Sunday, September 30, 2007

Paghahanda sa darating na workshop

Gusto ko pa sanang balik-balikan ang sama ng loob na naramdaman ko bunga ng "Dalawang Bayani" pero naisip kong wala itong buting maibibigay sa akin. hindi ko rin makukumbinsi si Mrs. Bpnifacio na paniwalaan ang sinasabi kong kahit kailan ay hindi niya ako naimpluwensiyahan. Hindi naman pala niya alam ang tungkol sa rock musical ni Bien Lumbera kaya mahirap baguhin ang paniniwala niyang siya ang unang nakaisip, pagkaraan ng sandaang taon, na paghambingin sina Rizal at Bonifacio. At dahil naniniwala akong pagsasayang ng panahon ang pagtatangkang baguhin ang hindi mababago, hayaan na lamang natin si Mrs. Bomifacio sa kanyang higanteng persepsiyon tungkol sa kanyang sarili.
Napag-isipan ko rin panahon na sa paghahanda ng bagong istratehiya sa pagtuturo ng playwriting. Gusto kong subukan ang paraang improbisasyon. bagaman naniniwala ako na importante pa rin ang ilan at maiikling lektyur, gusto kong ang mga estudyante ang magsagawa ng mga dramatikong gawain para maunawaan nila ang mga batayang prinsipyo sa pagsulat ng dula.
Gaya ng exercise na sinubok namin kahapon. nagtaob ako ng isang silya sa gitna ng silid at pinatugtog ko ang Nessun Dorma ni Pavarotti. Pinapagisip ko sila ng eksena. Siyempre, may tauhan. Sino yon? Ano ang ginagawa niya sa tagpo?

Saturday, September 29, 2007

Mulan ni Rody Vera

May dalawang dahilan kung bakit sinikap kong dayuhin ang CCP para panoorin ang pagtatanghal ng Mulan ni Rody Vera. Una, itinuturing ko si Mulan bilang simbolo ng Asyano na ayaw bigyan ng pagkakataon ng makapangyarihang Kanluran para ipakita ang tunay na sarili. Kaya ang tunay niyang pagkatao ay lagi niyang ikinukubli. Ganiyo ang tema ng papel na binasa ko sa Singapore ilang taon na ang nakararaan.
Pangalawa, kabilang ako sa dumalo sa sesyon ng Writers Bloc nang ipabasa ni Rody ang draft ng dula, at nais kong masundan ang tuluyang pamumukadkad ng dula sa entablado.
Kaya buong ataw mang bumubuhos ang ulan (Sigmal No. 1 ang bagyong hannah sa Maybila) pinilit ko sina Paula na samahan ako sa CCP. Ayon sa poster ang dula ay para sa lagat ng bata, kaua hindi kataka-taka na dinumog ng mga prescools ang palabas. Kalahati marahil ng audience ay mga bata, samantalang mga tinedyer ang karamihan ng bumubuo sa kalahati
Mapansin namin kaagad ang magandang disenyo ng mga kasuotan. Mukhang magarbo pero hindi mahal Maraming katawa-tawang tagpo, lalo ang pagsasanay ng mga sundalo sa ilalim ni Hen. Wu.
Pero hindi pambata ang dila. Maaaring may appeal ito sa mga tinedyer, pero mahirap maintindihan ng mga batang wala pa sa elementarya. Ang ganito ay bunga ng pangyayaring ang ginamit sa dula na antas ng wika ay may pagkaabstrakto. Laging problema ang ganito sa pagsulat ng dulang pambata, lalo kung ang mga tauhan ay hindi mga bata.
Nabagabag din ako sa magkahiwalay na tuon ng tema sa dula. sa mga unang tagpo, tila isyu ng gender ang usapin. sa kalagitnaan ay lumihis ito at naging laban sa kalupitan at karahasan ng digmaan. Hindi ko rin nagustuhan ang may mapanlait na paraan ng paglalarawan sa kababaehan, para makapagpatawa.
Sa kabuuan, kasiya-siya ang produksipn ng Mulan. Ipinaalala nito sa manonood ang pangkulturang pagkakautang natin sa sibilisasyong Tsino, bago pa ang kontrobersiya sa national btoadcastband,

Thursday, September 27, 2007

Bata, isinilid sa maleta ...

May call for manuscripts ang Adarna Hiuse hanggang katapusan ng Oktubre. Ito ang tampok sa isip ko nang dumalo ako ng ginabayang talakayan tungkol sa Edukasyin para sa Kapayapaan sa U.P.
Nagpag=usapan ang ilang krimen na itinatampok ng media kamakailan. Hiningi ang aming palagay sa kaso ni Dindin padilla, ang batang isinilid sa maleta at natagpuang palutang-lutang sa Manila Bay.
Siyempre, nakababahala ang gayong klase ng karahasan laban sa mga bata, Pero mayroon na tayong batas laban sa mga umaabuso sa mga bata. Nabanggit ko ang tungkol sa kaso ng batang nagpakamatay dahil inaabuso di-imano. Lumundag mula sa gusali ang bata. Higit itong nakatitigatig sa akin dahil wala tayong batas laban sa mga bata na magpapataw ng karahasan sa kanilang sarili upang makaligtas lamang sa hirap ng buhay. Sumagi kaagad sa isip ni Tito Doc ang kuwento kong "Nemo, ang batang papel."
Sa kuwento, mas pinili ni Nemo na maging papel sa halip na tunai na bata dahil kay hirap-hirap maging bata sa isang pamilyang walang maipakain, walang maipasuot na damit, walang perang magagamit sa [ag-aaral; o sa isang lipunang hindi kumikilala sa karapatan ng isang bata.
Sumang-ayon si Heidi sa aking pansin at idinagdag niya ang isa pang uri ng bata na biktima rin ng ganitong kairalan sa lipunan: ang Batang nambibiktima. Ang batang nangrereyp ng kapwa bata. Ang batang nanggugulpi ng kapwa bata.Batang nang-uudyok sa kapwa na gumamit ng droga at ibapang bisyo.
Mabigat sa dibdib ang usapan nang hapong iyon. Tila kayraming nawawalang bata. Matagpuan kaya sila sa mga maletang palutang-lutang sa hangin?

Wednesday, September 26, 2007

Kaninong Balikat ka Nakatuntong, Ginoong Villanueva?

Nang magpulong kami ni Mrs. Bonifacio tungkol sa "dalawang Bayani," ipinaunawa niya sa akin ang halaga ng pagtanaw ng utang na loob sa mga nauna. Lalo sa larangan ng panitikan. Na sinasang-ayunan ko naman bagaman mahalaga ring linawin kung ano ang inutang nino kanino.
Kung pagtungtong naman sa balikat ang usapin, importanteng linawin kung anong kapaligiran ang natatanaw mula sa tinutuntungan,bukod sa kung kaninong balikay nakatuntong.
Ang pagdedetalye ng mga sagot sa usaping ito ay mahalaga para linawing hindi naman basta feudal na pagyukod lamang sa nakatatanda at awtoridad ang ating ginagawa ni pagbibigay lamang sa tradisyon.
Halimbawa, ikinuwento ni Mrs. Bonifacio na mayroong gumawa ng thesis na nagpaoalagay daw na sinusundan ko ang pagmamanunulay ni Mrs/ Bomifacio. Na sa tuwing may gagawin siyang akda. hindi malayong may isusulat din akong ganoong akda. Gaya ng "Hiblang Abo," na ayon daw sa thesis ay mu;a sa mga taiuang matatanda sa dulang "TTaag-ani" ni Mrs, Bonifacio.
Ilang ulit ko nang naisulat ang mga bukal ng dulang "Hiblang Abo." gusto kong ulitin para ipakita ba iresponsable ang sumulat ng yhesis na iyon dahil mali ang kanyang datos.
Ang ideya para sa "Hinlang Abo" ay hango sa artikulo mi Aida Maranan, ang "Growing Old Gracefull," na inilathala namin sa Diliman Review. May iba pa akong influences, pero naisulat ko na at kinilala ang mga iyon.
Sa kaso ng "Dalawang Bayani" walang-wala sa isip ko ang dulang papet ni mrs. Bonifacio sa panahong sinusulat ko ang luwento. Kahit ang naunang dula ni Bien Lumbera na ni hindi pala ala, ni Mrs. Bonifacio ay hindi ko pinagkakautangan ng anoman.
Paanong masasabi ni Mrs. Bonifacio na siya ang inang nakaisip , kahit man lang sa larangan ng dula, na pagkomparahin sina Rizal at Bonifacio, gayong nalathala din at naranghal ang dulang "Bayani" ni Lumbera?
Gusto kong idiin na ang tinututulan ko ay hindi ang ideya ng pagtanaw ng utang na loon. Nais ko lang linawin muna bago ako magbayad ng utang, ano ba talaga ang inutang ko?

Guwapong Bukal ng mga Kuwento

Madaling-araw na nang ipakilala sa akin ni Tito Doc ang pinakabago niya barkada, ang artistang si Dante Balboa, na una kong nakadaup-pakad at gymanap sa aking dulang "The Bomb." Pero ibang Dante ang nakausap at nakilala ko. Bukod sa nakapantalon siya, (lagi siyang naka-bikini tuwing matutunghayan ko sa mga retrato) hindi rin siya ang Dante na halos di umiimik sa kabuuan ng pagtatanghal ng aking dula. Ang daldal niya; o sa mas tiyak na sabi, ang dami-dami niyang kuwento.
Nalaman ko na matagal-tagal na rin pala siyang nagsusulat ng script at mga dula (at sumasali sa Palanca). Napansin ko rin na ang mga pangynahing tauhan niya ay sunod sa iilang padron, Kundi bakla ay macho dancer. Dahil hindi ko napigil ang aking pagkamaurirat, isang araw ay napilitan akong itanong sa kanya kung siya ba a bakla. Hindi naman daw at iniwan na namin ang paksang iyon para ipagpatuloy ang kanyang bumubukal na pagkukuwento.
hanggang sa maikuwento niya ang ilang bahagi ng kanyang kabataan. Nalaman ko na, gaya ko, mula ron siya sa isang mahirap na pamilya. Pero mapalad siya dahil hindi mababakas sa mapuyi at makinis niyang balat ang latay at pilat ng pagdarahop.
Kaya nagsimula niyang maalala "kung gaano kami kahirap noon."
Nppng ang pantalong kaya lamang bilhin ng nanay niya para sa kanya ay jpgging pants. Na pilit niyang itinatago sa pamamagitan ng polong hindi naka ticked in. Pinagdidiskitahan siyang tyksuhin ng mga kaklaswng lalaki na pilit na itinataas ang kanyang po;o para palitawin ang garter ng suot niyang jogging pants. Malungkot din ang bises niya nang maalala na noong araw ni hindi siya hinahayaan ng tatay niya na siya ang mismong sumandok ng ulam mulas sa kaldero para matiyak na matitipid nila ang nilutong ulam.
Marami pang kuwento si Dante. Hinamon ko siyang isulat ang mga iyon sa isang aklat ng mga personal na sanaysay, na maaaring pamatang "Ang Hirap Namang Maging Guwapo."

Kontrobersya sa "Dalawang Bayani"

Nagpulong kami kahapon, Setyembre 25, ni Mrs. Bonifacio tungkol sa "Dalawang Bayani" sa opisina ni Dean Almario. Saksi sa pulong at taga-tape ng miting si Joey Baquiran. Ilang linggo na rin akong binabagabag ng usaping ito kaya mabuti na ring magharap kami ni Mrs. B.
Sinimulan ni Mrs.B. ang usapan sa pagbanggit ng isang thesis na pumapansin sa pagsinod ko raw sa kanyang career, gaya sa paggamit ng dalawang matandang taihan sa dulang "Tag-ani." Sinundan ko raw ito ng aking dula tungkol sa matatanda, ang "Hiblang Abo."
Sinabi rin niya na pagkaraan ng sandaang taong magkahiwalay na pagsusulat sa talambuhay nina Rizal at Bonifacio, gumitaw sa kanya ang ideya na paghambingin ang dalawa. Aniya, tila magkapareho ang kapalaran ng dalawam ultimo sa pagkakaroon ng panganai na pumanaw nang maaga. Hiniling ni Mrs. B na kilalanin sa aklat ko ang sinulat niyang dula (na nauna sa aking aklat).
Inamin ko namang isa sa kinikilala kong mandudula si Mrs. B. Nilinaw ko ring hindi mahirap sa akin ang tumanaw ng utang sa mga tao o akdaa na pinaghalawan ko ng ideya para sa aking akda (katunayan, kinilala ko ang mga ito sa aking aklat na (Im)Personal).
Pero itinanggi kong sa dula ni Mrs. Bonifacuo ko nakuha ang ideya ng "Dalawang Bayani".
Bagaman alam kong may nasulat siyang gayong dula, hindi ko pa nabasa (dahil hindi pa nalalathala) o napanood ang kanyang puppet play.
Sinabi ko rin na may ilang taong kong itinuro ang kursong PI 100 (Mga Akda at Buhay ni Rizal),
kung saan ang isa sa mga istratehiya ay paghahanbing kina Bonifacio at Rizal, gaya ng ginagawa ng maraming guro, Sinabi ko rin na marami ng manunulat ang tumalakay sa bagay na ito sa sanaysay, halimbawa ang mga akda nina Recto at Agoncillo (at isang buong koleksiyon ng sanaysay sa Contrary Essays na inedit ni Petronilo Daroy. Kung dula naman ang pag-uusapan, nauna kong nalaman at nabasa ang rock musical na "Bayani" ni Bien Limbera.
sa bamdang huli, sinabi ni Dean Almario na imumungkahi niya sa Adarna ang pagbabanggit ng akda ni Mrs. Bonifacio tungkol sa dulang "Dalawang Bayani," kung saan una niyang naisip ang ideya na paghambingin sina Rizal at Bonifacio at ginantimpalaan ng Palanca.
Nagtapos ang pulong na idinidiin ko na na niniwala ako sa prinsipyong give credit where credit is due, pero hindi sa kasong ito. Hindi ko sa dula ni mrs. Bonifacio nakuha ang ideya para sa "Dalawang Bayani."

Thursday, September 20, 2007

Maligayang Pagbabalik sa Mundo ni Tony Perez!

Nagkataon lang na napadaan ako sa booth ng anvil nang huling araw ng Bookfair. Hindi ko akalaing makikita ko roon ang isa sa paborito kong manunulat, si Tony Perez. Agad na pumasok sa isip ko na booksigning iyon para sa mga nanalo ng National Book awards ng Manila Critics Circle. Naroon din ang mag-asawang Mario at Alma Miclat. ilang sandali pa'y magkasunod na dumating sina Gwenn at Karina. Sinamantala ko ang pagkakataong bumili at magpapirma na rin ng bagong libro ni Tony, dalawang manipis na koleksiyon ng horror stories, ang "Maligayang Pagdating sa Sitio Catacutan."
Matagal ko nang paboritong awtor si Tony. Hindi lamang ako hanga sa laging matalino niyang pagkukuwento, nabighani rin ako sa ambisyon niyang maka buo ng isang "sistine Chapel ng mga salita," o isang katedral ng mga kuwento." kaya sa tuwing matunghayan ko ang panibagong akda ni Tony, pakiramdam ko' isang bahagi ng katedral ang napagtagumpayan na naman niyang mabuo. May laging matimyas na affinity sa akin ang mga manunulat na may dakilang ambisyon. At marahil iyon ang pangunahing dahilan kung bakit isa akong Tony Perez fan.
Muli, hindi ako nabigo sa pinakabago niyang aklat. Naroon pa rin ang dating halina ng mga hinahangaan kong paraan ng pagkukuwento. Mayaman sa detalye; hindi ka maliligaw dahil laging malinaw at makatotohanan ang heograpiya ng salaysay na nakadagdag sa pangingilabot ng mambabasa.). May sikolohikal na lalim ang mismong kuwento bukod pa sa mga tauhan. At laging may dating na kontemporaryo (di lamang dahil sa panahon, pati sa wika rin).
Idolo ko si Tony Perez, hindi lamang dahil sa pagsisikap niyang bumuo ng katedral sa pamamagitan ng wika. Isang katedral na masisilungan ng kaluluwa ko at ng iba pang mambabasa. Idolo ko rin siya dahil nilinang ng galing niya sa akin ang pananaghili na magsikap ding maging tagapagtayo ng katedral.
Salamat, Tony.

Tuesday, September 18, 2007

Ding, ang bato!

Nagkita ang grupong Darna kagabi sa Alba's. Gya ng nakagawian, lumamon at nagtsikahan lang. Namudmod ng mga bagong retrato si Lilibeth, nagpahiram ng mga lumang isyu ng Yes magazine si Gaying, si Rene'y nagdadaldal tungkol sa ginagawa niyang "Ligaya ng Angono," at si Joey, gaya ng dati ay nagmadaling umuwi para "makapagtahip ng bigas!"
Pero espesyal ang gabi dahil may bago kami kasama sa paglaklak ng bato, pagsigaw ng Darna! at paglipad sa iba'ibang kainan sa Metro Manila. Kasama na sa grupong Darna si Rollie, ang aming mapansinin at mabait na si Rollie. Sinisimulan na niya ang proyektong libro kung paano siya nangibabaw sa mga pagkatalo sa buhay ) Siyempre, siya lang ang nagpapalagay ng gayon.) Nakaka-39 pages na raw siya.
Gusto ang grupong Darna dahil hindi nito ipinipilit ang kahit ano sa kahit kaninong kasama namin. wala rin naman kaming mahalagang ginagawa kundi kumain at magkape. Pero ngayo'y, nadaragdag ang pagkokodakan at iba pang plano.
May kanya-kanya kaming buhay at interes. At hindi namin hinahayaang makasagabal iyon sa aming gana at pananabik sa isa't isa.

Monday, September 17, 2007

Ang Pagiging Tao

Isang minimithing kasanayan ng sinomang manunulat ang kakayahang lumikha ng isang kapani-paniwalang tauhan. Isang tauhang kagyat na makikilala ng mambabasa dahil totoong-totoo; hindi lamang parang may mahahawakang buto at laman, may maaaninag pang kaluluwa.
Kaya isa sa pinakamahalagang leksiyon sa larangan ng pagsulat ang paglikha ng kapani-paniwalang tauhan.
Maraming paraan pata magawa ito. Sa drama halimbawa, isang hamon ang paglikha ng three dimensional character. Isang tauhang binubuo ng mga katangiang panloob, panlabas, at pangkaligiran. Nakatutulong din ang paglikha ng talambuhay para sa nilikhang tauhan, lalo ang paglalagay ng detalue sa buhay na magbabasbas sa kanya ng kasalimuotan. Dahil pinaniniwalaang ang totoong tao kailan man, ay hindi payak; hindi pitch black o lily white.
Marahil dito rin nagmula ang paniwala na para maging makatotohanan at kapani-paniwala ang isang tauhan, kailangan nilang magkaroon ng mga kahinaan. Inilalarawan nating taong-tao ang isang tauhan kung siya'y may kahinaan, napadadala sa tukso, napasusuko ng mga pagkakataon, marunong tumanggap ng kayang mga pagkakamali.
Hindi alo lubos na sumasang-ayon sa ganitong pananaw sa tao. Bakit ihahanay ang pagiging tao sa pagiging mahina? sa pagkilala at pagdiriin sa kanyang mga pagkukulang at kahinaan? Hindi ba't ito ay mababa at mababaw na pagtingin sa isang tao?
Kung laging igigiit ang kahinaan ng tao upang patunayan ang kanyang pagkatai, ito ay tila pagkukulong sa tao sa kanyang katangian bilang hayop. Mabuti lamang siya ng kaunti sa isang langgam.
Sa akin ang pinaging tao ng isang tao ay nasa pagsisikap niyang igpawan ang kanyang kalikasan bilang hayop. Ang pagiging tao niya ay nasa kanyang pagtatangka na maging pinakamabuti, magkaroon ng matayog na ambisyon, mithiing dumanas ng lantay na ligaya; sa madaling sabi, nasa paggugumiit niya na maging isang bathala.
Sa paglikha ng tauhan, gawin nating selebrasyon ng pagsisikap maging dakila ang pagiging tao ng isang tauhan.

Saturday, September 15, 2007

Papel ng Awtobiografi sa akda

Ano ang papel ng sariling talambuhay sa pag-aakda?
Naitanong ko ito dahil naging paksa ng aming usapan sa aming ginagawang workshop. "Isusulat ko ang secrets ng mga kaibigan ko," naniningkit sa tuwang sabi ng isa. "Tiyak na hindi ako mauubusan ng material," sabad naman ng isa na tila nagbabantang sumulat ng trak-trak na libro.
Bago magkagulo, sinikap kong linawin ang gusto kong sabihin.
Una, mahirap iwasan ang paggamit sa mga detalye ng sariling buhay sa pagsusulat ng kahit ano.
Pero nagdududa ako na ang isang bagitong manunulat ay dapat magsimula sa mga bagay na personal o awtobiografikal. Batid ko ang katwiran kung bakit marapat magsimula sa mga bagay na personal. Mas kilala ito ng manunulat. Laging mainam ang magsimula sa mga bagay na pamilyar. Pero kadalasan, bukod sa pamilyaridad ay wala nang ibang pinanghahawakan ang manunulat. Higit sa lahat, maaaring sahol pa siya sa karanasan sa pagsulat kaya baka masayang lamang ang materyal. Sa akin, mainam na pagpraktisan ng isang manunulat ang mga bagay na hindi niya alam o wala siyang pamilyaridad.
Sa ganito, pipilitin siya ng di-kilalang materyal na manaliksik o pairalin ang kanyang imahinasyon. Isang mabigat na hamon lalo sa isang nagsisimulang manunulat ang pagtitimbang sa kung ano ang totoo at pagpapairal ng imahinasyon. Minsan, nagiging kampante ang isang manunulat dahil ang sinulat niya ay batay sa totoong pangyayari. Pero sa pagsusulat, naniniwala akong kahit ang katotohanan ay nararapat yumukod sa ngalan ng haraya o imahinasyon. Ang mundo ng akda ay hindi lamang mundo ng katotohanan. Higit sa lahat ito ay mundo ng sagimsim, ng panaginip, ng katotohanang lantay kahit hindi lantad.
Sa isang banda, hindi rin naman talagang maiiwasan ng manunulat ang paggamit sa mga awtobiografikal na materyal. Ito ay bahagi ng bawat himaymay ng kanyang pagkatao. Ito ang lenteng gamit niyang pananglaw sa mga bagay na kanyang namamasid at nadarama, kaya paano niya ito maiiwasan o maitatatwa?

Friday, September 14, 2007

Perfect Christmas Gift for 2007

Dati, gugawa ako ng maikling kuwentong pambata para may maipamasko sa mga kaibigan, lalo mga kasama sa weiters Bloc. Kapag buwan na ng Nobyembre, aligaga na ako sa pag-iisip ng bagong kuwento. Praktikal na gawain ito dahil bukod sa matipid (walang gagastahin kahit para sa wrapper), napakapersonal na regalo pa.
Pero ngayong taon, mas maaga akong nakapagdesisyon kung anong kuwento ang ireregalo ko sa malalapit sa akin. Nabasa ko kasi kagabi ang kopya ng pinakahuling librong-pambata ko mula sa Adarna house, ang "dalawang Bayani ng Bansa," pahambing na talambuhay nina Jose Rizal at andres Bonifacio. At napakaganya rin ng disenyo at ilustrasyon ni Joel jason Chua. hindi ako magugulat sakaling manomina ito para sa National Book Award for Children's Literature sa susunod na taon.
bakit ko itinuturing na perpektong regalo ito sa mga bata sa pasko/ dahil kinakatawan ng libro ang mga pangunahing paniniwala ko sa literatura. na ang ganda ng literatura, higit sa lahat, ay nasa aspektong pambayan nito. At kinakatawan ito ng libro dahil naniniwaka akong mabisang introduksiyon ang aklat sa pagpapakilala ng pagmamahal sa bayan.
Huwag sanang isiping pagbubuhat lang ito ng sariling bangko. Habang binabasa ko ang kuwento, napaluha ako sa madulang pamimili ng mga detalye sa buhay ng dalawang Ama ng lahing Filipino. Idagdag pa ang dramatikong kulay ng mga ilustrasyon.
Masasabo kong ito ang maituturing kong tunay na regalo ko sa mga kabataan ngayong taong ito.

Magsulat lang nang magsulat!

tawang-tawa ang estudyante nang sagutin ko ang tanong niyang Ano ang maipapayo ko sa isang nais matutong magsulat. Buong umaga niya akong kinukulit ng tanong na iyon, at hindi ko siya sinasagot dahil sa dalawang bagay. Una, may suspetsa akong wala lang siyang masabi para magpatuloy ang aming usapan, Pangalawa, hindi ko sinasagot ang mga tanong na walang kapararakan,
Pero nang sabihin niya sa aking balak niyang mag-aral ng pagsusulat at hindi niya kayang umalis ng bahay kung wala siyang baong ballpen at papel, pinagbigyan ko ang bata.
Inulit niya ang tanong nang may mahaba-habang pasakalye: Bilang guro, ano ho ang maipapayo ninyo sa akin para matuto akong magsulat? Sandali akong tumahimik paea pakiramdaman ang paligid. Nang matiyak kong seryoso pa rin siya sa kanyang tanong, tumikhim ako na parang si Rio Alma, bago nagsalita: Magsulat lang nang magsulat!
At muli kong ipinagpatuloy ang panatag na paghigop at pagbyga ng hininga habang pinakikiramdaman ang daloy ng init sa aking hita na halos hindi ko maigalaw.
Nanlaki ang mata niya saka napabunghalit ng tawa. "'yon lang ho? Magsulat lang nang magsulat?!"
Naitanong ko tuloy sa aking sarili kung tama nga ba ang sinabi ko. Pero paulit-ulit ko mang isipin, iyon talaga ang makatwirang payo sa isang nag-aaral magsulat o isang beginning writer. Just keep on writing. Magsulat nang parang hindi ka aabutin ng umaga. Magsulat nang walang patumangga.
Ito rin ang pinakamainam na payong natutunan ko mula kay Rio alma, na itinuturing kong ama ko sa larangan ng pagkamanunulat. Magsulat araw-araw. Huwag palampasin ang araw nang hindi nagsusulat, Kung hindi kayang gumawa ng isang bagong komposisyon, kahit magsagawa ng rebisyon, Ang panulat ay parang patalim na kailngang hasaing lagi, araw-araw kung maaari, upang manatili ang talas at talim.
Marami ang nagsisimulang manunulat ang binabagabag kaagad ng mga walang kuwentang problema ng pagsusulat, gaya ng Paano kayang makakasulat ng maganda o ng magugustuhan ng marami?
Ang isyu ng pamatayan o estetika ay makapaghihintay. Problemahin iyan kung regular na tong nakapagsusulat. Sa ngayon, pagsusulat muna ang siya mismong pangatawanan, Magsulat lang nang magsulat; huwag munang isipin ang anoman. Huwag bagabagin ang sarili nang anomang alalahanin. Ang mismong pagsusulat ay isa nang malaking problema. Bakit lalo pa itong pahihirapin ng kung ano-anongalalahanin? saka na problemahin kung ano ang isusulat, kung ito ba ay tama o mahalaga o maganda. Sa ngayon, basta maupo lang sa haeap nbg papel o kompyuter at simulan ang natatanging dapat mong ginagawa kung ikaw ay talagang isang manunulalat:Magsulat!
O, sulat na.

Wednesday, September 12, 2007

Cris, rehab attendant

Sigurado akong kabilang ang pangalan niya sa maraming pangalang ililibing ko sa limoy pagkaraan ng ilang linggo o buwan. kabilang siya sa maraming estudyante ng physical theraphy na tumutulong sa akin na manumbalik ang lakas ng aking katawan, matapos akong makaranas ng stroke noong Abril. Halos tuwing ikalawang linggo ay nagpapalit ako ng therapist.
Gaya ng dapat asahan, iba-iba sila ng ugali at pagkatao. Mauroong halos di mag-iwan ng impresyon dahil laging tahimik at magtanong man ay halatang para lamang mapunan ang kahingian ng kurso. May alam mong pagod na kaya walang gana. Maaaring may gustong makipaf-usap pero nauunahan ng hiya o takot o anomang nagpapaumid ng kanilang dila.
Pero iba si Cris. Bukod sa makuwento, born-again Christian siya kaya mabilis sumipi mula sa Biblia.
Kaya habang kinokoryente niya ang hita ko, may inaalala siyang Bible passage. Isinalaysay din niya ang kuwento ng dating pasyente sa National Orthophedic Hospital na inagaw ng sakit na cancer sa gulang na 21 taon. Humingi rin siya sa akin ng permiso na makapagdasal. Pumayag ako. Ngunit habang ginagawa niya ito, napabungisngis ako. Napahiya ako sa aking sarili at humingi ako ng paumanhin kay Cris. Naisip kong maaaring kapag may makakita sa amin ay baka isiping namamaray na ako kaya dinarasalan o binibigyan ng extreme unction. Bago matapos ang sesyon, humingi siya ng permiso na maawitan ako. Habang kumakanta si Cris, muli akong napahagikhik. Pagkaraan ng ilang minuto tapos na ang rehad session.
Hindi ako sigurado kung muli ko siyang makakaengkuwentro. Natitiyak kong mapalad ang mga magiging pasyente ni Cris, Hindi lanang siya nagsisikap manumbalik ang lakas ng kalamnan ng pasyente, sinusuhayan din niya ang humapay na lakas ng kanilang loob.

Monday, September 10, 2007

Charley 101

Charley 101 is an introductory course in playwriting. it is named in honor of Charley dela Paz, founder of PETA Writers Bloc. It is conducted by Rene O. Villanueva for five sessions every Saturday this September. The sessions which run from 2 to 5 pm are held in his place at 3-4 V. Manansala, Krus na Ligas. It is for free. Participants are encouraged to write a one-act play by October. Everyone is encouraged to attend.