Kagabi'y dumalo ako sa paglulunsad ng apat na bagong munting libro ng Pambansang Alagad ng Sining Bien Lumbera, ang Entablado Klasiko ng ateneo de Manila Press. salin ng mga dula ang serye ng Entablado klasiko, ng Julio Cesar ni Shakespeare, Blood Wedding ni Federico Lorca, Kaaway ni Maxim Gorky, at , ang paborito ko, Retrato ng Artista bilang Filipino ni Nick Joaquin.
Naging okasyon ang paglulunsad upang muling sumagi sa isip ko ang panghihinayang na tila hindi lubhang pinagkakaabalahang ng mga awtor na Filipino ang gawaing pagsasalibro ng kanilang mga obra. Kaya lumilipas ang mga taon at ang mga produkto ng katutubong imahinasyon ay basta na lamang nalilibing sa limot.
Pinatindi pa ng dalamhating iyon ng pagtatagpo namin ng kaibigang Bonbifacio Ilagan. Matagal ko na ring hinihintay-hintay ang paglilimbag niya ng kanyang mga obra, lalo na ang Pagsambang Bayan. sabi ko nga, hindi kumpletong maisusulat ang kasaysayan ng kontemporanyong dulang Filipino hanggang hindi naililibro ang mga dula ni Boni.
Ito rin ang paksa ng usapan namin ni Tim noong isang araw sa Faculty Center. Ang daming mandudula ang hindi nag-aabalang likumin sa isang libro ang kanilang mga dula. Nakakahik isiping hanggang ngayon, walang koleksiyon ng dula ang Peta o Tanghalang Pilipino ng CCP.
Nakapanghihinayang kung hindi maasikaso ang paglilimbag. Sa dula, napakaimportante na malimbag ang texto, matipon sa isang koleksiyon ang puta-putaking mga obra, lahit mga obra ng kabataan, dahil hindi sapat sa dula ang matanghal.
Hindi sapat ang dalawang oras na pagbuhay sa entablado ng isang dula para makintal ito sa ating kamalayan. Gaano man kahusay ang pagganap ng mga artista at iba pang talinong bumuhay sa dula sa pamamagitan ng produksiyon.
Para matanim sa ating kolektibong karanasan, kailangan ang paglilimbag upang ang hindi kayang ipadanas ng dalawang oras na pagtatanghal ay muli nating mabuhay sa ating gunita. Hindi sa bisa ng ibang artista, galaw, kasuotan, pag-iilaw o iba pa. Kundi ng sarili nating imahinasyon.
Kailangang mapakilos ng mga nakalimbag na salita ang ating isip upang mabuhay ang dula, upang masagip mula sa hukay ng paglimot ang isang karanasan.
Friday, November 16, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment