Madalas, sa pagpapalaki ng anak. Naaalala ko ang mga pagkakataong iniluha ng bawat bata ang pagmamahal ng kanyang magulang. Pagmamahal na katumbas din ng masasakit na salita, pagmumura, minsa'y pagmamaliit sa pagkatao, mumunting parusa, paninikis, mga pang-araw-araw at wala-sa-loob na pananakit.
Mayaman ang arsenal ng magulang para pasikipin ang dibdib ng anak at minsa'y pagdudahan ng bata kung talaga nga siyang mahal ng tatay o nanay niya. Tinatanggap natin ang matibay na paniwala ng marami na walang magulang na naghangad ng masama sa kanyang anak; na ang bukal ng lahat ng pakikitungo niya, lahat ng hinahangad niya para sa anak ay bumubukal sa pagnanasang mahalin ang batang iyon.
Pero totoo rin na walang paaralang mapagpapatalaan ng mga magulang para matutuhan kung paano ang tamang paraan ng pagmamahal sa anak, ng pagpapalaki sa bata. Kaya kadalasan, ang pagmamahal ay naipadarama rin sa hikbi, kirot, lapnos, latay, paninikip ng dibdib, sugat ng damdamin, o inuklong pagkatao.
Marami sa mga bata, hanggang lalo sa panahon ng pagpalaki ng aking henerasyon, na ang mga magulang ay kulang sa wastong pagpapalaki sa bata. Bahagi ng naunang paraan ng pagmamahal sa anak ang pagdidisiplina at bahagi nito ang pagwawasto ng gawi at ugali ng bata na ipinalalagay na lisya o mali ng matatanda. Gaya ng pangangatwiran, pagkilos ng malaya, at pagsubok sa maraming bagay..
Tuesday, October 30, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment