Dalagita si Nanay nang maging asawa ni Tatay. Lumaki sa Cebu at bagong salta sa Maynila; sa may Sta. Cruz sila nakatira, malapit sa Opera House. Naglilingkod bilang driver ng may-ari ng "Ang Tibay" si Lolo. Bunso si Nanay sa mga kapatid na babae.
Neneng-nene ang anyo ng isang lumang litrato ni Nanay, na kuha noong siya'y dalaga pa. Kulot ang buhok. Balingkimitan ang katawan. Kayumangging-kaligatan. Nakaabot siya ng hayskul sa Bohol Colleges, pero hindi nakapagtapos. tandang-yanda ko ang kanyang suot. Printed na bestida na may ruffles ang manggas at leeg. Bahagya siyang nanakangiti, halos nahihiyang lumabas ang ngipin.
Gandang-ganda ako sa sulat kamay niya. Payat ang kabit-kabit na mga letra, laging katamtaman lamang ang diin; pero mababasa nang buong linaw.
Ang buhay ni Nanay ay gaya rin ng penmanship niya: walang anomang garbo. Hindi sanay sa borloloy. Hindi kakikitaan ng anomang damdamin.
Sa buong pagsasama nila ni Tatay, ang laging nakikita kong ayos ng kanyang mukha ay ang pagtitiim ng mga labi. Na parang lahat ay laging kailangang batahin. Bihirang-bihira ko siyang makitang may lantay na saya.
Nang maratay si Tatay matapos atakihin ng stroke, nasaksihan ko ang dedikasyon sa kanya ni Nanay. Hindi lamang siya puspusang nagtrabaho para maitawid kaming limang anak; sa buong panahon ng pag-aalaga niya kay Tatay ay hindi ko siya nakitaan ng pagkapagod o panghihinawa. Nang kahit ako'y nawalan na ng gana sa pag-aalaga kay Tatay, si Nanay ay nanatili sa kanyang dedikasyon. Noon ko nasabi sa sarili ko na mahal na mahal pala ni Nanay si Tatay.
Kaya nabigla ako nang pagkaraan ng isang taon at makababang-luksa kami ay humihingi na sa akin si Nanay ng permiso para makapag-asawang muli.
Kalaunan ko na lamang nalaman ang bahagi ng kanilang kuwento. Hindi pala si Tatay ang unang nobyo ni Nanay, kundi ang aking magiging si Tiyo Horacio, Pero sa kung anong dahilan sa tatay ko napakasal si Nanay. samantala, si Horacio naman ay nag-asawa rin at nagkaroon ng limang anak. Sabay sila halos nabiyudo ni Horacio at makaraan ang isang taon, nagkita silang muli sa simbahan. Naging pangalawang asawa ni Nanay si Tiyo Horacio.
Halos mahaba pa ang ipinagsama ni Nanay at Tiyo Horacio kaysa kay Tatay.
No comments:
Post a Comment