Friday, November 30, 2007

Kasong Trillaness

Aakdain ko ang isang karanasang wala akong kaaklam-alam, at marahil para ay hindi ko dapat pakialam. Peromay gaoon ba? Ang tao ay tao. Lahat ng may kaugnayan sa tao, ay may kaugnayan sa akin.

Kaya sa kabila ng kung ilang araw na pagkakasangkutsa ko sa gamot, pawis, ubo ang paninikip ng hinga, sinikag kong bumangin para mag-blog Nsabay pa ang hinagpis ng lamas sa adbenturiso ni Senador Trillannes at garapal na pang-nagaw nila ng kapangyarihan Gumimik na rin ng ganito ang bagitong poster boy ng Oposisyon sa Oakwood (Bakit mahilig siya sa kuxury hotel?)Siyempre, kinasuhan siya ng Gobyerno.
Iisa ang gusto nating lahat.
Ang alam ko, demokrasya, Paano matatamo,? Kailangan ang rule of law. Dapat nating itaguyod ang batas sa lahat ng pagkajataon. Walang short cut dito, Hindi pwedeng mainip o mapikon dahil mabagal ang proseso.
Ano ang ginawa ni Trillanes. Kumendidatong senado. Okay lang iyon, ganoon sa demokraasya. Lahat ubrang tumakbo. Kaso, nanalo. Alam niya hindi siya puwedeng maupo hanggang may kasong nililitis laban sa kanya. Yon ang sinasabi ng batas. Talagang ganoon. Hindi niya mairepsent ang mga bumoto sa kanya dahil inililitis pa nga.
Noong isang araw, nabuwit na naman sa gobyerno si Trillanes. Nag-alsa naman sa lobby ng Manila Pen? Nagiging maluhong bisyo na yata yan, ha.

Thursday, November 22, 2007

Panulat sa Panahon ng Impormasyon

Sa panahon ng impormasyon, kayrami-rami ng paraan para makipagkomunikasyon ang tao sa higit na mabilis na paraan. Nariyan ang text messaging, ang e-mail, at iba pa.

Sa ganitong pangyayari, maitatanong kung ano pa ang silbi ng pagsulat. May puwang pa ba ang pagsusulat sa mundong laging nagkukumahog?

Naniniwala kaming lalong mahalaga ngayon ang pagsulat. Kahit kagyat ang karaniwang komunikasyon, mahalagang masanay tayo sa pagsusulat na mapagparanas. Hindi dapat mawala sa tao ang kasanayan ng mapagparanas na pagpapahayag ng ating mga naiisip at nararanasan.

Hindi sapat na malaman ang ano, sino, kailan at saan mga bagay. Marami man tayong nakaimbak na impormasyon sa ating isip, hindi iyon sapat upang maging buo ang ating kaalaman. Kailangan pa rin nating maranasan ang mga ideya. Kailangang maging kongkreto ang mga bagay. Kailangan nating makita ang bawat kaalaman, marinig ang bawat mga impormasyon, malasahan kahit mga damdamin upang hindi lang natin sila pansamantalang malaman, kundi upang lubos natin silang maunawaan nang higit sa mainiping saglit o sandali.

Kanser Ngayon

Dumalo ako sa takayan ng PETA Writers Pool kaugnay ng binubuong dula tungkol modernong adaptasyon ng Noli at Fili. Kapanapanabik ang premis ng proyekto. Kung ngayong isusulat ni Rizal ang tungkol sa kanser ng lipunan, ano kaya ito? Sa dinami-rami ng suliranin ng lipunang Filipino, tiyak na magpipista ang sinomang susulat sa pamimili kung ano ang balakid sa pag-unlad ng bayan.

Sabihin pa, malaki ang pagkakaiba noong siglo 19 nang sulatin ni Rizal ang kanyang dalawang nobela at ngayong kasalukuyang milenyo. Noon, hindi madaling tukuyin ang kanser dahil hindi malaya ang bayan. Maaaring ngayon ay mayroon na tayong kalayaan ngunit hindi nito pinadadali ang pagtukoy kung anong kanser mayroon tayo.

Ayon sa nobela ni Rizal ang kanser na inilalantad niya ay ang paghahari ng Simbahan, ng mga prayle, at ang pananaig ng kamalayang kolonyal, maging sa mga katutubo. Sa senaryo ni Dr. Nicanor Tiongson, ang naatasang gumawa ng dula, ang kasalukuyang kanser na humahadlang sa pag-unlad ng bayan ay hindi lamang ang talamak na korupsiyon na bumubulok sa lahat ng antas ng lipunan, kundi ang kamalayang makasarili ng kahut anong partido o kilusan, maging sa kanan, kaliwa o sa gitna. Nailahad niya ito batay sa naratibo ng daluyong o baha, gaya ng naganap sa Infante, Quezon o sa Ormoc, Leyte.

Sabihin pa, malusog ang pananaliksik ni Dr. Tiongson. Natitiyak naming magiging tagumpay hindi lamang ang pagtatanghal ng dula, kundi ang pagpapamulat ng akda sa mga Filipino sa tunay na dahilan ng ating pagkalugami.

Wednesday, November 21, 2007

Ebolusyon ng Isang Playwright 1

Sabi ni Aristotle sa mimetikong aksiyon at usapan nagsimula ang lahat. Sa likas na hilig ng tao na manggaya. Kaya sinasabing sa kanluran, mimesis ang simula ng dula. Ang lahat ay bukal ng mapaglarong diwa, ng kamalayang gaya-gaya at mapanudyo.

Ngunit para sa aking personal na karanasan, hindi eksaktong-eksakto na gaya ng sabi ni Aristotle. Ang buhay ko biulang dramatista ay mula sa pagkahaling ko sa mga ma;igno.
Bata pa raw ako, kuwento ni nanay, kinilabutan na siya sa akin. Naghinala na siyang hindi lamang ang aming mga kapitbahay ang kalaro ko at hindi lamang ang maliliit na plastik na karaniwang gamit sa pang-araw-araw na buhay ang aking mga laruan at aliwan, kundi pati mga nilalang at bagay na di nakikita ng kanyang dalawang mata pero walang tigil kong hinuhunta kapag nalingat siya at ako ay nabayaan niyang nag-iisa. Sa mga karaniwang makakita sa akin, ang konklusyon nila'y kinakausap ko lamang ang sarili ko.

Hindi ganoon ang hinala ni nanay. Hindi ako basta nagsasalita nang malakas o nakikipag-usap sa sarili. Mayroon talaga akong kinakausap na nagkataon lamang na hindi niya nakikita kaya hindi niya mapagsino. Akala ng iba, pinaglalaruan ang ng duwende. Marami ang may sapantaha na pinagpapakitaan ako ng mga lamang-lupa na noong unang mga taon ng dekada 60 ay kung bakit naman parang kuyog na nanirahan sa La Loma.

Kadalasan, nasa isang sulok ako. nakaharap sa panulukan ng dalawang halos kulay-itim at kahoy na dingding. Kalaunan ko na lang malalamang sa madidilim na sulok tulad nito pinaniniwalaang may pintong lagusan ang mga maligno, duwende, at mga lamang-lupa.
Lumilitaw sila sa mga singit-singit ng palapa ng dingding. Iniluluwa ng maliliit na butas ng mga hugpungan.

Upang batiin ako. O tiyaking hindi kahabag-habag kahit para sa isang batang tulad ko ang mapag-isa. Ngingiti sila. Kakaway. At mapapaungol ako. Nanlalaki ang mga mata. Mapapalingon sa paligid upang maghanbap ng kasama. At mapapansin kong ako'y nag-iisa o naroon man si nanay ay nakatungo naman sa kanyang tinatahi kaya para ring wala akong kasama. Saglit akong matatakot. Magpapagibik ako. Pero mananatili lang si nanay sa kanyang walang imik na pagkakayuko sa karayom at sinulid at kakawayan ako ng maligno. Ngingitian. Pasrang sinasabing "Huwag, huwag kang matakot. Kalaro mo kami."

Mapapatango ako. At noon magsisimula ang aming usapan. Sa gayon, nagsimula ang buhay para sa akin. Ang buhay ay walang katapusang diyalogo.

Na nagsimula sa pakikipag-usap ko sa mga maligno.

Hamon ng Pagiging Mandudula

Akala lamang ng iba ay madali ang maging mandudula. Pero tulad ng klasikong sigaw ni Carlo Aquino kay Vilmna santos sa isang pelikula, "Pero hindi, hindi, hindi!"

Ang totoo marami ang nag-aakalang madali lang ang gawaing pagmamanunulat. Gaya ng impresyon ng aking mga kaibigan, pasulat-sulat lang ay kumikita na. Ilang oras lang na tutunganga sa harap ng makinilya o kompyuter, pera na. Pero gaya ng ibang akala, hindi totoo iyon at malayong-malayo sa karanasan ng mga manunulat.

Huwag na nating busisiin pa ang hirap na dinaranas ng isang nais maging makata, kuwentista o mandudula.Bukod sa pisikal na aspekto ng gawain ng pagmamanunulat (hindi madaling tumunganga sa harap ng kompyuter, makinilya o kahit pa ng blankong papel), lagi ring nakataya ang kaluluwa (pagkatao) ng isang writer tuwing siya ay aakda.

Higit pa rito ang kailangan sa pagiging playwright. Sabihin na nating nairaos ng dramatista ang akda. Maaaring nakasulat siya ng mahilab-hilab na dula, kahit maikling dula na siyang uso ngayon. Hindi pa rin maaaring maging tiyesong-tiyeso ang buhay niya. Hindi sa pagsusulat natatapos ang kanyang gawain bilang manunulat.

Di tulad ng makata at kuwentista na paglalathala na ang dapat isipin, ang mandudula ay haharap muna sa hamon ng pagtatanghal. Sa paghanap ng pagkakataong maipalabas ang sinulat niyang akda.

Panibagong kasanayan, talino, o koneksiyon ang kailangan para dito. Una, sa paghahanap ng pagkakataon at grupong magtatanghal sa iyong dula. Alam nating hindi marami ang ganitong pagkakataon. Kaya dapat sunggaban ng mandudula bawat pagkakataong makita niya.

May ilan lang na teatrong pandulaan sa Pilipinas. Sa mga ito, ilan lang ang regular na nagpapalabas o may season. Sa may regular na season, ilan ang laging naghahanap ng bago o orihinal na dula? Hindi kataka-takang iilang mandudula lang ang naipakikilala sa publiko taon-taon.Hindi rin kataka-taka kung mas marami sa mga nais maging playwright ang magkasya na lang sa pagiging mandudula sa isip, o sa pamamagitan ng mga grupong amateur(ibig sabihin, walang pera, kulang sa karanasan o talino, at walang manonood).

Kaya mahirap asahang kikita ang isang mandudula mula sa pagtatanghal ng sinulat niya. Baka mas malamang, siya pa ang gumastos. Bukod sa pakikiusap na itanghal naman ang nasulat niyang dula.

Dito sa unang hakbang pa lamang ay mahirap nang makalusot ang kahit sinong nagnanais maging mandudula. Kaya sa ibang pagkakataon ko na itutuloy ang hirap na kailangang danasin ng isang manunulat bilang playwright.

Sapat ng sabihing ito ang dahilan kung bakit napakakonti ng mamdudula sa entablado sa kasalukuyan.

Paghahanap ng Kapalaran

Marami sa atin ang naniwala sa kuwento ng El Dorado noong bata pa tayo. Ang El Dorado'y isang lungsod ng ginto na pilit pinagsikapang marating ng lahat.Di iilan ang gumalugad sa mundo para hanapin ang pook ng ginto, ang kapalaran. Hindi lamang ng mga conquistador, dahil bawat isa sa atin ay nagmimithing magtamo ng magandang konabukasan.

Kahit sa katutubong panitikang-bayan ay may katumbas ang El Dorado. Sa Leyte, ito ang sinaunang pangalan ng pulo, ang Tendaya. Bundok daw ng ginto. Hinangad rin ng mga Espanyol noong bago mag-siglo 16 na marating ang maalamat na pook. Pero nabigo sila, dahil kuwento lamang ang lahat. Walang totoong Tendaya, walang tunay na pook na siyang magbibigay sa atin ng magandang kapalaran. Walang katotohanan ang sabi-sabi. Isa lamang itong sinaunang panaginip o lihim na mithi ng ating mga ninuno.

Nang mananghalian kami sa ADB, isang mahalagang insight ang ibinahagi sa amin ng bunsong kapatid ni Gaying, na nagpatanghalian sa amin nang araw na iyon. Sinabi niyang totoong may Tendaya. May lugar kung saan matatagpuan ang kapalaran, at siya mismo'y ,akapagpapatunay nito dahil nasaksihan niya sa maraming taon ng pagtatrabaho sa ADB.

May tunay na tendaya sa paaralan o lugar na pagtatrabahuhan.

Huwag kayong magtawa. Tama ang nabasa ninyo. Ang ating kapalaran ay karaniwang matatagpuan sa eskuwelahan o sa trabahong pinapasukan. Dahil malamang sa paaralan o sa trabaho tayo nakakatagpo ng ating magiging asawa. Ng katuwang habambuhay. Ng ating kapalaran.

Maaaring hindi laging bundok ng ginto ang lagi nating nasusumpungan, pero sapat nang mapatunayang mauroon ng palang kapalaran. Para magsimula tayong humakbang at maglakbay .

Tuesday, November 20, 2007

Problema ng Isang Guro

Marahil naninibago ako sa pagtuturo. Naalala ko tuloy ang isang kaibigan na kamakailan ay humingi sa akin ng payo tungkol sa pagtuturo. At ngayo'y ako naman yata ang nangangailangan ng payo kung ano ang gagawin sa mga estudyanteng hindi nagbabasa o ayaw magbasa.

Sa unang araw ng klase, nililinaw ko ang aking mga patakaran, kasabay ng pagpapaliwanag sa nilalaman ng silabus, para bigyan ng pagkakataon ang estudyante na lumipat ng section kung sa palagay niya ay hindi siya masisiyahan sa paraan ko ng pagtuturo. Isa sa patakaran ko: ang hindi nagbasa ng assignment, palalabasin ko ng silid, walang karapatang dumalo ng klase ang estudyante na hindi naghanda para sa klase. ang hindi nag-abala para sa klase ay hindi ko rin pag-aabalahang turuan.

Bago ako pormal na tumalakay ng aralin, kailangang lumabas ang mga hindi nagbasa. Maaaring manatili sa klase kung hihingi ang estudyante ng permiso sa buong klase para makadalo sa talakayan, kahit hindi siya nagbasa. Ang mahuli kiong hindi nagbasa, binabalaan kong ihuhulog ko sa bintana o kakaladkarin sa buhok pababa ng hagdan.

May katwiran ba akong gawin iyon? Ang mas mahalagang tanong: paano ko maeengganyong magbasa ang mga estudyante?

Ang itinuturo ko ay literatura, isang reading course. Ibig sabihin, pasra kami magkaroon ng palitan ng kuro-kuro ng mga mag-aaral kailangang nabasa nila ang akdang pinag-uusapan. Available naman ang mga akda. Nasa isang libro o pinagsama-sama sa isang koleksiyon. Hindi na nila kailangang pumunta sa library at maghanap. ang kailangan na lang talaga nilang gawin ay magbasa.
Ni hindi ko hinihingi na maintindihan o maipaliwanag nila ang akda. Basta basahin lang.

Pero kahapon, nang pakiusapan kong lumabas ng silid ang mga hindi nagbasa, nagulat ako nang halos sampung estudyante ang tumayo at lumabas ng kuwarto. Karamihan ay babae.

Sa loob ko'y napailing ako. Pero napaisip din kung ano pa ang maaari kong gawin paea pilitin ang mga mag-aaral na mag-aral.