Panay ang panood ko ng TV dahil lagi akong walang magawa sa bahay, lalo mula nitong Abril nang ma-stroke ako. Kung ano-anong klase ng programa ang pinapanood ko, lalo sa cable. Mulang halos paggising sa umaga hanggang bago humiga para matulog sa gabi. Minsan, nakahiga na ako ay mapapabangon pa kapag hindi agad dinalaw ng antok at, hayaan kong ang utak ay salakayin ng inip. Mag-aalis ako ng kumot o kakalas sa dantayan.. Mapapabangon. Kakapain ko ang remote ng telebisyon at mauupong nakaharap sa "tangang kahon" hanggang sa manghapdi ang mga mata ko sa hilam ng antok.
Matagal-tagal ko na ring napapansin ang ginagawa ng mga programa sa Amerika, lalo na iyong may live audience sa studio. At pinag-usapan pa ito sa pinakabagong istasyon sa cable, sa programang The View. Ang pamimigay sa studio audience ng kung ano-anong give away mula sa mga tagapagtaguyod ng programa. Minsan snack items para sa food show ni Rachel Ray. Minsan, libro. Iba't ibang klase ng domestic items, cd, laruan, babasahin, ear phones at kikay kits. Kadalasan, hindi gaanong mahalaga kung isa-isa pero malaki-laking pera ang katumbas at pagsasama-samahin ang katumbas. Pinakagalante ang programa ni Oprah.
Naalala ko tuloy ang panonood namin ni nanay ng Talents Unlimited sa Aduana. Programa iyon sa radyo ng ABS , parang Eat Bulaga sa radyo tuwing tanghali. Si Ben Aniceto ang host at may mga guests na singers at artista. Iyon ang una kong pasok sa stdio. Alas-nuwebe pa lang ng umaga ay may pumipila na paea maging studio audience. Pareho kami ni nanay na sinuwerteng mapili bilang contestents. Hindi kami nanalo pero natatandaan kong hindi kami umuwi nang luhaan. Maybitbit kaming kung ano=ano: Rufina patis, maliit at di-gaanong mahalagang items, at gift certificate mula sa Santos portrait. Ang retrato kong 8 x 10 black and white mula sa "retratista ng mga bituin" ang pinakamahal kong pag-aari noong araw.
Hinihintay kong sundan ang pamimigay ng give away sa audience ng mga programa dito sa Pilipinas. Para magkaroon ng dagdag na pagkakitaan ang mga nag-aabalang pumila para manood sa mga programang ito. Naranasan na ba ninyo ang manood sa mga programa? Maraming oras ang kailangang gugulin para sa isang oras na programa. Halos kalahating araw ang kailangang gugulin. Kaya para masulit ang panahong ginugugol ng audience para magmukhang may tagapanood ang programa, kailangang may mapala naman ang mga manonood. Siyempre, mas mabuti kung hindi lang manonood sa studio ang mabibiyayaan. Mas mabuti kung pati audience sa bahay, pero baka suntok sa buwan na ang humiling nang gayon.
Tutal, wala naman tayong maaasahang mahihita mula sa nilalaman ng mga programa, lalo ng mga programa sa telebisyon ng ABS CBN at GMA.. Mabigyan man lamang sana nila ang audience kahit ng mga give aways gaya ng sardinas, bigas, groseri, mga makakain, kundi man kabuhayan, ng pamilya. Kung hindi rin lamang maasahan ang mga miyembro ng produksiyon na dagdagan ng mas matino-tinong nilalaman ang programa, paghanapin na lang sila ng network ng mga sponsors na magbibigay ng mas maraming give aways sa audience.
Kung dito magpapaligsahan ang mga programa, baka sakaling maging interesante ang network wars.
Friday, November 9, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
"Tutal, wala naman tayong maaasahang mahihita mula sa nilalaman ng mga programa, lalo ng mga programa sa telebisyon ng ABS CBN at GMA."
--sumasang-ayon ako sa pahayag na ito. Haha. Nakakalungkot isipin nga na ang mga palabas ngayon na madalas na makikita (tipong gising pa ang lahat) ay kung hindi mababaw, ay wala talagang laman. Kumbaga, pabonggahan lamang.
Sabi nga ng GMA7 sa kanilang "I-Witness", it is Television's Finest Hour. Finest Hour? Nasa alas dose ng gabi o ala una ng madaling araw? Sayang.
Pero kung lilimiin nga naman po, wala din silang choice, kasi mas bumebenta nga naman sa tao ang mga "primetime" shows sa kasalukuyan. May economics din naman kasing involved. Nakakalungkot lamang na ganito ang nangyayari. Napapa-isip tuloy ako tungkol sa theory sa Communication, yung Agenda Setting, kung sino ba talaga ang nagseset ng media, kung ang mga network or media talaga o sumusunod lamang sila sa gusto ng tao?
Post a Comment