Sunday, October 28, 2007

Congrats sa "Wan Dey, Isang Araw"

Ibinalita sa akin ni Tito Doc ang pananalo ng programa niya ng CMMA award para sa radyo. Hindi man karapat-dapat, nakikibahagi kami sa tagumpay ng "Wan day, Isang Araw" at nakikisalo sa karangalan ng mga tagapagtaguyod nito, kabilang ang Philippine Board on Books for Young People, DZAS, Cultural Center of the Philippines at Alitaptap Storytellers Association.

Dahil nakatuon sa mga kuwentong-pambata at mga kuwentista para sa mga bata, mahalaga ang ambag ng programa sa pagmamalasakit sa pagpapabuti sa kapakanan ng mga bata. Importante ang papel nito sa pag-unlad ng panitikang-pambata. Gaya ng nabanggit ko na sa isang hiwalay na panayam. Espesyal ang panitikang-pambata dahil ito lang ang uri ng panitikan na ang pangunahing misyon ay magturo, Sipiin natin ang isang bahagi ng panayam:

"Kung ang panitikang-pambata ay panitikang ang misyon ay magturo, ano ang dapat ituro kung magsusulat para sa bata?
Marami.
Katunayan, lahat ng ating kaalaman, saloobin, karanasan. pati ang ating mga pangarap at paniginip bilang bahagi ng lipunan ng mga tao. Sa madaling sabi, lahat ng pinakamabuti, pinakamaganda, pinakamaringal at kahanga-hanga sa pagiging isang tao ay kailangang maisalin natin sa henerasyong pagmamanahan natin ng mundong ito.
Sa praktikal na talakayan, ang mga akademikong kaalaman - pagbasa, pagsulat at pagtutuos o reading, writing and arithmetic - ang pampaaralang saklaw ng dapat ituro sa bata. Pero alam nating hindi lamang ang mga hinihingi ng kurikulum at paaralan ang mahalaga.
Higit sa kakayahang bumasa, sumulat at makapagtuos, kailangan ng bata na matutuhan ang tinatawag sa Inggles na discernment.
Discerment ang kakayahang makabanaag o mahiwatigan ang pagkakaiba-iba ng mga bagay mula sa isa't isa. Tampok dito ang pagpaunlad sa kakayahan ng tao para mahiwatigan - at mahiwatigan pa lamang, dapat nating idiin - bakit hindi pare-pareho ang lahat ng bagay sa paligid at gayon din sa kalooban ng isang indibidwal. Ito ang susi sa pagtuklas kung gaano kasalimuot, karupok o katibay, (kakumplikado, sa mga modernong Filipino) ang salalayang kinalalagyan ng tao.
Kasangkot siyempre pa, sa discernment ang mga pormal na kakayahan para makilala natin ang kalikasan ng mundo. Kabilang dito ang visual discernmet, auditory discernment at iba pang paraan ng pagkilalang sensori (sensory discernment) sa mga bagay. Ang lahat ng kaalaman at kakayahang sangkot dito ay maipapangkat natin sa pagpapaunlad ng kognitibong kamalayan.
Pero di ba't kay-hapis naman ng kalagayan natin kung ang natutuklasan lamang natin sa mundo ay ang mga hugis, kulay, amoy, tunog at hilatsa nito? Kay-sawi naman ng ating kalagayan kung malilingat sa atin ang mga mithiin, damdamin - oo, maging mga takot at nakababagadag na saloobin - ar pangarap ng isang nilalang. Imporatante rin ang iba pang uri ng pagbanaag sa pagkakaiba ng mga bagay, gaya ng emotional at moral discernment, huwag nang banggitin pa ang iba't ibang uri ng paglilakang panlipunan at pangkultura."

Muli maligayang bati kay Tito Doc at lahat ng kaugnay sa "Wan Dey, Isang araw."

No comments: