Hindi na raw kagandahan ang Pilipinas nang ipanganak ako at lumaki rito noong malaking bahagi ng dekada '60. Di tulad, halimbawa ng alaala ni Chitang Nakpil sa Maynila, noong bago mag-ikalawang digmaang pandaigdig. Kay-ganda raw ng Maynila! Pero binomba ito ng mga Amerikano sa pagtatapos ng giyera upang mapalayas ang mga Hapon.
Di ko man nakita ang sariwa at walang pingas na ganda ng Pilipinas, napaibig pa rin ako nito. Noong '79s, nagkaroon ako ng maraming pagkakataong malibot ang maraming bahagi nitoi: Sulu, Cagayan, mga pulo sa Bisaya, maraming liblib na bahagi ng Luzon. At di man siya kagandahan, napaibig niya ako. Minahal ko siya.
Pero sa pagdaraan ng mga taon, pasama nang pasama ang lagay niya. Papangit siya nang papangit.
Kung noo'y naglisaw sa Maynila ang mga barung-barong ng iskwater, napalitan ito ng mga tapal ng karton at yero na nakadikit sa mga pader o gilid ng maburak na kanal. Ngayo'y halos nasa bunton na ng basora at layak ang mga tao. Marami ang wala nang bahay.
Ang ipinaghihinagpis ko'y wala akong magawa. Tulad ng marami kong kababayan. Naniniwala akong may hangganan din ang aming pasensiya. Pero padalas nang padalas ang tanong ko sa Diyos: Hanggang kailan? Hanggang saan pa ang aming ipagtitiis?
Gaano kapangit namin mababata ang kinasadlakan ng bayan naming mahal, bago kami kumilos?
Thursday, October 25, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment