Dahil sa aking kalusugan, lahat ng gawin ko ngayo'y medya-kedya na lamang. In moderation sa Inggles.Laging may pagpipigil. Laging may renda. Di lang sa pagkain; lalo sa saya.
May mga pagkaing talagang bawal, kau\ya kailangang iwasan o bawasan. Gaya ng matatamis, kahit sariwang prutas. Isang pisngi ng mangga. Ilang piraso lang ng ubas.
kaunting-kaunting karne. Sanghiwang sinlaki ng kahon ng posporo. Isang puswelong kanin. Pero kahit gaano karaming guylay, gaya ng kangkong sa sinigang. O talbos ng kamote. Mas mainam kung maraming gulay bago magsimula ng regular na kain.
Kaso, bawal din ang maalat. Kailangang umiwas sa mga sawsawan, gaya ng toyo o patis, o liquid seasoning. Kapag di ko nabantayan ang alat, mabilis na tumataba ang aking mga paa, at ang mga daliri ko sa paa ay namimintog na parang mga daliri ng baboy.
Dapat ko ring bantayan ang iba pang pagkain, tulad ng gatas at saging. Problema ito dahil mahirap maghanap ng pagkaing masarap pero walang lasa.
kung mahirap na gawain ang pag-aantabay sa kinakain, pero mas mahirap ang pagkokontrol ng damdamin. Madaling maunawaan ang dahas ng labis na kalungkutan. Pero hindi rin dapat ang maging sobrang saya.
Kaya dapat kong ipagdiwang ang araw na ito: Ang unang linggo ng muli kong pagtuturo.
Ang unang linggo ng muli kong pagbabalik sa tanging mundong nais kong kabilangan. Maari ko na lamang ipagdiwang nang munti at unti-unti ang galak na nadarama ko sa maliliit na tagumpay. Saka na tantusan ang malalaki at malalawak na pagwawagi. Ang unang buwan, Ang unang semestre. At ang unang taon. Kung palarin akong abutin pa iyon.
Samantala'y dapat lamang na maging kasiya-siya para sa akin ang unang linggo. Unang apat na araw ng pagkakaroon ng pagkakataong maging bahagi ng karanasan at kamalayan ng halos limampung kabataan.
Ano'ng hahapin pa? Ang iba'y bahala na. Dumating kung dumating. Kung hindi, huwag mabigo o mangamba. Ang unang linggo ay sapat nang kagalakan.. Bakit maghahanap pa ng iba?
Friday, November 16, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment