Hindi na magtatagal at ipakukuha na marahil ng kaibigan ang munting koleksiyon ko ng mga libro. matapos ang mahaba-haba ring pagtimbang, sa tulong ng isa pang kaibigan, kung ano ang dapat gawin sa aking mga libro, naipasya akong ibigay ito bilang donasyon sa kaibigan kong may-ari ng isang pribadong paaralan sa Bulacan.
Isa lang ang hihilingin ko sa kanya: ang tiyaking magagamit ito ng mga estudyante, dahil ano ang halaga ng mga libro kung nakapiit lamang ito sa isang iskaparate.
Aaminin ko, maraming opsiyon ang aking tinimbang at inisip bago ako nakapagpasya kung ano ang pinakamainam. maaaei ko iwan ito sa aking mga anak. Pero naisip kong may karapatang pumili ng gusto at kailangan nilang mga babasahin ang apat na anak kong babae. ayaw kong maging imposisyon sa kanila ang aking mga lumang libro. Ano't anoman, ipinaalam ko sa kanila ang aking desisyon. Isang libro, ang People Power, ang inawitan ni paula na ibigay ko na lang sa kanya. Nang pumayag ako, bigla niyang naitanong: wala ba kasi kayong mga light-reading books, gaya ng Da Vinci Code? Noon ko lang napagtanto na ganoon pala ang palagay nila sa mga libro ko, mabigat at seryoso. hindi ko na sinansala nang hindi na humaba ang pagtatalo.
naisip ko ring mainam na ibigay ang mga libro ko sa U.P. library. Pero sa paliwanag ni Robby, komplikado ang gayon, bukod pa sa rarabooks lang ang tinatanggap ng library.
Inisip ko rin ang posibilidad na ipagbili ang mga ito, kung maaari ay by section, sabi ni Robby, pero tumanggi ang isip ko sa ganitong pag-aabala. Bagaman kailangan ko ng pera, sapat na sa akin ang munting karunungang ipinahiram sa akin ng mga libro ko. Napakinabangan ko na sila, kaya di ko na dapat hangaring pagkakitaan pa. Kung mababasa ng mga bata at pakikinabangan nila, mas mabuti.
Kaya sa huli ay naipasya ako na i-donate sa library ng paaralan ni Rollie. Laking katuwaan ko nang pumayag ang mahal kong kaibigan. sa loob ng isa o dalawang buwan, tuluyan nang mawawalay sa akin ang aking mga libro; ang maliit na koleksiyon ko ng Filipiniana at koleksiyon ng mga aklat sa drama. Sa kanilang lahat,
Paalam sa bawat pabalat na hindi ko pinagsawaang haplusin, kahit mumurahing karyon lamang. Paalam, sa bawat pahina na bawat isa'y malalim na lukbutan ng pag-unawa sa isang malaki, masalimuot na mundo, na kundi dahil sa kanila ay nanatili sanang dayuhan para sa akin. Paalam sa lahat, at maraming-maraming salamat!
Thursday, November 1, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment