Huling Hapunan ang ninanasa ng marami, bilang pag-alaala at pagpupugay sa La Ultima Cena ni Hesukristo. Ang mga nasa preso at sentensiyado ng silya-elelektrika ay pinag-iisiup ng last meal. Sugpo at alimango ang kadalasang kabilang sa pinakahuling putahe. Pero maitatanong kung ano ang saysay nito o paano ka masisiyahan gaano man kagarbo ang mga nakahaing pagkain, kung alam na alam mong makaraan ang ilang oras ay tepok ka na.
Kaya nakakaaliw ang sarbey na ginawa ng Time Magazine. Mga pinakasikat na chefs sa buong mundo ang tinanong nila kung ano ang ihahandang last meal para sa sarili. Kataka-takang ay gusto ng marami ay mga simpleng comfort food, pagkain ng kanilang kabataan. Pagkaing katambal ng lasa at alaala, hindi kailangang pabuloso o naiiba tulad ng mga pagkaing inihahanda nila at nagbigay sa kanila ng marangal na reputasyon.
Kaya naisip ko ang pangarap na Noche Buena para sa mga Filipino. Bakit Noche Buena? Dahil ito ang pinaka-espesyal na salo-salo sa pamilya natin. Ito ang salo-salong tiyak na pinaghahandaan ng lahat, me pera man o wala.
Noong araw, ang Noche Buena sa akin ay hindi kumpleto kung walang isang puswelo ng mainit na tsokolate (mas ispesyal kung Hershey's pero ubra na kahit Ricoa o Serg's ng aking kabataan, Siyempre, bukod sa tsokolate, kailangang mayroon ding ilang hiwa ng hamon at ilang piraso ng hotdog. Nang itanong ko sa sarili ko kung bakit gayon ang naisip ko ay dahil iyon ang noche buenang pinakamadaling ihanda ng pamilyang gaya namin. noong araw na nakatira pa kami sa isang entreswelo sa La Loma. Isang pamilya na walang pera at walang panahong magluto. Dahil laging may tinatapos na tahiin si nanay, lasing kundi man tulog si tatay, wala sa bahay o mahimbing ang tulog ng mga kapatid ko, at tanging ako ang gising dahil kailangang tumulong sa paglililip kay nanay.
Nang simulan kong pag-isipan ang pangarap kong Noche Buena, nagulat ako sa sarili ko. Hindi lang pagkain ang naisip ko; katunayan, hindi iyon ang unang pumasok sa isip ko kundi kung sino-sino ang makakasama ko sa pangarap kong salo-salo bago sumpit o kasabay ng pagpitada ng Pasko.
Siyempre, masarap makasama ang lahat ng kamag-anak sa huling Noche Buena. Pero hindi iyon totooo. Kahit sa mga kamag-anak ay mayroon ding natatangi. Kaya ang pipiliin ko ay ilan lang sa kanila. Dapat na kasalo ko roon si Luna, dahil siya ang una kong apo, ang tubo sa aming mga puhunan kung baga. Nandoon din si Ann, Gusto ring kasalo sina nanay at tatay. Kung papayagan pa akong magsama ng isa o dalawang tao, marahil isasama ko sina Tanya at Yasmin. Dapat linawing hindi ibig sabihin ay sila lamang ang gusto kong kasalo. Pero kung limitado lang ang puwedeng makasama sa mesa, sila ang gusto ko kasama at hindi ko kailangang magpaliwanag kung bakit.
Ngayon, ano ang gusto kong ihanda o kainin sa pangarap kong Noche Buena. Siyempre, dahil noche buena, inaasahan nating umaapaw ang mesa sa kung ano-anong masarap na putahe bukod sa mga nuts at prutas na panghimagas. May ilang partikular na pagkaing hahanapin ko. Una, dapat may mechadong baboy - 'yong sagana sa tomato sauce at nangangapal sa taba. sana, mayroon ding paksiw na pata at dinuguang ulo ng baboy. Maghahanap din ako ng fruit cake, na maraming nuts at glazed fruits. Saka mainit na puswelo ng tsokolate, bilang pagwawakas ng noche buena, kasabay ng isang piraso ng ham sandwich.
Hindi kumpleto ang okasyon kung walang exchange gift pagkaraan, habang tumutugtog ang mga paborito kong Christmas carols.
Kayo, ano bang pangarap ninyong Noche Buena?
Tuesday, November 13, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
swiss miss lang na may marshmallows. at croissants:)
Post a Comment