mo sa akin? ... First mass pa, tuwing Sunday. (Pagkaraan pa ng ilang sandali.) Kaya tanggap ko na. Anytime, pwede na akong mamatay. Wala naman tayong magagawa; tiyak na darating 'yon. e di wag na lang labanan. Sana lang, wag na ako'ng maghirap o ang pamilya ko."
Vim: "Kaya nga dapat kang magpalakas. Mas maganda kung maging National Artist ka nang buhay ka, para - 'Palakpakan po natin si Ginoong Villanueva.' Hindi 'yong- 'Mag-ukol po tayo ng sandaling katahimikan para kay Ginoong Villanueva.'"
Rene: "Oo, maganda nga 'yon. Pero hindi naman natin kontrolado 'yon."
Vim: "Kaya nga dinig ko, ibibigay na raw kay Mrs. Bonifacio yung award, basta wag na lang niyang masyadong lakarin e."

Monday, November 19, 2007

Bgayong Gabi, Nakatabi Ko na ang Pasko

Ilang araw ko nang pinagsusutpetsahang siya'y darating. Ilang gabi ko na siyang inaabangan. Katunayan, ilang umaga ko na siyang pinakikiramdaman. Alam kong di siya kakatok. Hindi manggigising para magpa-Tao po pero natitiyak kong magpapagibik siya kapag dumating.

Inaasahan kong hahawiin niya ang kumot na nakalatag sa aking paanan. O pauusugin ako sa aking pagkakahiga. baka nga mapilitan akong mamaluktot o yumakap nang mahigpit sa aking lumang dantayan.

Pero hindi pa rin mawala ang aking pag-aalinlangan. sa kabila ng aking pag-aabanga at katiyakang susulpot siya, ilang araw na akong tila pinaglalalangan ng aking pinakahihintay. Pagbukas ko ng radyo kinaumagahan ay matatanto ko na mali pala ang aking sapantaha. Hindi siya ang dumating. May bagyo sa Bangladesh o sa hilaga o saanman kaya naninigas na naman ang aking mga paa at tila nakakita ng multo ang namumutla kong mga palad.

Hindi tuloy maiwasang sumagi sa isip ko na maeahil, ang pagkakamali ko'y hindi maiiwasang bahagi ng pagtanda. Ipinagkakanulo na ako ng aking pandamdam.

Di gaya noong bata pa ako. O noong barta-bata pa. Agad kong nahuhulaan ang kanyang pagdating. Hindi ko siya ipinagkakamali sa iba: hindi sa ulan, lalo sa bagyo.

Nong araw, kilalang-kilala ko ang lamig ng kapaskuhan dahil iba ang haplos nito sa aking mukha at binti kaysa sa lamig ng tikatik o malakas na ulan. Iba ang amihan ng Disyembre kaysa hanging dala ng bagyo mulang pasipiko o Dagat Tsina.

Pero kanina, tanghali pa lang ay naramdaman kong nariyan na siya. Bahagya ko ngang sinisi ang sarili ko kung bakit nagmatigas ang ulo at hindi nagbaon ng panggonaw. At hindi ako niloloko ng aking balat. Bahit galing ako sa silid na may air-con. o kahit na nasa labas kami at ang mga bakanteng baso ng kape ay nililipad ng hangin mula sa aming mesa. iba ang lamig ng pasko sa lamig ng air con, sa lamig ng bagyo, sa basta lamig.

Nang mahiga ako para matulog, buong pag-asam ko pinakinaramdamang muli ang pagdating niya sa bahay. Binalak ko pa ngang magpahid ng virgin coconut oil para iligtas sa panlalamig ang aking mga paa. Pero sa huli, pinigil ko ang sarili ko. Maano kung ginawin. Hindi ba't ilang araw ko nang hinihintay-hintay ang lamig ng pasko. Nakahiga na ako at nakakumot nang marahang-marahan kong naramdaman ang pagtabi niya sa akin sa higaan. Nakangiti akong nagpalipas ng maraming sandali. alam kong pagkaraan ng ilang minuto, hindi niya mapipigil na ako'y yapusin at siilin ng buong lambing.

Tila nahihibang kong dinukot ang aking singit upang kanlungin ng init niyon ang aking palad. Sa walas, hindi ako nabigo. Batid kong katabi ko na ang lamig ng pasko.

Perpektong Araw

Napakasayang araw nito Hindi dahil sa anupaman, kundi dahil kasama ko ang aking mga kaibigan sa loob ng ilang oras. Ipinagpalit ko ang aking mga estudyante sa apat na kaibigan ko; na bihira kong ginagawa. Ibig sabihin, maaga pa'y pinaghandaan ko na ang hindi pagdalo sa klase para sa buwanang pagkikita naming magkakaibigan.

Nagsimula ang umaga namin sa usaping espiritwal, sa pagitan ng tawanan at balitaan. Naitanong ko sa kanila kung hindi kaya kahinaan o kapintasang maituturing ang pangyayari na marami akong kakilala na tila lantarang napapalapit sa Diyos sa panahon ng pagtanda. Naitanong ko ito dahil naisip ko, hindi kaya sabihin ng Diyos na kaya lamang lumalapit sa akin ang taong ito dahil wala nang ibang malapitan. Kung baga, wala nang choice kundi maging maka-Diyos o espirituwal.
Magkasabay halos na tumutol sina G. at J. Sabi ni G: "Napakahaba ng pasensiya ng Diyos. Lagi ka niyang hihintayin na lumapit sa kanya." Sabi ni J: "Ano ang masama roon? Ang pagiging espirituwal naman, para kahit kanino, ay isang mahabang proseso. Madalas, buong buhay ang kailangan para matanto natin ang halaga nito." Dahil sa narinig kong iyon, gumanda na ang araw ko.

Pero lalo pang nadagdagan ang aking kasiyahan nang palipasin namin ang oras sa Asian Development Bank at planuhin kung paano ang aming Christmas dinner, exchange gift (magkakahiwalay na kami nang may makaaalalang nakalimutan naming pag-usapan ang isusuot na color scheme sa gabi na aming pamasko sa sarili.)

Pinagtawanan namin ang aming grupo at mga sarili. (Darna ang pangalan ng aming grupo. Nang may magtanong kung ano ang Darna para sa bawat isa. "Bato! para makalipad" sabi ni G. "Bandanang nakatakip sa pekpek," sabi ko. "Pwedeng pag-usapan kahit ano," sabi L. Nakalimutan ko na ang sinabi nina J at R.)

Higit sa lahat, pinagtawanan namin ang aming mga kahinaan at ang aming mga kabulastugan. Maraming pagkakataong kailangan kong magtiim ng bagang para hindi tuluyang maiyak sa tuwa.

Patuloy ang aking kagalakan hanggang sa pagbabalik namin sa UP? At sino ang nadatnang ko kundi isang dating matalik na kaibigang ilang buwan ko nang hindi nakikita. ang tagal at ang higpit ng kumustahan namin.

Hanggang sa pagdating ko sa bahay ay nanatili ang magaang na pakiramdam. Para akong may nakasubong cteam puff sa bibig o para akong nakahiga sa kamang yari sa kulay pulang cotton candy. Nang magbukas ako ng telebisyon, akalain mo bang ang palabas ay tungkol sa Paris!

Napilitan tuloy akong matulog nang hindi sinisira ang rupok ng cotton candy. Ang ginawa ko? Nagsalang ako ng CD at nagpaantok habang nakikinig ng tila nagkakandirit na mga awit ni Edith Piaf.

Hindi ko na bubuisisiin kung bakit naging parang perpekto ang araw na ito.Sapat na ang naranasan ko ang gayon kagandang araw.

Sunday, November 18, 2007

Ano pa'ng mga Pangarap Mo?

Napatda ako ng ilang sagli nang itanong iyon sa akin ng aking kaibigan. Sa maikling panahon, biglang nagbalik sa akin ang marami kong mga balak noong araw na natupad at di natupad. Hindi ko maiwasang magpanic. Hindi ko akalaing mag-aapuhap ako ng isasagot.

Hindi dahil sa naubusan na ako ng mga balak o pangarap, tinantiya ko lang kung hindi matatawa ang aking kausap. Una, dahil ang mga pangarap ko'y hindi na para sa sarili. Pangalawa, hindi katulad ng dati na walang gatol kong nasasabi ang mga hinahangad ko para sa akin, ngayong parang malabo o masyadong malawak ang mga gusto ko. Hindi ko matukoy dahil ang totoo'y hindi ako sigurado kung paano tukuyin.

Dahil may suspetsa akong hindi na magtatagal at ang aking kalusuga'y susuko sa anyaya ng pagpapahingalay, minabuti kong huwag nang mag-isip ng kung ano-anong balakin para sa aking sarili. Bagaman napakahirap gawin dahil hindi basta-basta maiwawaksi ang mga paghahangad,paulit-ulit ko itong sinisikap. Ayaw ko nang gumawa ng malalaking balak. Ayaw ko nang bumuo ng malalaking pangarap. Itinatalaga ko ang sarili sa kung anoman ang sumapit, sa kahit ano ang dumating. Sa isang banda, mabisang paraan ang gayon upang makaiwas sa mga di-inaasahang bigwas ng pagkabigo. Naiiwasan din nitong mapagod ang marupok kong puso.

Aaminin ko, madalas kong malimutan ang ilang ulit ko nang nasabi sa sarili: iwasang magplano, tama na ang paghahangad. Gayonman, marami pa rng pagkakataong may maiisip akong bagay na nais kong gawin o nais makamit. Gaya na lamang ng araw-araw na pag-aabala sa blog na ito upang maging isang libro.

Kahit paano, naiiwasan ko ang pag-iisip ng mga plano, ang paggawa ng mga balak, ang pagkakaroon ng mga pangarap. Pero naroon pa rin ang paghahangad para sa iba. Higit sa lahat kay Luna. Sa aking mga anak, gayon din kay Ann. May pangarap pa rin ako para kay nanay at Tiyo Horatio. Hindi ko maiwasang magkaroon ng pangarap para sa aking mga kapatid at sa ilang kaibigan.

Pero hindi na rin tulad ng mga dating pangarap ko sa aking sarili noong araw, laging tiyak at malinaw kung paano makamit. Ang pangarap ko ngayon para sa iba ay pangkalahatang paghahangad na sana'y makamit nila ang ligaya. Kung noong araw ko naisip ito, baka napaismid ako at nasabing Ano ba 'yon? Parang pangarap na world peace ng isang kandidata sa Miss Universe. Pero, ganoon.

Maaring iyon ay isang paraan upang ikubli ang sarili sa posibleng pagdating ng kabiguan, maaaring isa pang tanda ng tumatandang karuwagan o pag-iwas na masaktan. At mauunawaan naman kung bakit: nananakit na ang aking mga buto, at namimitig ang aking kalamnan. Madalas ding pakiramdam ko'y hapong-hapo na ang aking puso.

Ang totoo, kung may malaki at tiyak na pangarap pa akong natitira, iyon ay ang sana'y lubuisan na akong mapahinga.

Saturday, November 17, 2007

Kumpisal ng isang Guro bilang Mag-aaral

Ngayon ko lang ipagtatapat ito: Akala ng mga kaibigan ko saTelon, tinuruan ko silang magsulat ng dula. Pero hindi nila alam, ako ang natuto mula sa kanila.

1982 nang itatag namin ang Telon Playwrights Circle, matapos ang playwriting workshop na itinaguyod ng U.P. Student Council. Tila lahat kami'y nakatagpo ng kapatid na mahilig ring kumain; magkipaguwentuhan; at manood, magbasa at paminsan-minsa'y magsulat ng dula. Matapos ang ilang linggo, nagpasya kaming pormal na buuin ang samahan at itatag ang Telon Playwtrights Circle. Sa maliit na kuwarto namin sa UPBliss kami regular na nagkikita-kita at nagdadaldalan, nagtatarayan, nagkakainitan ng ulo kung minsan. Hindi maiwasang mapika sa isa't isa kung minsan, pero laging nagtatangkang unawain ang kanya-kanyang idiosyncracies.

Madalas din kaming sama-samang kumain sa UP Hostel at maglakad sa ilalim ng malalagong akasya at kabalyero ng Diliman. Nasaksihan namin ang pagkakagulang at pagbabago ng estado nang isa't isa. May mga umibig at nabigo, at muling umiibig nang parang walang kadala-dala. May mga nakasulat ng dula, may naging makata, may iba ang pinagkadalubhasaan.

Marami kaming karanasang hindi marahil namin mararanasan kundi dahil sa samahan. nagtanghal din kami ng dula. Nagsanay ng mga estudyante. Sumabak sa iba't ibang gawain sa produksiyon, kahit sa simula'y wala kaming alam kung paano iyon gagawin.

Ang panahon namin sa Telon ay panahon ng pagkakagulang. Kaya bawat munting sugat at karampot na tuwa ay nakintal sa aming gunita. Hindi espesyal dahil likas na ganoon, kundi nahahanda kaming magkaroon ng makikintal na karanasal. At maraming kaming kaalamang natatak sa aming kamalayan.

Lalo ang kaalaman tungkol sa dula. Ang totoo, hindi ang mga teknikal na aspekto sa pagkatha ng dula ang natanim sa isip ko, kundi mga kamalayan tungkol sa buhay. Paano magtiwala. Paano mabigo at muling umasa. Paano bumangon at hindi kaagad-agad mawindang sa maraming karaniwang pagsubok ng buhay. Paano bumuo ng tauhan at magpakatao. Paano magpahalaga sa iba at sa kaligayahan. Marami sa halagahan ko ngayon ang malilingon ko sa aming samahan, malay man kami o hindi.

Masasabi ko ring hindi lang ako nakatagpo ng mga kakilala at kaibigan, nabigyan ako ng Telon ng pagkakataon na magkaroon ng mga kaibigang panghabambuhay. Oo, mayrtoon ding mga pagkakaibigang pinutol at tinalikuran, pero bahagi lang iyon ng mas mahalagang leksiyon na natutunan ko sa Telon, ang kung paano mabiuhay.

Sigurado akong may mga darating pa akong bagong kaibigan at ibang samahan, pero lagi ko silang susukatin sa pamantayan ng Telon. Bagaman alam kong hindi mapipigilan dahil itinalaga ng buihay, lihim kong idinarasal na sanay huwag agad bumaba ang Telon.

Friday, November 16, 2007

Entablado Klasiko

Kagabi'y dumalo ako sa paglulunsad ng apat na bagong munting libro ng Pambansang Alagad ng Sining Bien Lumbera, ang Entablado Klasiko ng ateneo de Manila Press. salin ng mga dula ang serye ng Entablado klasiko, ng Julio Cesar ni Shakespeare, Blood Wedding ni Federico Lorca, Kaaway ni Maxim Gorky, at , ang paborito ko, Retrato ng Artista bilang Filipino ni Nick Joaquin.

Naging okasyon ang paglulunsad upang muling sumagi sa isip ko ang panghihinayang na tila hindi lubhang pinagkakaabalahang ng mga awtor na Filipino ang gawaing pagsasalibro ng kanilang mga obra. Kaya lumilipas ang mga taon at ang mga produkto ng katutubong imahinasyon ay basta na lamang nalilibing sa limot.

Pinatindi pa ng dalamhating iyon ng pagtatagpo namin ng kaibigang Bonbifacio Ilagan. Matagal ko na ring hinihintay-hintay ang paglilimbag niya ng kanyang mga obra, lalo na ang Pagsambang Bayan. sabi ko nga, hindi kumpletong maisusulat ang kasaysayan ng kontemporanyong dulang Filipino hanggang hindi naililibro ang mga dula ni Boni.

Ito rin ang paksa ng usapan namin ni Tim noong isang araw sa Faculty Center. Ang daming mandudula ang hindi nag-aabalang likumin sa isang libro ang kanilang mga dula. Nakakahik isiping hanggang ngayon, walang koleksiyon ng dula ang Peta o Tanghalang Pilipino ng CCP.

Nakapanghihinayang kung hindi maasikaso ang paglilimbag. Sa dula, napakaimportante na malimbag ang texto, matipon sa isang koleksiyon ang puta-putaking mga obra, lahit mga obra ng kabataan, dahil hindi sapat sa dula ang matanghal.

Hindi sapat ang dalawang oras na pagbuhay sa entablado ng isang dula para makintal ito sa ating kamalayan. Gaano man kahusay ang pagganap ng mga artista at iba pang talinong bumuhay sa dula sa pamamagitan ng produksiyon.

Para matanim sa ating kolektibong karanasan, kailangan ang paglilimbag upang ang hindi kayang ipadanas ng dalawang oras na pagtatanghal ay muli nating mabuhay sa ating gunita. Hindi sa bisa ng ibang artista, galaw, kasuotan, pag-iilaw o iba pa. Kundi ng sarili nating imahinasyon.

Kailangang mapakilos ng mga nakalimbag na salita ang ating isip upang mabuhay ang dula, upang masagip mula sa hukay ng paglimot ang isang karanasan.

Tasa-tasang Ligaya

Dahil sa aking kalusugan, lahat ng gawin ko ngayo'y medya-kedya na lamang. In moderation sa Inggles.Laging may pagpipigil. Laging may renda. Di lang sa pagkain; lalo sa saya.

May mga pagkaing talagang bawal, kau\ya kailangang iwasan o bawasan. Gaya ng matatamis, kahit sariwang prutas. Isang pisngi ng mangga. Ilang piraso lang ng ubas.
kaunting-kaunting karne. Sanghiwang sinlaki ng kahon ng posporo. Isang puswelong kanin. Pero kahit gaano karaming guylay, gaya ng kangkong sa sinigang. O talbos ng kamote. Mas mainam kung maraming gulay bago magsimula ng regular na kain.

Kaso, bawal din ang maalat. Kailangang umiwas sa mga sawsawan, gaya ng toyo o patis, o liquid seasoning. Kapag di ko nabantayan ang alat, mabilis na tumataba ang aking mga paa, at ang mga daliri ko sa paa ay namimintog na parang mga daliri ng baboy.

Dapat ko ring bantayan ang iba pang pagkain, tulad ng gatas at saging. Problema ito dahil mahirap maghanap ng pagkaing masarap pero walang lasa.

kung mahirap na gawain ang pag-aantabay sa kinakain, pero mas mahirap ang pagkokontrol ng damdamin. Madaling maunawaan ang dahas ng labis na kalungkutan. Pero hindi rin dapat ang maging sobrang saya.

Kaya dapat kong ipagdiwang ang araw na ito: Ang unang linggo ng muli kong pagtuturo.
Ang unang linggo ng muli kong pagbabalik sa tanging mundong nais kong kabilangan. Maari ko na lamang ipagdiwang nang munti at unti-unti ang galak na nadarama ko sa maliliit na tagumpay. Saka na tantusan ang malalaki at malalawak na pagwawagi. Ang unang buwan, Ang unang semestre. At ang unang taon. Kung palarin akong abutin pa iyon.

Samantala'y dapat lamang na maging kasiya-siya para sa akin ang unang linggo. Unang apat na araw ng pagkakaroon ng pagkakataong maging bahagi ng karanasan at kamalayan ng halos limampung kabataan.

Ano'ng hahapin pa? Ang iba'y bahala na. Dumating kung dumating. Kung hindi, huwag mabigo o mangamba. Ang unang linggo ay sapat nang kagalakan.. Bakit maghahanap pa ng iba?

Thursday, November 15, 2007

Mahirap Talikdan ang isang Kaibigan

Una, kailangan mong humakbang palayo sa mga bagay na nagbibigay sa 'yo ng di-mumunting lugod. Kailangan mong kumbinsihin ang iyong sarili na ang dating nakasisiya sa iyo ay wala nang halaga; na hindi ka na napupukaw ng mga bagay na nagpapangiti sa iyo, o pumapawi sa iyong lumbay. Ibana ang epekto ng mga bagay.

Kailangan mo ring aminin, totoo man o hindi, na nagbago ka na. Parang batang biglang nagdiwang ng kaarawan at natagpuan ang sarili na mas malaki kaysa dati. Maraming pagbabago sa katawan ang kailangan pang makasanayan, gaya ng balahibong- pusa sa nguso, buhok sa kilikili, o pagpiyok ng boses. Sapagkat ang dating ikaw ay hindi na siya. Bigla, naging ibang tao na. Ang kaibigan niya ay hindi na niya kaibigan ni kakilala ngayon. at gayon ka rin. Ikaw ay naging estranghero sa kanya at sa sarili mo.

Ito ang mga bagay na umuukilkil sa isip ko habang binabagabag pa rin ng isipin kung ano talaga ang nangyari kay Min. Pero ang totoo, binabagabag ako ng alaala ng dating kaibigan, ni E.

Sa pagtalikod kasi sa dating kaibigan, hindi sapat ang humakbang lang palayo. Kailangang maghukay sa lupa upang ilibing isa-isa ang bawat titik ng kanyang pangalan, o ng sarili mo. dahil ang pagtalikod sa kaibigan ay halos katumbas ng pagkitil sa sarili. {arang pagpapatiwakal.

Noong araw pa, talos ko nang ang pinakamahalagang relasyon sa ating buhay ay ang pakikipagkaibigan.

Mas mahigit pa ito kaysa kapatid, asawa, o anak. Ang magkapatid ay pinagbuklod ng dugo; hjindi nila pinagpasyahan, aksidente lang ng genes. ganito rin sa anak at magulang. Ang sa asawa ay iba naman. Pinili mo nga. Ngunit sa sandaling piliin mo, wala ka nang kawala. Para kang makukulong sa ugnayang iyon. Literal kang "nakatali" sa ugnayang mahirap talikuran dahil pinagbuklod ang mag-asawa ng ritwal. Kaya ideyal na ugnayan ang kaibigan dahil kahit walang pagbubuklod para kayong isa. At hindi kayo nakatali para patuloy na maging magkaibigan. Kahit anong oras o sa anong dahilan ay maaaring mapatid ang ugnayan, pero pinili ninyong maging magkaibigan. Ang dalawang tao ay hindi kinakailangang magkasama o magkalapit para manatiling magkaibigan. anumang oras ay maaaring tumalikod o humnakn\bang palayo ang isa't isa, pero hang hindi kayo nagpapasyang gawing iyon, mananatiling naroon ang matibay at di-nakikitang lubid na bumibigkis sa dalawang tao.

Kaya aminin ko man o hindi, hanggang ngayon ay lihim kong iniluluha, ipinagluluksa si E.

Tuesday, November 13, 2007

Pabgarao kong Noche Buena

Huling Hapunan ang ninanasa ng marami, bilang pag-alaala at pagpupugay sa La Ultima Cena ni Hesukristo. Ang mga nasa preso at sentensiyado ng silya-elelektrika ay pinag-iisiup ng last meal. Sugpo at alimango ang kadalasang kabilang sa pinakahuling putahe. Pero maitatanong kung ano ang saysay nito o paano ka masisiyahan gaano man kagarbo ang mga nakahaing pagkain, kung alam na alam mong makaraan ang ilang oras ay tepok ka na.

Kaya nakakaaliw ang sarbey na ginawa ng Time Magazine. Mga pinakasikat na chefs sa buong mundo ang tinanong nila kung ano ang ihahandang last meal para sa sarili. Kataka-takang ay gusto ng marami ay mga simpleng comfort food, pagkain ng kanilang kabataan. Pagkaing katambal ng lasa at alaala, hindi kailangang pabuloso o naiiba tulad ng mga pagkaing inihahanda nila at nagbigay sa kanila ng marangal na reputasyon.

Kaya naisip ko ang pangarap na Noche Buena para sa mga Filipino. Bakit Noche Buena? Dahil ito ang pinaka-espesyal na salo-salo sa pamilya natin. Ito ang salo-salong tiyak na pinaghahandaan ng lahat, me pera man o wala.

Noong araw, ang Noche Buena sa akin ay hindi kumpleto kung walang isang puswelo ng mainit na tsokolate (mas ispesyal kung Hershey's pero ubra na kahit Ricoa o Serg's ng aking kabataan, Siyempre, bukod sa tsokolate, kailangang mayroon ding ilang hiwa ng hamon at ilang piraso ng hotdog. Nang itanong ko sa sarili ko kung bakit gayon ang naisip ko ay dahil iyon ang noche buenang pinakamadaling ihanda ng pamilyang gaya namin. noong araw na nakatira pa kami sa isang entreswelo sa La Loma. Isang pamilya na walang pera at walang panahong magluto. Dahil laging may tinatapos na tahiin si nanay, lasing kundi man tulog si tatay, wala sa bahay o mahimbing ang tulog ng mga kapatid ko, at tanging ako ang gising dahil kailangang tumulong sa paglililip kay nanay.

Nang simulan kong pag-isipan ang pangarap kong Noche Buena, nagulat ako sa sarili ko. Hindi lang pagkain ang naisip ko; katunayan, hindi iyon ang unang pumasok sa isip ko kundi kung sino-sino ang makakasama ko sa pangarap kong salo-salo bago sumpit o kasabay ng pagpitada ng Pasko.

Siyempre, masarap makasama ang lahat ng kamag-anak sa huling Noche Buena. Pero hindi iyon totooo. Kahit sa mga kamag-anak ay mayroon ding natatangi. Kaya ang pipiliin ko ay ilan lang sa kanila. Dapat na kasalo ko roon si Luna, dahil siya ang una kong apo, ang tubo sa aming mga puhunan kung baga. Nandoon din si Ann, Gusto ring kasalo sina nanay at tatay. Kung papayagan pa akong magsama ng isa o dalawang tao, marahil isasama ko sina Tanya at Yasmin. Dapat linawing hindi ibig sabihin ay sila lamang ang gusto kong kasalo. Pero kung limitado lang ang puwedeng makasama sa mesa, sila ang gusto ko kasama at hindi ko kailangang magpaliwanag kung bakit.

Ngayon, ano ang gusto kong ihanda o kainin sa pangarap kong Noche Buena. Siyempre, dahil noche buena, inaasahan nating umaapaw ang mesa sa kung ano-anong masarap na putahe bukod sa mga nuts at prutas na panghimagas. May ilang partikular na pagkaing hahanapin ko. Una, dapat may mechadong baboy - 'yong sagana sa tomato sauce at nangangapal sa taba. sana, mayroon ding paksiw na pata at dinuguang ulo ng baboy. Maghahanap din ako ng fruit cake, na maraming nuts at glazed fruits. Saka mainit na puswelo ng tsokolate, bilang pagwawakas ng noche buena, kasabay ng isang piraso ng ham sandwich.

Hindi kumpleto ang okasyon kung walang exchange gift pagkaraan, habang tumutugtog ang mga paborito kong Christmas carols.

Kayo, ano bang pangarap ninyong Noche Buena?

ang Nangyari kay Min

Ang laki pala ng epekto sa akin ng balita tungkol kay Min. Akala ko'y parang hangin lamang na nagdaan ang sinabi ni J, tungkol sa asawa ng isang kaibigan namin, pero hindi pala. Bukod sa umuukilkil sa isip ko ang pangyayari at binabagabag ng mga pag-uusisa kung bakit binago nito si Min, ang mahinhin, di-makabasag-pinggang si Min, itinatanong din ng isip ko kung ano ang epekto ng lahat ng ito kay Maan.

Siguro, ang tanging konsolasyon ay ang pangyayaring hindi na bata si Maan, ang tanging anak ni Min sa aking dating kaibigan, na nasubaybayan ko rin ang paglagi dahil matagal ring naging child talent sa Batibot. Mau gulang na si Maan nang mangyari ang masasakit na pagbabago, bukod sa siya ay isang matalinong bata kaya marahil, may likas na tibay siya upang sumalunga sa mga pait na ibinato sa kanya ng buhay.

Idagdag pa sa pag-iisip ko na nagkataong nang gabing iyon ang usapan tungkol sa battery o pang-aabuso sa asawa ang siyang paksa nang maghiwa-hiwalay kami nina J. at I. Wala namang gaanong sinabi si J. Nabanggit lang niyang naging tomboy si Min. Itinanong lang niya kung nabalitaan namin. Halos wala ngang nakapansin sa sinabi niya, maliban marahil sa akin na siyang nagpalawig sa usapan.
Sabi ko, kung nagkaganoon man, naiintindihan ko si Min, dahil halos kahawig iyon nang nangyari sa akin. Minabuti ko pang maging bakla, kaysa manatiling asawa ng asawa ko.

Kanina, nang magising ako ay naitanong ko sa aking isip kung hindi kaya maaring ituring na bunga ng battery o pang-aabuso ang nangyaring pagbabago ni Min. Posible kayang dalawang pang-aabuso ang naganap? Abuso kay Min at abuso kay Maan.

Sumagi rin sa isip ko kung ako kaya ay biktima rin ng pang-aabuso kaya ganito sang naging pagkatao ko.

Ano kaya ang magiging paliwanag ni I.?

Sunday, November 11, 2007

Henesis ng Isang Nobela

(Paimanhin kung medyo may kaguluhan at walang porma ang sumusunod na entry. Talagang magulo ito dahil nagsisailbi itong panimulang tala sa naisip kong isang nobela. Hindi isang munti pero integral na akda ang layok ko dito, di tulad ng ibang blog entries, pero mainam itong dokumentasyon kung paano ako mag-isip tungkol sa isang binabalak na writing project. Kaya lang, gaya ng anomang balak, malaki ang posibilidad na hindiko naman maisulat ang proyektong ito. Pero talagang ganoon. may mga balak na gaano mang kaganda o kabuti ay mananatiling balak lang lamang, at sapat na iyon.)

Binabagabag ako ng kuwento ng batang nagbigti. Habang pinanonood ko ang pagtatanghal ng Wish Ko Lang na nagtampok sa kanyang kuwento, hindi ko maiwasan ang hindi mapaiyak. Kunsabagay, hindi naman kayaka-taka iyon dahil hindi lang sa sadyang napakaiyakin ko, kundi marami talaga ang nabagabag ng pagpapakamatay ni Mariannete. Bakit nga ba lubhang nakatitigatig ang pangyayaring iyon?

Una, bata - biruin mo, bata ang nagpakamatay. Bata ang pumuti sa sariling buhay! - bata ang kay agang pinanawan ng pag-asa at ng lakas na makipagtagisan sa buhay. Hindi normal ang ganitong bagay. Dahil hindi dapat nagpapakamatay ang bata. Ang karaniwang larawan natin sa mga bata ay bilang pag-asa. Pero si Mariannete ay nagsilbing imahen ng desperasyon.

Pangalawa, parang lahat tayo ay hindi makakaiwas na hindi maging responsable sa kanyanyang kamatayan. Parang bawat isa sa atin ay may kasalanan, at nais nating iiwas ang ating mga mukha sa paninisi ng ating konsensiya. Gusto nating pangatwiranan ang ating mga sarili para makapahugas tayo ng kamay. Pero hindi puwede ang gayon, dahil nga bata ang namatay at ang bata ay laging panmanagutan ng buong lipunan.

Bago ko nabalitaan ang nangyari kay Mariannete, pinag-iisipan lo kung anong kuwento ang mabubuo ko sa balita tungkol sa batang natagpuang patay sa loob ng isang maleta. Hindi ko na alam ko ano ang naging wakas ng kasong iyon. Halos kasabay niyon ang kaso ng batang tumalon sa kanyang paaralan sa Malate, matapos ipagtapat sa ilang kaklaser na siya'y biktima ng pang- aabuso.

Naiugnay ko ito sa konsepto ni Mebuyan, ang diyosa na maraming suso at kumakalinga sa mga patay na batang naglalakbay tungo sa kabilang buhay. Bakit mayroon tayong ganitong karakter sa ating sinaunang mitolohiya. Siguro, kinukupko ni Mebuyan ang mga patay na bata para bigyan ng kalinga at huwag manimdim sa pagkawala ng kanilang mga magulang.

Maaaring ang nobela ay pamagatang "Mga Apo ni Mebuyan" at magpapakita na higit na kaawa-awa ang mga batang nanatiling buhay kahit pinanawan ng mga pangarap: mga batang nakikipaglaban para basta lamang makaraos. Mga batang buhay nga pero mas masahol pa sa mga batang patay o nagpakamatay. Masahol pa sa mga batang pinatay. Sila ang tunay na mga batang isinumpa. Sila ang mga apo ni Mebuyan na naiwan sa ibabaw ng lupa.

Friday, November 9, 2007

Ililigtas ba Tayo ng mga Libro?

Umuukilkil pa rin sa kamalayan ang nangyari kay Mannete, ang batang taga- Davao na nagbigti para takasan ang sobrang kahirapan. Nang mapanood ko ang programa sa YV na nagpakita ng naiwan niyang notebook na ginawang diary, muli akong binagabag ng tanong: Hindi ba tayo kayang iligtas ng libro mula sa kapahamakan ng kahirapan? Naitanong ko ito sa sarili dahil sa paniwala kong hindi madaling mawalan ng pag-asa ang mga taong nagbabasa ng panitikan.

Hanggang sa matanto kong mali pala ang nauna kong pahayag. Hindi libro ang nagbibigay ng pag-asa at pangarap. Kundi ang pagbabasa ng panitikan.

Kahit ito ang mahina pa ring pormulasyon nang talagang nais kong sabihin, kaugnay nang nangyari kay Mannete Amper.Gusto kong maniwala na ililigtas tayo ng pag0asa, ng panitikan mula sa desperasyon.

Tutuo, nahindi lamang panitikan ang makapagliligtas sa atin. Ni hindi tayo kailangang iligtas kung ginagawa natin ang lahat para mabuhay. Dahil habang nangungunyapit tayo sa manipis na hibla ng buhay, okey pa ang lahat.

Pero paano nga tayong mananatiling nangungunyapit sa hibla na panipis nang panipis? Ito ang nais kong pag-isipan. Ito ang nais kong ihanap ng kasagutan. Dahil ito, sa palagay ko, ang kalagayan ngayon ng maraming Filipino. Nangungunyapit na lamang, at walang ano-ano ay mapapatid ang hibla o huhulagpos ang mga daliri sa pagkakakapit.

Ano ang magliligtas sa atin?.

Give away sa Audience

Panay ang panood ko ng TV dahil lagi akong walang magawa sa bahay, lalo mula nitong Abril nang ma-stroke ako. Kung ano-anong klase ng programa ang pinapanood ko, lalo sa cable. Mulang halos paggising sa umaga hanggang bago humiga para matulog sa gabi. Minsan, nakahiga na ako ay mapapabangon pa kapag hindi agad dinalaw ng antok at, hayaan kong ang utak ay salakayin ng inip. Mag-aalis ako ng kumot o kakalas sa dantayan.. Mapapabangon. Kakapain ko ang remote ng telebisyon at mauupong nakaharap sa "tangang kahon" hanggang sa manghapdi ang mga mata ko sa hilam ng antok.

Matagal-tagal ko na ring napapansin ang ginagawa ng mga programa sa Amerika, lalo na iyong may live audience sa studio. At pinag-usapan pa ito sa pinakabagong istasyon sa cable, sa programang The View. Ang pamimigay sa studio audience ng kung ano-anong give away mula sa mga tagapagtaguyod ng programa. Minsan snack items para sa food show ni Rachel Ray. Minsan, libro. Iba't ibang klase ng domestic items, cd, laruan, babasahin, ear phones at kikay kits. Kadalasan, hindi gaanong mahalaga kung isa-isa pero malaki-laking pera ang katumbas at pagsasama-samahin ang katumbas. Pinakagalante ang programa ni Oprah.

Naalala ko tuloy ang panonood namin ni nanay ng Talents Unlimited sa Aduana. Programa iyon sa radyo ng ABS , parang Eat Bulaga sa radyo tuwing tanghali. Si Ben Aniceto ang host at may mga guests na singers at artista. Iyon ang una kong pasok sa stdio. Alas-nuwebe pa lang ng umaga ay may pumipila na paea maging studio audience. Pareho kami ni nanay na sinuwerteng mapili bilang contestents. Hindi kami nanalo pero natatandaan kong hindi kami umuwi nang luhaan. Maybitbit kaming kung ano=ano: Rufina patis, maliit at di-gaanong mahalagang items, at gift certificate mula sa Santos portrait. Ang retrato kong 8 x 10 black and white mula sa "retratista ng mga bituin" ang pinakamahal kong pag-aari noong araw.

Hinihintay kong sundan ang pamimigay ng give away sa audience ng mga programa dito sa Pilipinas. Para magkaroon ng dagdag na pagkakitaan ang mga nag-aabalang pumila para manood sa mga programang ito. Naranasan na ba ninyo ang manood sa mga programa? Maraming oras ang kailangang gugulin para sa isang oras na programa. Halos kalahating araw ang kailangang gugulin. Kaya para masulit ang panahong ginugugol ng audience para magmukhang may tagapanood ang programa, kailangang may mapala naman ang mga manonood. Siyempre, mas mabuti kung hindi lang manonood sa studio ang mabibiyayaan. Mas mabuti kung pati audience sa bahay, pero baka suntok sa buwan na ang humiling nang gayon.

Tutal, wala naman tayong maaasahang mahihita mula sa nilalaman ng mga programa, lalo ng mga programa sa telebisyon ng ABS CBN at GMA.. Mabigyan man lamang sana nila ang audience kahit ng mga give aways gaya ng sardinas, bigas, groseri, mga makakain, kundi man kabuhayan, ng pamilya. Kung hindi rin lamang maasahan ang mga miyembro ng produksiyon na dagdagan ng mas matino-tinong nilalaman ang programa, paghanapin na lang sila ng network ng mga sponsors na magbibigay ng mas maraming give aways sa audience.

Kung dito magpapaligsahan ang mga programa, baka sakaling maging interesante ang network wars.

Thursday, November 8, 2007

Bata, mahirap, nagbigti!

Nangyari na ang kinatatakutan ng marami. Isang dose anyos na batang babae ang dahil sa sobrang hirap at kawalang pag-asa ang pinagdimlan ng paningin at nagbigti kahapon sa lungsod ng Davao. Bagaman katatapos lang ng mga balita ni Presidente Arroyo tungkol sa patulkoy na papagandang kabuhayan ng mga Filipino, inako kaagad ng gobyerno ang responsabilidad sa pangyayari.

Matinding sumbat sa ating lahat ang pagbibigti ni Mariannete. Maaaring ang lubid ang kumitil sa kanyang hininga, ngunit sino ang nagsabit niyon? Sino ang nagtali niyon sa kanyang leeg?

Hindi paghahanap ng masisisi ang dahilan kaya kami nagtatanong. Nililinaw lang namin na tayong lahat ang namatayan at nararapat lamang manggipuspos sa pagkaputi ng buhay ni Mariannete.

Nagbigti si Mariannete dahil hindi na niya natagalan ang matinding paghihirap ng pamilya. Laging kapos sa pagkain, hindi makapag-aral nang maayos, maysakit ang amang pana-panahon lang kung makapagtrabaho at kumita. Sumulat siya sa programang Wish Ko Lang ng GMA, pero huli na bago mapagbigyan ang hiling niyang bag, pagkain at trabaho para sa tatay. Nakapag-iwan din siya ng diary kung saan niya naipagtapat ang matinding kawalan ng pag-asa at paghihirap.

Laging nakaliligalig ang wala-sa-panahong kamatayan ng isang bata. Lalo ang pagpapakamatay ng isang gaya ni Mariannete.

May suspetsa kaming hindi lamang matinding kahirapan ang nagtulak sa kanya para kitlin ang sariling buhay. Totoong mahirap ang buhay ng marami. Pero hindi ito sapat na dahilan para magpakamatay ang isang bata.

Mas nakatatakot at nakababahala ang kawalang pag-asa. Ang matinding desperasyon. Ang pagsuko. Ang kawalan ng lakas, hindi ng katawan para kumilos, kundi ng kamalayan para lumaban, para mangarap na hindi lalaging madilim ang buhay. Hindi sa tuwina ay kukulo-kulo ang sikmura at ikinahihiya ang pakikisalamuha sa iba na higit na mapalad kaysa sa sarili.

Ito ba ang trahedya ng ating panahon? Ang makitang hindi maatim ng ating mga anak ang patuloy pang mabuhay. Ang malamang mas gusto pa nila ang mamatay, kaysa mabuhay sa pagkahirap-hirap na lipunang siya lamang nakayanan nating ihanda para sa kanila.

Wednesday, November 7, 2007

Mapalad na Mambabasa

November Blog

November 8, 2007

Mapalad na Mambabasa

Kasabay ng pagbubukas ng klase, gusto kong pagpugayan ang mga tao at akdang humikayat sa akin upang mahilig sa pagbabasa. Pagbabasa, sa palagay ko ang isa sa susi ng pagkiling ng interes ko sa pagsusulat. Kundi ako naging mambabasa, hindirin ako marahil naging manunulat. Nang matuto akong bumuklat ng mga pahina, hindi lamang iba-ibang mundo ang binuksan nito para sa akin. hindi lamang bumukas ang pinto ng mga bagong karanasan para sa akin.

Nang bumukas ang pinto, nilamon ako nito nang buong-buo. Wala akong kamalay-malay, sa simula, na nilululon na pala nito ang buong pagkatao ko, pati ang kaluluwa ko. Pero hindi ko ito pinagsisisihan. marahil, karapat-dapat sabihing ito ang bumago sa direksiyon ng buhay ko. Ito ang nagligtas sa akin, tawanan man ako ng iba at marami, sa pagiging karaniwan. Pagbabasa angnagpatuklas sa akin na mayroon pala akong kaluluwa. Pagbabasa ang unang kumumbinsi sa akin na, sa pamamagitan ng aking isip, ay makalilipad pala ako, at makararating sa kung saan-saang lupalop.

Unang-una akong dapat pasalamat sa nanay at tatay ko. Kamangha-mangha na silang mga di-gaanong mataas ang pinag-aralan ang nagpunla sa akin, sa aming limang magkakapatid, ng habang buhay na paggalang sa pag-aaral; ng hilig sa libro at pagbabasa.

Natataandaan ko, wala kaming mga libro sa bahay. Ni wala kaming maliit na shelf para lalagyan ng libro. Pero tinuruan ako ni nanay na magbasa at magsulat. Hindi basta tinuruan, kundi binantayang matutong magbasa at magsulat. Katabi ko siya habang unti-unti kong tinutuklas ang tunog at kahulugan ng bawat titik sa pahinang hawak ko. Katabi naman ni nanay ang payat na pamalo, panghampas sa akin tuwing magbabawa ang atensiyon ko sa ginagawa o tuwing sa palagay niya ay pumapangit ang aking pagsusulat ng mga letra.

Mapapaiktad ako. Mapapaaray. Lihim na pangingiliran ng luha. pero ang lahat ng sakripisyo ay sa simula lamang pala. darating ang panahong hindi na ako kailangang bantayan ni nanay. Nakakabasa at nakakasulat na ako sa sarili ko. Malaya na ako sa kanyang pagbabantay. Malaya na ako sa payat na pamalo dahil kusa kong pinagbubuti ang pagbigkas para maintindihan ko ang binabasa ko at pinagaganda ang hagod ng aking pagsulat para madaling mabasa ninoman.

Si tatay naman ay mahilig sa pagbabasa ng Liwayway. Kung si nanay ang nagpakilala sa akin ng mga titik at tunog, si tatay naman ang nagpakilala sa akin ng mga kuwento at tula. Hindi siya nagbabantay o namamalo. Nagbabasa lang sa isang sulok. Minsa'y bumibikas nang may bahagyang lakas para tapunan ko ng tingin at matanto ang kakaibang ligayang tila nadarama niya tuwing magbabasa ng tula. At sa batang puso ko, noon unang umusbong ang inggit. Nainggit ako sa kasiyahang nadarama ni tatay. Gusto ko ring makangiti nang ganoon. Hanggang sa nahilig din akong bumasa ng mga tula at kuwento.

Noong nasa ikalawang baitang ako, paborito ko ang libro ng mga kuwento tungkol kay Rizal. Manghang-mangha ako sa kuwento ng tsinelas niya na hinayaan niyang maanod ng tubig ang kapaa upang pakinabangan ng isang batang mahirap, sakaling matagpuan. Ito ang unang kuwentong Rizal na unang bumighani sa akin sa kadakilaan ng ating bayani.

Isang Golden Book na ang pamagat ay "Goliath" ang una kong children's book. Kuwento ito ni Goliath, isang pandak na elepante na ikinahihiya ng kanyang ama dahil kahit mga simpleng gawain ng karaniwang elepante (gaya ng paliligo nang mag-isa) ay hindi niya kaya. Pero siya ang lumaban sa isang dagang nagsisiga-sigaan sa kawan ng mga elepante. Kaya sa huli, buong pagmamalaking binuhat ng ama niya si Goliath upang sabihin sa lahat na "'Yan ang anak ko!"

Proud na proud rin siyempre ang nanay niya.

Buhay ni Rizal ang una kong libro. o mas tamang sabihin na una kong serye ng mga libro. Tuwing tutunghayan ko ang buhay niya sa marami at iba-ibang pagkakataong mulang pagkabata, lagi akong naaakit at namamangha, at nauudyok na gawin iyong timbulan ng sarili kong buhay at mga ideyal.

Sa kolehiyo, tinatanaw kong malaking utang na loob ang pagpapakilala sa akin ng maraming akda ng guro kong si Miss Cora Ignacio (wala akong ideya kung nasaan na siya ngayon). Manghang-mangha ako nang sa loob ng isang semestre, naengganyo niya kaming magbasa ng maraming klasikong akda, kabilang ang War and Peace, The Red and the Black, Brothers Karamasov, Don Quixote, at isang makapal na textbook sa literatura, bukod pa sa maninipis na mga nobelang ihinabol niya, ang Johnathan Livingstone Seagull at Little Prince, na bakasyon na nang matapos kong basahin.

All-time favorite kong nobela ang Noli Me Tangere na ilang ulit ko mang basahin ay lalo lamang tumitingkad ang paghanga ko. Ganito rin ang epekto sa akin ng Iliad, na ulit-ulit ko ring hinangaan, at, marahil, prinsipal na dahilan ng panghihinayang ko na maging makata.

Hanggang ngayon, patuloy ako sa pagtitiyagang magbasa, gaano man kahirap dahil sa kalabuan ng aking paningin. Naluluha pa rin ako sa magagandang kuwento, sa mga eksena ng tagumpay, sa kabutihan ng tao, sa kapangahasan ng pangarap, at sa katotohanan ng imahinasyon.

Pagiging mambabasa ang umakay sa akin sa mundo ng pagmamanunulat.

Pagbubukas ng Klase

Kagagaling ko lang sa Department para magsumite ng silabus bilang paghahanda sa pagbubukas ng semestre. Excited ako sa pagbubukas ng klase dahil, unang-una, matutuloy ang pagtuturo ko. Akala ko ay tuluyan na akong gagarahe mula sa pagtuturo dahil sa dinanas kong stroke noong Abril. Sa hinaba-haba ng kuwento, nabigyan ako ng medical clearance at ngayon ngang second sem ay makapagtuturong muli. Binigyan ako ng department ng apat na kurso: MP 174 o introduction to playwriting; MP 10 o Malikhaing Pagsulat; at Humanidades 1 o ugnayan ng lipunan at panitikan.

Mga asignatura silang dati ko nang itinuturo, kaya binago ko ang silabus. Kailangang palitan ko ang paraan ng pagtuturo ng mga kursong ito para maging kapana-panabik sa akin ang pagtuturo. Isa sa nakalulungkot sa mga gurong matagal nang nagtuturo ng iyon at iyon ding kurso ang panghihinawa sa kurso. Nababawasan, kundi man nawawalan ng hamon ang pagtuturo, kaya ang buong gawain ay nagiging mekanikal. Isang paraan para maiwasan ang ganito ay ang kada semestreng pagbabago ng silabus. Maaaring palitan ang pamamaraan. Maaaring baguhin ang mga babasahin at sanggunian. Maaari ding palitan ang buong pananaw at aealing nakapaloob sa kurso.

Pero, kahit di ako magpalit ng silabus, laging kapana-panabik sa akin ang pagbubukas ng klase. Laging kapana-panabik kasi sa akin ang makadaup-palad ang panibagong pangkat ng mga tuturuan. Tinitignan ko ang bawat klase bilang panibagong pangkat ng magiging kaibigan at kapanalig sa mga bagay na minamahalaga ko, lalo na ang pagsusulat at pagiging patay na patay sa panitikan,

Madalas namang pinapalad ako sa layong ito, dahil tuwing semestre may isa o dalawa, kung minsa'y marami pa, na nagiging kaibigan ko at kapalagayang-loob. Ito, sa akin, ang tunay na ligaya at biyaya ng pagtuturo. Ang makatagpo ng mga kasapakat sa pangarap. Ang makakilala ng mga bagong kasalo sa panaginip. Ang matagpo ng mga bagong kaibigan sa panitik.

Kasing-halaga ito ng realisasyon na ako naman pala'y normal, tulad ng iba: nagmamahal at humahanga sa kagilagilalas na mahiya ng wika; at naiiyak sa kagandahan ng mundo, gaano man karimarimarim ang paligid.

Tuesday, November 6, 2007

Bukas, Luluhod ang mga Tala

(Maluwalhating natapos ang kasong isinasalaysay ko rito. Nabigyan din ako ng medical clearance ng UP infirmary para magkaroon ng tenure. Kasalukuyang pino-process ang mga papeles ko. Marami pang ibang nangyari matapos ito: na-stroke ako noong April; pinag leave ako mula sa pagtuturo; nagbabanta ako na muling magturo ngayong ikalawang semestre; at marami pang iba.Bago pa ako mag-blog, naipangako ko sa sarili na ibibilang ko ang maikling salaysay na ito na sinulat noong February 21, 2007 sa aking magiging blog. Kaya heto ... )

Galit ako. Galit na galit. Hindi siguro mauunawaan kahit nino kung gaano ako kagalit ngayong araw na ito. Pero gaya nang lahat ng nakaraang galit ko, hanggang galit lang. Makaraang maibuga, galit pa rin. Kahit nailabas na, naroon pa rin. Kahit lumipas na, maiiwan lang ako ng galit na parang batang pinagtampuhan ng laruan. Pagkaraan ng lahat, ang batang iyon din ang maiiwang nag-iisa, malungkot at malamang ay nagsisisi kundi man naiinis sa sarili. Parang gutom na taong nagtampo sa bigas.
Kailangang linawin ko ang mga pangyayari.
Kanina, nalaman kong hindi ako mabibigyan ng clearance ng UP Infirmary dahil sa aking diabetis. Kailangan ko nang clearance para sa tenure, sa permanency. Hindi naman ako nasorpresa. Ang totoo’y parang nakikini-kita ko nang mangyayari ito noon pa mang Disyembre. Ang totoo’y mas malala pa rito ang inaasahan ko.
Ang sabi ng doctor na tumingin sa mga resulta ng kung ano-ano laboratory tests ko, kailangan kong komunsulta sa aking diabetologist. Kay Dr. alip na noong Disyembre ay nagreseta sa akin ng gamut para sa aking diabetes. Glucobay. Isang gamut na nakakautot. Napa-ha? ako nang ireseta iyon sa akin. Pero wala siyang ipinaliwanag kahit ano. Basta, kailangan kong inumen kasama ng Diamicron atiba pang gamut. Dahil Disyembre at wala naming pasok, sinunod ko ang reseta. Kagagaling ko lang sa ospital at kailangang ipskita ko sa pamilya ko na hindi ko naman pinababayaan ang sarili ko. Para hindi naman masayang ang panahon at pag-aalala nila sa akin.
Natapos ang Disyembre. Nag-umpisa uli ang klase. Utot pa rin ako nang utot, gaya nang dapat kong asahan, ayon kay Dr. Alip. Minabuti kong ihinto ang pag-inom ng gamut. Tutal, kokonsulta akong muli kay Dr. Alip. Hihingi na lang ko ng bagong gamut, naisip ko. Nang komunsulta uli ako, nakiusap ako kay Dr. Alip na palitan ang naka-uutot na gamot.. Hindi raw puwede. Wala nang paliwanag na ano pa man. Sinabi ko ang problema ko, na nauutot ako sa klase. Na hindi ko yata kayang ayusin ang diabetikong kondisyon ko, kapalit ng kawalan ng mukhang ihaharap sa aking mga estudyante. Pero hindi raw puwede.
Para hindi ako mautots sa klase, itinigil ko ang pag-inom ng gamot. Pansamantala, nawala ang problema at pag-aalala ko. Hanggang kaninang umaga nga. Ngayon’y hindi lamang pagkawala ng mukha ang pinoproblema ko, kundi ang posibleng pagkawala ng trabaho. Ang posibleng pagkatanggal mula sa pagtuturo sa UP. Kahit patuloy akong nag-aaral para sa doktorado, kahit patuloy akong nagsisikap pagbutihin ang pagtuturo ko. Sa kabila ng aking diabetikong lagay, nagagampanan ko naman, palagay ko, ang tungkulin ko bilang guro.
Pero baka hindi na sa mga darating na buwan. Dahil hindi na ako puwedeng magturo kung hindi ako mabibigyan ng tenure.
Kailangan ko raw makiusap kay Dr. alip, sabi ng doctor na may hawak ng mga papeles ko. Ipinaliwanag ko ang sitwasyon. Pero, ganoon pa rin, kailangan kong makiusap kay Dr. Alip.
Sinabi kong nakiusap na ako pero hindi ako pinakinggan. At wala akong maisip na dahilan para sa pangalawang pagkakataon ay pakinggan niya.
Naisip ko: bakit ako niresetahan ng gamut na nakauutot? Bakit kailangan kong mag-uutot? Hindi naman sinabi na gaya ng blood sugar, i-monitor ko ang utot ko. Hindi naman ipinaipon sa akin ang utot ko para madala at masuri sa Infirmary. Bakit ko kailangang mag-uutot? Maiintindihan ko kung kailangang alamin ang velocity ng utot ko para sa pagsusuri ng aking kondisyong medical. O kahit ang tunog o amoy ng utot ko. Pero wala naman. Kahit na noong nakiusap akong palitan ang gamut, hindi pa rin ipinaliwanag kung bakit ang inireseta sa akin ang magiging dahiln ng madalas at di-mapigilang paglalabas ng masamang hangin. Basta lang.
Kaya ayaw ko na muling makiusap. Dahil bingi ang doctor ko. Hindi bingi sa pandinig. Dahil kung mahina lang ang pandinig niya, baka magamot siya ng hearing aid. Hindi ‘yon ang problema niya. Bingi siya sa katwiran. ASyaw niyang tanggapin ang paliwanag ko. Ayaw niyang pakinggan ang hinaing ko na sa halip bumuti ang kalagayan ko, lumalala lamang dahil binibigyan ako nito ng stress, bukod sa kahihiyan ang pag-uot sa klase. Kung hindi lamang absurbo ang sitwasyon, makukuha ko rin sanang tawanan gaya ng reaksiyon ng mga kaibigan ko tuwing ikukuwento ko ang aking problema.
Para sa akin, walang nakakatawa sa sitwasyon. Hindi katawa-tawa ang posibleng pagkatanggal ko sa Unibersidad dahil ayoko nang umuutot ako sa klase.
Mas mabuti bang umuutot sa klase kaysa hindi? E bakit ako pinapautot?
Pumasok sa isip kong ang pamagat ng pelikulang “Bukas, Luluhod ang mga Tala” para paglubagin ang loob ko. Na balang araw, mabibigyan din ng katarungan ang katawa-tawa kong kalagayan at problema ngayon.
Kaya? Lumuhod nga kaya ang mga tala bukas. Pinangsumping o ang aking dalawang daliri.
Saka ko naalala. Sa pelikula lang maaaring lumuhod ang mga tala. Hindi sa totoong buhay. Paano luluhod ang mga tala samantalang wala naman silang tuhod. Ni wala nga silang mga paa.
Kaye heto na naman ako sa aking di-matingkalang galit. Galit nag alit. Sinisisi ko ang sarili at lahat-lahat.sa aking katawa-tawang kalagayan. Ayoko lang namang mautot.
Mahirap bang intindihin iyon?
Sa lupalop ng Pamantasan ng Pilipinas, ng pinakamagaling na unibersiad sa bansa, ng unibersidad na nangangalandakan ng konsensiya para sa bayan – magdusa ka
kung hindi ka matanggap para permanenteng makapagturo dahil ayaw nila ng propesor na nagpipigil ng utot.)

Monday, November 5, 2007

Disiplina sa Pagsulat 1

Itinuturing kong natatangi sa lahat ng propesyon ang pagsulat dahil sa dalas ng pangangailangang gawin ito. Hindi ito kailangang araw-araw na ginagawa, bagaman may bentahe ang gayon. Wala ring kaso kung tuwing kailan lamang masumpungan. May mga manunulat na sa buong buhay ay isa o ilang akda lamang ang nakatha.

Pambihira rin ang propesyong ito dahil hindi nangangailangan ng apirmasyon ninoman upang ipagpatuloy, bagaman aminin man ng manunulat o hindi, importante sa kanya ang masabihang may nakagusto sa sinulat niya.

Gusto kong bigyang-pansin ang layaw ng manunulat na gawin ang kanyang propesyon. Maituturing din ang pangangatha bilang isang hobby, isang libangan o pampalipas-oras lamang. Kung ganito ang palagay ng indibidwal sa pagsusulat, mauunawaan natin kung ginagawa niya ito kung kailan lang niya masumpungan. Kung kailan mangati saka lamang magkakamot. Walang kaso ang ganito. Dahil nauunawaan din natin na ang isang manunulat ay dapat lang humawak ng panulat kung mayroon siyang gustong sabihin. Madalas nga, ang payo natin sa mga batang manunulat ay manahimik kung walang gustong sabihin o kung hindi pa nalilinaw sa sarili ang nais sabihin.

Pero mayroon ding mga manunulat na hindi lang libangan kung ituring ang kanilang gawain; hindi lang bilang propesyon, kundi bilang isang bokasyon. At sa ganitong pagkakataon kailangan ang debosyon.

Sa ganito kailangan ang disiplina sa pagsulat. Sa ganito, hindi na uubra ang pagtanga-tanga sa langit at paghihintay mabagsakan ng inspirasyon o kung kailan katihin, saka lang magkakamot. Sa ganito, ang pangangatha ay hindi maituturing na isang galis-aso lang, kundi isang talamak na kanser.

Una sa disiplina ng pagsulat ay ang mismong pagsusulat ng mangangatha. Kailangan, regular niya itong ginagawa, batay sa sigasig niyang pahintulutan ang kanyang Musa na lumukob sa kanyang pagkatao. Halimbawa. isa sa pinakamahalagang payo sa pagsulat ang mabuti na lamang at maaga kong narinig at pinaniwalaan.

bagitong-bagito akong manunulat, walang ipinangangahas na anomang akda, katunayan ay walang dala-dala kundi ang kapritsong makapagsulat nang marinig ko kay Rio (Virgilio s, almario) ang payo na "magsulat araw-araw." Bunga marahil nang katangahan ko, sinunod ko siya. Ginawa ko ko ang payo niyang huwag palagpasin ang isang araw nang hindi nilalambing ang iyong Musa. Sabi pa niya, hindi naman kailangang laging magsimula sa isang bago at orihinal na obra. Maari rin daw ang pagbabasa o pagrerepaso ng mga dating katha o pagrerebisa ng mga nasulat na. Pagkaraan, matutuklasan kong kahit pagbabasa ng katha ng ibang manunulat (basta ang layon ng pagbabasa ay ang makapagsulat, at hindi basta pagbabasa for it's own sake) ay maituturing ding bahagi ng pagsusulat.

Saturday, November 3, 2007

Abg Hilig ko sa Dula

Dati, natitiyak kong ang buhay ay pagtalunton sa mga kaharap na landas, nagsasanga o paliko minsan; minsa’y putol at wala nang malulusutan. Maraming taon na ang nakaraan, sigurado akong ang hilig at pagkatuto ko sa dula ay bunga ng mga hinarap kong landas. Palihan sa unibersidad. Pakikipagdaup-palad sa mga guro sa teatro at dramatista. Panonood ng mga palabas. Pagsali sa pagtatanghal, mga proyektong pangklase noong inaambisyon kong maging iskolar at intelektuwal.
Pero may angking liwanag pala ang pagtanda. Tulad ng sinag ng bukang-liwayway,. Nagpapaaliwalas sa mga bagay na kubli, di-kita, o mga bagay na karaniwan, di-pansin.
Gaya ng bugtong ng dula sa buhay ko.
May mga sagot na ako kung paano naantig at yumabong ang hilig ko sa drama. Maiisa-isa ko ang mga unang karanasan ng panonood ng sine, stage show, at telebisyon. Mas nauna, ang pakikinig ng radyo at pagbuklat sa mga pahina ng komiks at magasin.
Iyon na iyon, alam ko. Kailangan na lamang ng kaunting borloloy, para maging mas madula at maramdamin. Tulad ng kapirasong tinik, walang kibo at inosente. Ngunit lingid sa lahat ay mapagmatyag, may subersibong subyang sa tangkay ng rosas.
Paano nga ba nakanti at umusbong ang hilig ko sa dula? Kailangang magsimula sa kuwento; alam kong ang dula ay kuwento. Iyon ang unang alam ko. Lagi akong nakatutuklas ng kuwento sa dula. Aksiyon din nga pala, nalaman ko pagkaraan. Aksiyong kasinghaga ng kuwento.
Pero saan mula ang kuwento at aksiyon, ang bighani ng kambal na balani ng dula. Ang kuwento ba’y likas na bahagi ng kakayahang umusal ng mga salita? At paano ang aksiyon?
Si tatay ang unang nagregalo sa akin ng kuwento, kahit hindi siya makuwento o nagkukuwento. Dinadala niya ako sa Clover Theater at Opera House para manood ng stage shows, minsan isang taon, lalo kung Mahal na Araw at palabas ang Kalbaryo ni Hesus. Walang palya, lingo-linggo, siyang bumibili ng Liwayway o umaarkila ng komiks. Pinapayagan niya akong makinig ng radio. kahit hindi ko mapuno sa pag-igib ng tubig ang dram.
Si nanay. Ay, ang tahimik, napakatahimik kong nanay. Minsan, ipinagtataka ko kung may dila siya o kakayahang magsalita. Ang regalo ni nanay ay katahimikan. Pagkalaki-laki, pagkalawak-lawak na katahimikan. Madalas mang akalaing aba ay katahimikang iyon, napuna kong napakagaling at napakaringal. Kinuyom na labi, mariin, kulubot lalo sa magkabilang sulok. Kunot na balat sa pagitan ng nagsalubong na kilay, manipis na parang tari ng manok, kahit dio inaahit o isa-isang binubunot. Naninigas na leeg. At katahimikan. Walang katagang katahimikan.
Iyon pala ang mga bukal ng interes ko sa drama. Ang salita, mula sa tatay kong nagregalo sa akin ng mga kuwento, kahit hindi siya makuwento o nagkukuwento. Ang aksiyon, mula sa nanay kong puno ng katahimikan, ng pipi ngunit matatas, napakatatas na aksiyon.
Naunawaan ko ring ang buhay ay di lamang o laging pagsulong. Mahalaga rin ang paghakbang paurong.

Malikhaing Pagsulat 2

Ang pagiging mapagparanas ay tumutuloy sa kakayahan ng sulatin na ipadanas/ ipadama sa tumatanggap ng mensahe ang pahayag ng nagpadala. Sa malikhaing pagsulat o panitikan, kailangan nating tukuyin sa nagpadala at tumatanggap bilang manunulat at mambabasa, at ang pahayag o mensahe bilang akda.

Sa pagpaparanas ng akda, ang mensahe ay kailangang makita, marinig, maamoy, malasahan, at maramdaman ng mambabasa. Sa madaling sabi kailangang madama ng mambabasa ang sinasabi ng manunulat.

Balikan natin ang pangalawang halimbawang karaniwang pagsulat at isalin natin ito sa karaniwang Filipino:
Magandang hapon. Magpunta ka rito. May sorpresa ako sa iyo.

Bago natin ito suatin sa malikhaing paraan, suriin pa natin kung bakit ito ay pagsulat na karaniwang lang.Una, tumutupad ito sa kahingian ng komunikasyon na maintindihan agad; na dagling maunawaan.Ikalawa, ipinauunawa ng mensahe na sa tingin ng nagpadala “maganda ang umaga.” Maaari ding hinahangad ng nagpadala na maging maganda ang umaga para sa pinadadalhan. Alin man ditto ay uubrang kahulugan ng unang pangungusap; ngunit hindi tayo nakatitiyak.

Sa ikalawang pangungusap, maaaring inaanyayahan o pinakikiusapan ng nagpadala ang pinadalhan na puntahan siya. Hindi rin natin natitiyak kung alin; bukod sa hindi natin alam kung saan siya pupuntahan. Maaaring sa bahay, sa isang tagpuan o saan man. Hindi rin natin alam.

Sa huling pangungusap, may sopresa raw ang nagpadala ng mensahe sa pinadalhan.Bukod sa wala tayo munti mang sapantahan kung ano ang sopresang tinutukoy, ang ‘ako” at “iyo” sa pangungusap ay hindi rin natin kilala.

Sa madaling sabi, ang kraniwang pagsulat ay maaaring maintindihan pero iyon lamang. Maraming bagay sa mensahe ang manantiling hindi malinaw o lingid sa atin. Naiintindihan pero hindi lubos na naiintindihan.

Ito ang kakatwa sa karaniwang pagsulat. Maaaring kagyat na maunawaan ngunit kung bubusisiing mabuti ay mas maraming bagay ang hindi natin nauunawaan.

Ito rin ang kaibahan ng malikhain sa karaniwang pagsulat. Higit sa basta maunawaan ang hinihingi ng malikhaing pagsulat. Kailangang mapagparanas at makintal ang panitikan. Sa pagpaparanas, lilinawan natin ang maraming bagay na tinutukoy sa mensahe. Kung sino ang nagpadala at pinadalhan. Kung nag-iimbita, nag-uutos o nakikiusap ang nagpalada ng mensahe na puntahan siya. At maaring maipahiwatig o matukoy kung ano ang sorpresang tinutukoy.

Ngayon, paano gagawing malikhain ang karaniwang pagsulat? Paano gagawing mapagparanas at makintal ang mensahe?

Maraming paraan, pero ang pinakasimple ay ang pagsasabi ng mensahe sa paraang kongkreto. Ibig sabihin, sa paraang ang mensahe ay maaaring makita, marinig, maamoy, malasahan at maramdaman – anoman ang angkop – para maranasan ang mensahe.

Kung mararanasan ng babasa ang mensahe, maaring makintal iyon sa isip niya nang mas matagal-tagal na panahon. Maaaring iwanan ang mensahe sa isip niya kahit matapos ang komunikasyon o pagkaraan ng panahon ng pagbasa.

Bakit mahalaga na ang malikhaing pagsulat ay mapagparanas at makintal? Sa katunayan ang pagiging mapagparanas ay isang paraan upang makintal ang sinulat sa kamalayan ng mambabasa, O ang kabaligtaran nito. Ang pagkikintal ng anoman sa isipan ng mambabasa ay sa paamagitan ng pagpaparanas sa bumabasa ng anomang gustong sabihin ng maunulat.

Samakatwid, iisa ang layunin ng pagiging mapagparanas at makintal ng isang akda, bukos sa maintindihan: ang huwag agad malimot.

Kung totoong maintindihan ang pangunahing layunin ng panitikan, gaya ng lahat ng uri ng komunikasyon, bakit may mga akdang mahirap unawain? Bakit may mga akdang mahirap maunawaan?

Maaaring ang kahirapang maunawaan o maintindihan ay mula rin sa katangian ng panitikan na maging mapagparanas at makintal. Sa pagnanais ng manunulat na maging mapagparanas at makintal ang kanyang akda, ang mga tiyak na detalyeng kanyang ibinibigay – isinusulat – ay labas,kundi man malayo sa karaniwang karanasan. Maaaring napaka-pribado o mula sa natatanging galaw ng kanyang imahinasyon.

Sa pagpipilit ng manunulat na maging kongkreto sa kanyang akda, hindi siya nasisiyahan sa mga detalye ng karaniwang karanasan. Pumipili siya ng mga karanasang naiiba, pambihira, natatangi, labas o malayo sa karanasan ng marami.

Bakit mahalaga sa panitikan ang pagiging mapagparanas at makintal

Dahil lahat ng panitikan ay may layunin, sabihin nating ambisyon, na huwag agad makalimutan ng mamababasa. Layunin ng panitikan na huwag agad makatkat sa kamalayan ng bumasa.

Ibig sabihin ang karaniwang pagsulat ay panandaliang komunikasyon; samantalang hangad ng panitikan ang ugnayang pangmatagalan sa pagitan ng mambabasa, manunulat, at akda.

Ang kahingian ng katraniwang pagsulat na maunawaan o maintindihan ay laging para lamang sa ngayon. Nasisiyahan na ang karaniwang pagsulat sa mismong sandali ng komunikasyon. Hindi interesado ang karaniwang pagsulat na maunawaan siya bukas o sa mas matagal na panahon. Daglian ang layunin ng karaniwang pagsulat. Pangmatagalan, kundi man panghabang panahon ang layunin ng pantikan. Bahagi ito ng tinatawag nating conceit ng literatura o yabang ng panitikan.

Mula rito, kaya bawat akdang-pampanitikan ay masasabing pagtatangka na maging imortal. Bawat manunulat, aminin man niya o hindi; malay man siya o hindi, ay hangad makasulat ng akdang makikipagmatagalan sa panahon.

Malikhaing Pagsulat 1

Ano ang malikhaing pagsulat? Paano ito naiiba sa karaniwang pagsulat?

Ang malikhain at karaniwang pagsulat ay dalawang paraan ng pasulat na pakikipagtalastasan o komunikasyon sa pamamagitan ng nakasulat na wika. Halimbawa, popular ngayon sa kabataan ang text messaging. Karaniwang pagsulat ang text messaging na gumagamit ng ispesyal na wika na kung tawagion ay text speak. Gaya nito:
Gpm. Punta k d2. My surprise me sa u.

Sa karaniwang paraan ng komunikasyo popular ang paggamit ng text speak sa kasalukuyan.Halimbawa ito ng karaniwang pagsulat.
Ano ang pinakamahalagang katangian nito? Basahing muli ang mensahe. Maaaring sabihing ang wika ng mensahe ay hindi madaling maintindihan. Pero natitiyak kong ang dalawang nagpapalitan ng text ay nagkakaintindihan. Sa pang-araw-araw na wika, ganito ang ibig sabihin ng text speak:
Good afternoon. (Mag) punta ka rito. May surprise me (ako) sa iyo.

Ang pangalawang halimbawa ay karaniwang pagsulat din na gamit ang pang-araw-araw na lengguwahemg taglish.

Sa pamamagitan ng dalawang halimbawa, maiko-conclude na natin na ang pinakamahalagang katangian ng karaniwang pagsulat ay ang pangangailangang naiintindihan ang pahayag ng nagpadala at tumatanggap.

Nauunawaan ng dalawang tao ang mensaheng nag-uugnay sa kanila. Naiintindihan sa kagyat na sandaling iyon. Iyon lamang at wala nang ibang mahalaga. Kahit masalimuot, naiiba, weird, hindi pangkaraniwan ang wika o kahit pa hindi naiintindihan ng iba ang pahayag. Dagling pagkakaintindihan lamang ng dalawang tao sa panahon ng komunikasyon ang mahalaga sa karaniwang pagsulat.

Paano naiiba rito ang malikhaing pagsulat?

Ang malikhaing pagsulat ay kilala rin sa tawag na panitikan o literatura.

Sa malikhaing pagsulat, hindi sapat ang basta maintindihan lamang. Hindi sapat ang maunawaan lamang tayo ng ating kinakausap. Bagaman maunawaan ang pangunahing layunin ng komunikasyon.Maintindihan ang pangunahing inaasahan sa lahat ng anyo at uri ng komunikasyon. Sa malikhaing pagsulat, may kahingian o requirement na higit sa basta maunawaan lamang.

Dalawang bagay, bukod sa pangangailangang maunawaan, ang pinakapayak na requirement ng pagsusulat upang maituring na malikhain: Kailangan nitong maging mapagparanas at makintal. Sa Ingles, ibig sabihin ng mapagparanas at makintal ay evocative and impressive.

Ano ang ibig sabihin ng mapagparanas? Ano ang kahulugan ng makintal? At bakit ang dalawang ito ang minimum na katangian ng malikhaing pagsulat?

Thursday, November 1, 2007

Paalam sa Aking mga Libro

Hindi na magtatagal at ipakukuha na marahil ng kaibigan ang munting koleksiyon ko ng mga libro. matapos ang mahaba-haba ring pagtimbang, sa tulong ng isa pang kaibigan, kung ano ang dapat gawin sa aking mga libro, naipasya akong ibigay ito bilang donasyon sa kaibigan kong may-ari ng isang pribadong paaralan sa Bulacan.
Isa lang ang hihilingin ko sa kanya: ang tiyaking magagamit ito ng mga estudyante, dahil ano ang halaga ng mga libro kung nakapiit lamang ito sa isang iskaparate.

Aaminin ko, maraming opsiyon ang aking tinimbang at inisip bago ako nakapagpasya kung ano ang pinakamainam. maaaei ko iwan ito sa aking mga anak. Pero naisip kong may karapatang pumili ng gusto at kailangan nilang mga babasahin ang apat na anak kong babae. ayaw kong maging imposisyon sa kanila ang aking mga lumang libro. Ano't anoman, ipinaalam ko sa kanila ang aking desisyon. Isang libro, ang People Power, ang inawitan ni paula na ibigay ko na lang sa kanya. Nang pumayag ako, bigla niyang naitanong: wala ba kasi kayong mga light-reading books, gaya ng Da Vinci Code? Noon ko lang napagtanto na ganoon pala ang palagay nila sa mga libro ko, mabigat at seryoso. hindi ko na sinansala nang hindi na humaba ang pagtatalo.

naisip ko ring mainam na ibigay ang mga libro ko sa U.P. library. Pero sa paliwanag ni Robby, komplikado ang gayon, bukod pa sa rarabooks lang ang tinatanggap ng library.

Inisip ko rin ang posibilidad na ipagbili ang mga ito, kung maaari ay by section, sabi ni Robby, pero tumanggi ang isip ko sa ganitong pag-aabala. Bagaman kailangan ko ng pera, sapat na sa akin ang munting karunungang ipinahiram sa akin ng mga libro ko. Napakinabangan ko na sila, kaya di ko na dapat hangaring pagkakitaan pa. Kung mababasa ng mga bata at pakikinabangan nila, mas mabuti.

Kaya sa huli ay naipasya ako na i-donate sa library ng paaralan ni Rollie. Laking katuwaan ko nang pumayag ang mahal kong kaibigan. sa loob ng isa o dalawang buwan, tuluyan nang mawawalay sa akin ang aking mga libro; ang maliit na koleksiyon ko ng Filipiniana at koleksiyon ng mga aklat sa drama. Sa kanilang lahat,

Paalam sa bawat pabalat na hindi ko pinagsawaang haplusin, kahit mumurahing karyon lamang. Paalam, sa bawat pahina na bawat isa'y malalim na lukbutan ng pag-unawa sa isang malaki, masalimuot na mundo, na kundi dahil sa kanila ay nanatili sanang dayuhan para sa akin. Paalam sa lahat, at maraming-maraming salamat!

She's out of my Life

Laos na ngayon si Michael Jackson. Isa siya sa paborito ko noong kasikatan niya. Pinakagusto ko ang rendisyon niya ng She's Out of my Life.

Ang sakit-sakit ng pakiramdam ko nang una ko itong marinig. nasabi ko tuloy sa aking sarili na gusto kong angkinin ang kanta sa pamamagitan ng pagsasalin dito. Kaya heto naman ang bersiyon ko ng kantang iyon ni Michael Jackson.

Wala na Siya

Wala na siya
Siya'y wala na
Hahalakhak ba o iiyak
Buhay ba'y tuloy o nagwakas
Para kong nilaslas
Siya'y wala na.

Wala na akong
magagawa pa.
Kahit magsisi'y
huli na.
Siya'y di ko itinuring
na mahalaga
Nang aking matanto,
lumisan na siya.

Refrain:
Winaldas ko
ang tangi kong yaman.
Pag-ibig sinayang lang.
Di ako
natutong magmahal
Ngunit nang matuto'y ...

Wala na siya
Sa aking buhay
Magsisi man nang walang hanggan
Di ko na muli
siyang mahahagkan
Para akong nilaslas
Nang siya'y lumisan.

Kuwento ng Butete

1.
Sa pinakamalayong sulok ng dagat,
may isang buteteng pambihira ang pangarap.
Gusto niyang maging Reyna ng Alat,
Ambisyon niyang maging istariray -
kahapon, ngayon, kahit hanggang bukas
.
2.
Wala siyang bukambibig
kundi "Ako!" "Ako ang ponakamagaling!"
Wala siyang laging sinasambit
kundi "Akin!" "Akin ang akin! Ang iyo'y akin din!"

3.
Sa sobrang yabang, siya'y walang kaparis.
Pangarap niya'y maging dambuhalang butete.

4.
Sa tuwing magkukuwento ay nakakainis;
Laging siya ang bida, ang sikat, ang "da best."

5,
Upang palakihin pang lalo ang anyo,
Laging suot niya ay tabas-kurtina.

6.
Malaki't kwadrado na korteng-bintana
Katiting mang kurba, ayaw niya at wala.

7.
Kahit na gaano, ataw niyang lumiliit
Maging danbuhala ang hangad niya't nais!

8.
At may ugali pa itong si butete
Ayaw patatawag na Ale o Ginang,
Kahit Binibini! Utos niya'y tawagin
Lamang siya ng lahat sa sumisirit
na Misss-isss. O malutong na Mrs. Bhee!

9.
Minsa'y dininig ng langit
taimtim na dasal ng buteteng kakapurit.
Diwata ng Dagat nagsadya sa kanya ...
si Madam Talimu-chic!

10.
Hiling niya'y binigay, tinupad ang dasal -
Butete'y lumapad, lumawak ... lumaki nang husto!

11.
Naging dambuhalang pagkalaki-laki
ngunit nanatiling hugis niya ay hugis-butete

12.
Kilala siya ngayon sa tawag na sosyal -
ang dating Mrs. Bhee -

13.
Naging si Balyena
(Butanding na ngayon);
Dinarayo-dayo ng mga turista,
Tagahanga't miron.

14.
Butanding na'ng tawag
Sa dating buh-teh-teh,
na tanging ambinsyon
ay sobrang lumaki.
Pinasok ng hangin
ang ulo at panti!

Kailan Hindi Sapat ang Pagmamahal?2

Sinusulat ko ito'y naglalagablab sa isip ko ang mga sama ng loob ko kina nanay at tatay na kailangan kong iwaksi upang mapahalagahan ko ang tunay na pagmamahal nila sa akin.Ang pagliit ng tiwala ko sa sarili habang lumalaki, habang nagkakagulang. ang lagi kong pag=aapuhap ng atensiyon, at kalinga; huwag nang banggitin pa ang pagka-uhaw ko sa lambing, haplos, mahinahong salita, kahit walang-halong-bulyaw na pagbanggit sa aking pangalan.

Hanggang ngayo'y nagsisikip ang dibdib ko sa tuwing maaalala kung paanong napapayuko ang aking mara sa tuwing maririnig ko ang aking pangalan. Dahil tiyak na hudyat iyon ng may mangyayaring masama. nasanay na akong sa tuwing tatawagin ay para pagalitan, para sisihin, para pamukhaan ng kakulangan ko sa anomang kakayahan. Ang Reny ay naging kasingkahulugan sa akin ng kasalanan, pagkakamali, pagkalimot o pagkukulang.

Matagal bago ko natanggap at naunawaang ganoon ang paraan nina nanay at tatay ng pagpapadama ng pagmamahal. Kung noong araw ko naisip ang ganoon, hinding-hindi iyon matatanggap ng dibdib kong parang sasabog sa pagpipigil, o ng bibig kong gustong-gustong magpalahaw pero nakukuha lamang sumibi-sibi. Mahirap maunawaan ng bata ang ganoong uri ng pagmamahal.

kaya mas karaniwang natatanim sa dibdib niya ang galit, ang pagkamuhi, ang kawalang-tiwala sa sarili. Kung minsan, mula rin dito sumisibol ang maling uri ng pag-ibig, ang sadismo o kalupitan sa kapwa. Bihira din sa taong nakaramas ng kalupitan sa murang gulang ang hindi pinagsasangahan ng paghihiganti. Kung nakaranas ka ng pang-aapi ay nais mo ring iparanas ang ganoon sa iba. Ang galit ay nagluluwal ng galit; ang poot ay umani ng poot. at ito ang kasuklam-suklam na bunga ng lisyang pagmamahal ng magulang sa anak. Nag-aapo ito ng higit sa isang henerasyon ng ngitngit. Nagluluwal ito ng suson-susong kalupitan.

Madalas, ang salinlahi ng galit at kalupitan ay natatapos lamang sa pagkapugto ng hininga.

Tuesday, October 30, 2007

Kailan Hindi Sapat ang Pagmamahal? 1

Madalas, sa pagpapalaki ng anak. Naaalala ko ang mga pagkakataong iniluha ng bawat bata ang pagmamahal ng kanyang magulang. Pagmamahal na katumbas din ng masasakit na salita, pagmumura, minsa'y pagmamaliit sa pagkatao, mumunting parusa, paninikis, mga pang-araw-araw at wala-sa-loob na pananakit.
Mayaman ang arsenal ng magulang para pasikipin ang dibdib ng anak at minsa'y pagdudahan ng bata kung talaga nga siyang mahal ng tatay o nanay niya. Tinatanggap natin ang matibay na paniwala ng marami na walang magulang na naghangad ng masama sa kanyang anak; na ang bukal ng lahat ng pakikitungo niya, lahat ng hinahangad niya para sa anak ay bumubukal sa pagnanasang mahalin ang batang iyon.

Pero totoo rin na walang paaralang mapagpapatalaan ng mga magulang para matutuhan kung paano ang tamang paraan ng pagmamahal sa anak, ng pagpapalaki sa bata. Kaya kadalasan, ang pagmamahal ay naipadarama rin sa hikbi, kirot, lapnos, latay, paninikip ng dibdib, sugat ng damdamin, o inuklong pagkatao.

Marami sa mga bata, hanggang lalo sa panahon ng pagpalaki ng aking henerasyon, na ang mga magulang ay kulang sa wastong pagpapalaki sa bata. Bahagi ng naunang paraan ng pagmamahal sa anak ang pagdidisiplina at bahagi nito ang pagwawasto ng gawi at ugali ng bata na ipinalalagay na lisya o mali ng matatanda. Gaya ng pangangatwiran, pagkilos ng malaya, at pagsubok sa maraming bagay..

Vincent

Nong magtatapos ako sa hayskul hanggang mga unang taon ko sa kolehiyo, isa ang Vincent sa pinakapaborito kong janta.

Naging hamon sa akin ang pagsasalin ng titik nito dahil ang mga takudtod ay batbat ng mga kinipil na dayuhang imahen at madudulang larawan, bukod sa maikling takudturan. Pero psang hamon itong hindi dapat palagpasin ninoman.

Heto ang aking salin:

Mabituing Gabi

Hitik sa bituin
Gabi'y asul at abuhin
Masdan mo ang lupain
Runghayan ng mga matang
Sinlawak ng aking lungkot
Naabong burol
Ipinta mo puno't bulaklak
Lamig ng simoy ay damhin
Sa tigib ng yelong lupain.

Ay, batid ko na
Ang gusto mong sabihin
Nagdusa ka para sa amin
Paea kami'y palayain
Di pinakinggan
Di makarinig
Sana pakinggan.

Mabituing gabi
May ningas ang 'yong titig
Nag-uuli-uling ulap
Salamin ng mata niyang asul
Nag-iibang kulay
Bukid ng kung umaga'y abo
Mukhang puno ng pait
Papayapain ng kanyang haplos

At batid ko na
Nais mong malaman ko
Nagdusa ka para sa amin
Para kami'y palayain
Di pinakinggan
Di ka marinig
Sana'y makinig

Di ka maibig
Puso mo ma'y tapat
Kung ang pag-asa'y tumakas
Noong mabituin ang gabi
Ika'y nagpatiwakal tulad ng iba
Sana'y nasabi ko sa 'yo
Mundong ito'y di para sa
Busilak na tulad mo.

Gaya ng dayong nakilala
Gulanit ang puso't bihis
Tinik sa madugong rosas
Nalagas sa niyebeng walang dumgis.

Ngayo'y batid ko na
Nais mong matanto ko
Ngunit nagdusa ka nang husto
Lumaya lang kami
Di pinakinggan
Di makikinig
Walang maulinig.

Monday, October 29, 2007

Paanong Mag-blog?

Madalas kong pag-isipan kung paano ang pinakamabisang paraan ng pagsulat ng blog, hindi lamang para mas marami ang maengganyong magbasa nito kundi, mas mahalaga, bilang mabisang paraan ng pagpapahayag ng sarili. Dapat isaalang-alang sa ganitong paghahanap ng anyo ang ilang kalikasan ng midyum at ugali ng mambabasa. Halimbawa, importanteng bawat blog entries ay maikli lamang. Maaaring basahin sa isang pasada at isang upuan. Kailangang makintal ito sa isip ng mambabasa sa loob ng maikling panahon. Importante ring mahalagahin ito ng mambabasa, bukod sa pagiging mahalaga nito siyempre sa manunulat.

Naalala ko ang anyo ng haibun na tinalakay minsan ni Reuel Aguila sa klase, Ang haibun ay isang paraan ng pagtulang- Hapon, malapit sa paggawa ng haiku. Pero mahirap ko itong magawa dahil hindi ako makata. Kahit sa "konting-bato, konting-semento" na uri ng pagtula ay pupugak-pugak na ang diwa ko't dila.

Pinakamadali sa akin ang pagbuo ng mga personal na sanaysay, maiikling palagay o karanasan sa buhay na maaring, kapag pinagsama-sama, ay makabuo ng gaya ng ambisyon ni Tomy Perez, "isang sistine chapel ng mga salita." Isang magarang kapilya, kundi man isang katedral ng wika.

Naalala ko tungloy ang manipis na bungkos ng sanaysay na isinumite ng nasirang Roger sikat para ilathala ng Diliman Review. dahil sa aking kabataan o katangahan, maaaring pareho; buong kaungasan kong inayos sa kronolohikal na pagkakasunod-sunod ang mga sanaysay. tandang-tanda ko ang galit ni Roger nang malathala ang mga iyon, hindi sa paraan ng pagkakayos niya kundi ayon sa pagkakasunod-sunod ko.

Alam kong napatawad na ni Roger ang aking malaking kahunghangan; pero hindi ko pa rin napapatawad ang kawalan ko ng muwang hanggang ngayon. Marahil, lalo pa ngayon.

No Matter What

Naging ugali ko ang pag-alaala sa ilang tao sa pamamagitan ng pagsasalin ng kanta. Pinasikat ng Boyzone ang "No Matter What," komposisyon ni Andrew Lloyd Webber. Inakit agad ako ng kantang ito nang una kong marinig; hindi ko pa alam na komposisyon ni Webber. Iniugnay ko ang kanta kay Jake, isang kasama sa "Batibot." Hindi ko napigilan ang sarili ko na isalin ang kanta na naging "Ano pa man"

Ano Pa Man

Ano man ang sabihin,
O ang gawin sa 'tin:
Kahit anong ituro,
Tapat yaring puso.

Idikdik man sa utak,
Kahit pa laitin.
Sa'n man tayo hatakin,
Makakabangon din.

Hindi ko kayang magkunwa,
Di kayang magpanggap.
Pag-ibig nati'y tunay
Tutol man ang lahat.

Kung bawat luha ay ngiti
Kung araw ay gabi
Dasal pag pinagpala
Diyos ang magwiwika

Kahit anong sabihin
nila sa 'yong diwa;
Kahit anong ituro
Lantay ang 'yong puso.

Lagi kitang babantayan
Bagyo ma'y manggimbal
Sa tuyot mang lupalop
Pag-asa'y bubukal.

Sino man ang umakay
Sa'n man tayo dalhin
Paano man suriin
Laging sa 'yo ay laan.

Araw ma'y di-sumikat
Langit ma'y kulimlim
Di man t'yak ang wakas
Sa 'yo'y laging tapat.

Hindi ko maitatatwa
Aking paniwala
Pag-ibig ko'y matibay;
Di ito huhupa.

Hindi ko maitatatwa
Laman nitong diwa.
Pag-ibig ko'y matibay,
Kahit anong sigwa!

Di na dapat sabihin na gaya ng kanta, ang mga salitang nakapaloob dito'y dagli ring naglaho, at ang lahat ay nauwi sa wala.

Sunday, October 28, 2007

Congrats sa "Wan Dey, Isang Araw"

Ibinalita sa akin ni Tito Doc ang pananalo ng programa niya ng CMMA award para sa radyo. Hindi man karapat-dapat, nakikibahagi kami sa tagumpay ng "Wan day, Isang Araw" at nakikisalo sa karangalan ng mga tagapagtaguyod nito, kabilang ang Philippine Board on Books for Young People, DZAS, Cultural Center of the Philippines at Alitaptap Storytellers Association.

Dahil nakatuon sa mga kuwentong-pambata at mga kuwentista para sa mga bata, mahalaga ang ambag ng programa sa pagmamalasakit sa pagpapabuti sa kapakanan ng mga bata. Importante ang papel nito sa pag-unlad ng panitikang-pambata. Gaya ng nabanggit ko na sa isang hiwalay na panayam. Espesyal ang panitikang-pambata dahil ito lang ang uri ng panitikan na ang pangunahing misyon ay magturo, Sipiin natin ang isang bahagi ng panayam:

"Kung ang panitikang-pambata ay panitikang ang misyon ay magturo, ano ang dapat ituro kung magsusulat para sa bata?
Marami.
Katunayan, lahat ng ating kaalaman, saloobin, karanasan. pati ang ating mga pangarap at paniginip bilang bahagi ng lipunan ng mga tao. Sa madaling sabi, lahat ng pinakamabuti, pinakamaganda, pinakamaringal at kahanga-hanga sa pagiging isang tao ay kailangang maisalin natin sa henerasyong pagmamanahan natin ng mundong ito.
Sa praktikal na talakayan, ang mga akademikong kaalaman - pagbasa, pagsulat at pagtutuos o reading, writing and arithmetic - ang pampaaralang saklaw ng dapat ituro sa bata. Pero alam nating hindi lamang ang mga hinihingi ng kurikulum at paaralan ang mahalaga.
Higit sa kakayahang bumasa, sumulat at makapagtuos, kailangan ng bata na matutuhan ang tinatawag sa Inggles na discernment.
Discerment ang kakayahang makabanaag o mahiwatigan ang pagkakaiba-iba ng mga bagay mula sa isa't isa. Tampok dito ang pagpaunlad sa kakayahan ng tao para mahiwatigan - at mahiwatigan pa lamang, dapat nating idiin - bakit hindi pare-pareho ang lahat ng bagay sa paligid at gayon din sa kalooban ng isang indibidwal. Ito ang susi sa pagtuklas kung gaano kasalimuot, karupok o katibay, (kakumplikado, sa mga modernong Filipino) ang salalayang kinalalagyan ng tao.
Kasangkot siyempre pa, sa discernment ang mga pormal na kakayahan para makilala natin ang kalikasan ng mundo. Kabilang dito ang visual discernmet, auditory discernment at iba pang paraan ng pagkilalang sensori (sensory discernment) sa mga bagay. Ang lahat ng kaalaman at kakayahang sangkot dito ay maipapangkat natin sa pagpapaunlad ng kognitibong kamalayan.
Pero di ba't kay-hapis naman ng kalagayan natin kung ang natutuklasan lamang natin sa mundo ay ang mga hugis, kulay, amoy, tunog at hilatsa nito? Kay-sawi naman ng ating kalagayan kung malilingat sa atin ang mga mithiin, damdamin - oo, maging mga takot at nakababagadag na saloobin - ar pangarap ng isang nilalang. Imporatante rin ang iba pang uri ng pagbanaag sa pagkakaiba ng mga bagay, gaya ng emotional at moral discernment, huwag nang banggitin pa ang iba't ibang uri ng paglilakang panlipunan at pangkultura."

Muli maligayang bati kay Tito Doc at lahat ng kaugnay sa "Wan Dey, Isang araw."

Thursday, October 25, 2007

Galiy na parang Roller Coaster

Galit na galit ako ngayong umaga, nang marinig kong binigyan ng pardon si Erap. Ang masama, alam kong pagkaraan ng ilang araw o linggo, lilipas din ito. Huhupa ang galit. Mawawala.
sanay na ako sa ganitong pakiramdam. Ilang ulit ko nang naranasan ang galit na ganito. Nagalit ako noong panahon ni Marcos. Nagalit ako noong paslangin si Ninoy. Nagalit ako nang matuklasang si Erap pala si jose Velarde. Nagalit ako sa mga pangungurakot ng mga pulitiko. Nagalit ako sa marami at talamak na paghihirap ng aking mga kababayan. Paulit-ulit akong nagalit. Pero paulit-ulit ding humupa ang galit ko hanggang sa makasanayan ko ang mga pangyayari.
Hindi na ubra ang ganito. Kailangan kong matagpuan ang galit na masusustenahan ko hanggang matagpuan ko ang pagkakaayos ng lahat. Iyong galit na magtatagal at hindu huhupa hanggang maibalik sa mga Filipino ang dangal nilang niyurak-yurakan. Hanggang umiral muli kung ano ang tama at dapat.
Tama na ang galit na nanggagalaiti ngayon, pero mapagparaya bukas. Tigilan na natin ang galit na pabuga-buga. Nakakapagod rin ang magalit nang pana-panahon.

Paano Kung Papangit nang Papangit ang Mahal mo?

Hindi na raw kagandahan ang Pilipinas nang ipanganak ako at lumaki rito noong malaking bahagi ng dekada '60. Di tulad, halimbawa ng alaala ni Chitang Nakpil sa Maynila, noong bago mag-ikalawang digmaang pandaigdig. Kay-ganda raw ng Maynila! Pero binomba ito ng mga Amerikano sa pagtatapos ng giyera upang mapalayas ang mga Hapon.
Di ko man nakita ang sariwa at walang pingas na ganda ng Pilipinas, napaibig pa rin ako nito. Noong '79s, nagkaroon ako ng maraming pagkakataong malibot ang maraming bahagi nitoi: Sulu, Cagayan, mga pulo sa Bisaya, maraming liblib na bahagi ng Luzon. At di man siya kagandahan, napaibig niya ako. Minahal ko siya.
Pero sa pagdaraan ng mga taon, pasama nang pasama ang lagay niya. Papangit siya nang papangit.
Kung noo'y naglisaw sa Maynila ang mga barung-barong ng iskwater, napalitan ito ng mga tapal ng karton at yero na nakadikit sa mga pader o gilid ng maburak na kanal. Ngayo'y halos nasa bunton na ng basora at layak ang mga tao. Marami ang wala nang bahay.
Ang ipinaghihinagpis ko'y wala akong magawa. Tulad ng marami kong kababayan. Naniniwala akong may hangganan din ang aming pasensiya. Pero padalas nang padalas ang tanong ko sa Diyos: Hanggang kailan? Hanggang saan pa ang aming ipagtitiis?
Gaano kapangit namin mababata ang kinasadlakan ng bayan naming mahal, bago kami kumilos?

Tuesday, October 23, 2007

Hindi Kailangan ang Manunulat

Galing ako sa isang panayam noong Linggo na dinaluhan ng mga nagsisimulang makata at nag-aambisyong maging manunulat. Gaya ng dapat asahan, salamin ng ekspektasyon ang mga mata nila. Sigurado sa pagkakahawak sa bolpen ang mga kamay nila at bawat isa ay matamang nakahanda na magtala ng anomang payo na magagamit nila sa mahaba-habang landas ng pangangatha.

Ngunit, tulad ng dati, hindi ko napigilan ang sarili ko at muli ko na namang pinairal ang walang-pusong ako. Nang umagang iyon, walang pangimi kong tinigpas ang mga pangarap nila at ang mga bituing nakasungaw sa kanilang balintataw ay hinablot ko pababa upang mahulog at mabasag. Binigo ko sila sa kanilang inaasahan.

Sinabi ko sa kanila ang totoo: na hindi kailangan ng lipunan ang manunulat, na walang kahit sinong nangangailangan sa manunulat.

Hindi kailangan ng lipunan o ninoman ang manunulat dahil walang silbi ang pagmamanunulat.

Walang praktikal na buting naidudulot sa isang komunindad ang manunulat. Hindi ito napakikinabangan tulad ng paglalatero, dentista, abogado o kahit pagiging ama o ina ng isang tahanan.

Kung iisipin, ano ba talaga ang silbi ng isang manunulat, na hindi kayang gawin ninoman sa lipunan? Walang anoman.

Karaniwan, iniisip nating ang manunulat ay tagalikha ng pangarap para sa ating lahi. Sila ang may bokasyon para managinip para sa lahat. Pero hindi natin kailangan ang manunulat para magkaroon ng pangarap. Hindi monopolyo ng manunulat ang kakayahang managinip.

Bawat isang indibidwal ay may kakayahang masiyahan o do-masiyahan sa mga bagay sa kanyang paligid. At dito nagmumula ang pangarap at panaginip.

At ang pagkakaroon ng kakayahang mangangarap, ang kakayahang mag-isip ng mas magandang posibilidad ay kakayahan ng bawat tao. Kahit Juan o Pedro ay puwedeng magmithi ng mas mabuti kaysa kasalukuyang kalagayan o kairalan.

Kung gayon, walang natatanging silbi sa lipunan ang manunulat.

Monday, October 22, 2007

Si Nanay

Dalagita si Nanay nang maging asawa ni Tatay. Lumaki sa Cebu at bagong salta sa Maynila; sa may Sta. Cruz sila nakatira, malapit sa Opera House. Naglilingkod bilang driver ng may-ari ng "Ang Tibay" si Lolo. Bunso si Nanay sa mga kapatid na babae.

Neneng-nene ang anyo ng isang lumang litrato ni Nanay, na kuha noong siya'y dalaga pa. Kulot ang buhok. Balingkimitan ang katawan. Kayumangging-kaligatan. Nakaabot siya ng hayskul sa Bohol Colleges, pero hindi nakapagtapos. tandang-yanda ko ang kanyang suot. Printed na bestida na may ruffles ang manggas at leeg. Bahagya siyang nanakangiti, halos nahihiyang lumabas ang ngipin.

Gandang-ganda ako sa sulat kamay niya. Payat ang kabit-kabit na mga letra, laging katamtaman lamang ang diin; pero mababasa nang buong linaw.

Ang buhay ni Nanay ay gaya rin ng penmanship niya: walang anomang garbo. Hindi sanay sa borloloy. Hindi kakikitaan ng anomang damdamin.

Sa buong pagsasama nila ni Tatay, ang laging nakikita kong ayos ng kanyang mukha ay ang pagtitiim ng mga labi. Na parang lahat ay laging kailangang batahin. Bihirang-bihira ko siyang makitang may lantay na saya.

Nang maratay si Tatay matapos atakihin ng stroke, nasaksihan ko ang dedikasyon sa kanya ni Nanay. Hindi lamang siya puspusang nagtrabaho para maitawid kaming limang anak; sa buong panahon ng pag-aalaga niya kay Tatay ay hindi ko siya nakitaan ng pagkapagod o panghihinawa. Nang kahit ako'y nawalan na ng gana sa pag-aalaga kay Tatay, si Nanay ay nanatili sa kanyang dedikasyon. Noon ko nasabi sa sarili ko na mahal na mahal pala ni Nanay si Tatay.

Kaya nabigla ako nang pagkaraan ng isang taon at makababang-luksa kami ay humihingi na sa akin si Nanay ng permiso para makapag-asawang muli.

Kalaunan ko na lamang nalaman ang bahagi ng kanilang kuwento. Hindi pala si Tatay ang unang nobyo ni Nanay, kundi ang aking magiging si Tiyo Horacio, Pero sa kung anong dahilan sa tatay ko napakasal si Nanay. samantala, si Horacio naman ay nag-asawa rin at nagkaroon ng limang anak. Sabay sila halos nabiyudo ni Horacio at makaraan ang isang taon, nagkita silang muli sa simbahan. Naging pangalawang asawa ni Nanay si Tiyo Horacio.

Halos mahaba pa ang ipinagsama ni Nanay at Tiyo Horacio kaysa kay Tatay.

Wednesday, October 17, 2007

Dahil mga Karaniwang Kamao lang

Sa pelikulang "Endo," gusto ko ang tagpong matapos isabong ni Ricky Davao ay naghuhugas siya ng mga tilamsik ng dugo ng namatay na manok sa kanyang binti. Malinaw na na natalo at namatay ang pinakamamahal niyang si Cocky.
At gusto ko ang puntong iyon ng munti at tahimik, ngunit nakatitigatig, na pelikulang ito. Dahil nililinaw nito ang halaga ng paglaban para sa mga karaniwang tao tulad ng maraming nakatanga lang sa malapad o makitid na iskrin ng kung ano-anong kabulastugan at walang wawang kababawan ng marami sa ating mga pambansang institusyon. Iyon muna ang mahalaga, bago ang ano pa man - ang maganyak ang bawat isa sa atin na lumaban. Huwag magkasya na basta lang makaraos. Huwag masiyahan na tayo'y patuloy lamang na umiiral. Dahil ganoon ang ibig sabihin ng buhay. Hindi sapat iyon para magkaroon ng katuturan ang ating pamumuhay.
Ang kawalan ng simbuyo para lumaban ay katumbas lang ng pagmimiron sa buhay. Pinanonood lang natin ang ating mga kasawiang-palad.
Naging marikit ang pagkatalo ni Cocky sa "Endo" dahil sinasabi nito na sa paglaban, hindi kasinghalaga anoman ang kahinatnan ng pagkukuyom ng ating mga kamao at tahasang paghamon sa mga dapat nating tutulan at hamunin. Hindi tayo lumalaban dahil siguradong mananalo o may malaking tsansa ng tagumpay. Lumalaban kahit matalo, dahil ganoon ang buhay. Walang kasiguruhan, ngunit laging isang pakikipagsapalaran na dapat nating kasangkutan at hindi panoorin lamang.
marahil ito ang kaibahan natin sa mga Manny Pacquiao. Hindi tayo mga Pambansang Kamao na hinuhulaang magiging kampeon ng mundo matapos ang ilang rounds ng salpukan. Ang mga kamao nati'y karaniwang payatot at mabuto, mas pinatibay ng pagwawalis, pagluluto. paglilinis ng inodoro o anumang karaniwang trabaho; sa halip na pinalakas ng diet at training.
Kaya dapat mag-ingat-ingat lahat ng umaabuso at tumatapak sa atin, lahat ng kumukumbinsi sa ating sapat nang masiyahan tayo sa buhay na basta makaraos lang dahil balang araw, itataas natin ang mga payayot na kamao at at ang mga pagmumukha nila ang sasalaksakin natin sa halip na ang sikmura ng mga inodoro. At mapatutunayan din natin na tayo ang mga tunay na kampeon kahit sa labas ng ring.