Ang laki pala ng epekto sa akin ng balita tungkol kay Min. Akala ko'y parang hangin lamang na nagdaan ang sinabi ni J, tungkol sa asawa ng isang kaibigan namin, pero hindi pala. Bukod sa umuukilkil sa isip ko ang pangyayari at binabagabag ng mga pag-uusisa kung bakit binago nito si Min, ang mahinhin, di-makabasag-pinggang si Min, itinatanong din ng isip ko kung ano ang epekto ng lahat ng ito kay Maan.
Siguro, ang tanging konsolasyon ay ang pangyayaring hindi na bata si Maan, ang tanging anak ni Min sa aking dating kaibigan, na nasubaybayan ko rin ang paglagi dahil matagal ring naging child talent sa Batibot. Mau gulang na si Maan nang mangyari ang masasakit na pagbabago, bukod sa siya ay isang matalinong bata kaya marahil, may likas na tibay siya upang sumalunga sa mga pait na ibinato sa kanya ng buhay.
Idagdag pa sa pag-iisip ko na nagkataong nang gabing iyon ang usapan tungkol sa battery o pang-aabuso sa asawa ang siyang paksa nang maghiwa-hiwalay kami nina J. at I. Wala namang gaanong sinabi si J. Nabanggit lang niyang naging tomboy si Min. Itinanong lang niya kung nabalitaan namin. Halos wala ngang nakapansin sa sinabi niya, maliban marahil sa akin na siyang nagpalawig sa usapan.
Sabi ko, kung nagkaganoon man, naiintindihan ko si Min, dahil halos kahawig iyon nang nangyari sa akin. Minabuti ko pang maging bakla, kaysa manatiling asawa ng asawa ko.
Kanina, nang magising ako ay naitanong ko sa aking isip kung hindi kaya maaring ituring na bunga ng battery o pang-aabuso ang nangyaring pagbabago ni Min. Posible kayang dalawang pang-aabuso ang naganap? Abuso kay Min at abuso kay Maan.
Sumagi rin sa isip ko kung ako kaya ay biktima rin ng pang-aabuso kaya ganito sang naging pagkatao ko.
Ano kaya ang magiging paliwanag ni I.?
Tuesday, November 13, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment