Itinuturing kong natatangi sa lahat ng propesyon ang pagsulat dahil sa dalas ng pangangailangang gawin ito. Hindi ito kailangang araw-araw na ginagawa, bagaman may bentahe ang gayon. Wala ring kaso kung tuwing kailan lamang masumpungan. May mga manunulat na sa buong buhay ay isa o ilang akda lamang ang nakatha.
Pambihira rin ang propesyong ito dahil hindi nangangailangan ng apirmasyon ninoman upang ipagpatuloy, bagaman aminin man ng manunulat o hindi, importante sa kanya ang masabihang may nakagusto sa sinulat niya.
Gusto kong bigyang-pansin ang layaw ng manunulat na gawin ang kanyang propesyon. Maituturing din ang pangangatha bilang isang hobby, isang libangan o pampalipas-oras lamang. Kung ganito ang palagay ng indibidwal sa pagsusulat, mauunawaan natin kung ginagawa niya ito kung kailan lang niya masumpungan. Kung kailan mangati saka lamang magkakamot. Walang kaso ang ganito. Dahil nauunawaan din natin na ang isang manunulat ay dapat lang humawak ng panulat kung mayroon siyang gustong sabihin. Madalas nga, ang payo natin sa mga batang manunulat ay manahimik kung walang gustong sabihin o kung hindi pa nalilinaw sa sarili ang nais sabihin.
Pero mayroon ding mga manunulat na hindi lang libangan kung ituring ang kanilang gawain; hindi lang bilang propesyon, kundi bilang isang bokasyon. At sa ganitong pagkakataon kailangan ang debosyon.
Sa ganito kailangan ang disiplina sa pagsulat. Sa ganito, hindi na uubra ang pagtanga-tanga sa langit at paghihintay mabagsakan ng inspirasyon o kung kailan katihin, saka lang magkakamot. Sa ganito, ang pangangatha ay hindi maituturing na isang galis-aso lang, kundi isang talamak na kanser.
Una sa disiplina ng pagsulat ay ang mismong pagsusulat ng mangangatha. Kailangan, regular niya itong ginagawa, batay sa sigasig niyang pahintulutan ang kanyang Musa na lumukob sa kanyang pagkatao. Halimbawa. isa sa pinakamahalagang payo sa pagsulat ang mabuti na lamang at maaga kong narinig at pinaniwalaan.
bagitong-bagito akong manunulat, walang ipinangangahas na anomang akda, katunayan ay walang dala-dala kundi ang kapritsong makapagsulat nang marinig ko kay Rio (Virgilio s, almario) ang payo na "magsulat araw-araw." Bunga marahil nang katangahan ko, sinunod ko siya. Ginawa ko ko ang payo niyang huwag palagpasin ang isang araw nang hindi nilalambing ang iyong Musa. Sabi pa niya, hindi naman kailangang laging magsimula sa isang bago at orihinal na obra. Maari rin daw ang pagbabasa o pagrerepaso ng mga dating katha o pagrerebisa ng mga nasulat na. Pagkaraan, matutuklasan kong kahit pagbabasa ng katha ng ibang manunulat (basta ang layon ng pagbabasa ay ang makapagsulat, at hindi basta pagbabasa for it's own sake) ay maituturing ding bahagi ng pagsusulat.
Monday, November 5, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment