Napakasayang araw nito Hindi dahil sa anupaman, kundi dahil kasama ko ang aking mga kaibigan sa loob ng ilang oras. Ipinagpalit ko ang aking mga estudyante sa apat na kaibigan ko; na bihira kong ginagawa. Ibig sabihin, maaga pa'y pinaghandaan ko na ang hindi pagdalo sa klase para sa buwanang pagkikita naming magkakaibigan.
Nagsimula ang umaga namin sa usaping espiritwal, sa pagitan ng tawanan at balitaan. Naitanong ko sa kanila kung hindi kaya kahinaan o kapintasang maituturing ang pangyayari na marami akong kakilala na tila lantarang napapalapit sa Diyos sa panahon ng pagtanda. Naitanong ko ito dahil naisip ko, hindi kaya sabihin ng Diyos na kaya lamang lumalapit sa akin ang taong ito dahil wala nang ibang malapitan. Kung baga, wala nang choice kundi maging maka-Diyos o espirituwal.
Magkasabay halos na tumutol sina G. at J. Sabi ni G: "Napakahaba ng pasensiya ng Diyos. Lagi ka niyang hihintayin na lumapit sa kanya." Sabi ni J: "Ano ang masama roon? Ang pagiging espirituwal naman, para kahit kanino, ay isang mahabang proseso. Madalas, buong buhay ang kailangan para matanto natin ang halaga nito." Dahil sa narinig kong iyon, gumanda na ang araw ko.
Pero lalo pang nadagdagan ang aking kasiyahan nang palipasin namin ang oras sa Asian Development Bank at planuhin kung paano ang aming Christmas dinner, exchange gift (magkakahiwalay na kami nang may makaaalalang nakalimutan naming pag-usapan ang isusuot na color scheme sa gabi na aming pamasko sa sarili.)
Pinagtawanan namin ang aming grupo at mga sarili. (Darna ang pangalan ng aming grupo. Nang may magtanong kung ano ang Darna para sa bawat isa. "Bato! para makalipad" sabi ni G. "Bandanang nakatakip sa pekpek," sabi ko. "Pwedeng pag-usapan kahit ano," sabi L. Nakalimutan ko na ang sinabi nina J at R.)
Higit sa lahat, pinagtawanan namin ang aming mga kahinaan at ang aming mga kabulastugan. Maraming pagkakataong kailangan kong magtiim ng bagang para hindi tuluyang maiyak sa tuwa.
Patuloy ang aking kagalakan hanggang sa pagbabalik namin sa UP? At sino ang nadatnang ko kundi isang dating matalik na kaibigang ilang buwan ko nang hindi nakikita. ang tagal at ang higpit ng kumustahan namin.
Hanggang sa pagdating ko sa bahay ay nanatili ang magaang na pakiramdam. Para akong may nakasubong cteam puff sa bibig o para akong nakahiga sa kamang yari sa kulay pulang cotton candy. Nang magbukas ako ng telebisyon, akalain mo bang ang palabas ay tungkol sa Paris!
Napilitan tuloy akong matulog nang hindi sinisira ang rupok ng cotton candy. Ang ginawa ko? Nagsalang ako ng CD at nagpaantok habang nakikinig ng tila nagkakandirit na mga awit ni Edith Piaf.
Hindi ko na bubuisisiin kung bakit naging parang perpekto ang araw na ito.Sapat na ang naranasan ko ang gayon kagandang araw.
Monday, November 19, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment