Una, kailangan mong humakbang palayo sa mga bagay na nagbibigay sa 'yo ng di-mumunting lugod. Kailangan mong kumbinsihin ang iyong sarili na ang dating nakasisiya sa iyo ay wala nang halaga; na hindi ka na napupukaw ng mga bagay na nagpapangiti sa iyo, o pumapawi sa iyong lumbay. Ibana ang epekto ng mga bagay.
Kailangan mo ring aminin, totoo man o hindi, na nagbago ka na. Parang batang biglang nagdiwang ng kaarawan at natagpuan ang sarili na mas malaki kaysa dati. Maraming pagbabago sa katawan ang kailangan pang makasanayan, gaya ng balahibong- pusa sa nguso, buhok sa kilikili, o pagpiyok ng boses. Sapagkat ang dating ikaw ay hindi na siya. Bigla, naging ibang tao na. Ang kaibigan niya ay hindi na niya kaibigan ni kakilala ngayon. at gayon ka rin. Ikaw ay naging estranghero sa kanya at sa sarili mo.
Ito ang mga bagay na umuukilkil sa isip ko habang binabagabag pa rin ng isipin kung ano talaga ang nangyari kay Min. Pero ang totoo, binabagabag ako ng alaala ng dating kaibigan, ni E.
Sa pagtalikod kasi sa dating kaibigan, hindi sapat ang humakbang lang palayo. Kailangang maghukay sa lupa upang ilibing isa-isa ang bawat titik ng kanyang pangalan, o ng sarili mo. dahil ang pagtalikod sa kaibigan ay halos katumbas ng pagkitil sa sarili. {arang pagpapatiwakal.
Noong araw pa, talos ko nang ang pinakamahalagang relasyon sa ating buhay ay ang pakikipagkaibigan.
Mas mahigit pa ito kaysa kapatid, asawa, o anak. Ang magkapatid ay pinagbuklod ng dugo; hjindi nila pinagpasyahan, aksidente lang ng genes. ganito rin sa anak at magulang. Ang sa asawa ay iba naman. Pinili mo nga. Ngunit sa sandaling piliin mo, wala ka nang kawala. Para kang makukulong sa ugnayang iyon. Literal kang "nakatali" sa ugnayang mahirap talikuran dahil pinagbuklod ang mag-asawa ng ritwal. Kaya ideyal na ugnayan ang kaibigan dahil kahit walang pagbubuklod para kayong isa. At hindi kayo nakatali para patuloy na maging magkaibigan. Kahit anong oras o sa anong dahilan ay maaaring mapatid ang ugnayan, pero pinili ninyong maging magkaibigan. Ang dalawang tao ay hindi kinakailangang magkasama o magkalapit para manatiling magkaibigan. anumang oras ay maaaring tumalikod o humnakn\bang palayo ang isa't isa, pero hang hindi kayo nagpapasyang gawing iyon, mananatiling naroon ang matibay at di-nakikitang lubid na bumibigkis sa dalawang tao.
Kaya aminin ko man o hindi, hanggang ngayon ay lihim kong iniluluha, ipinagluluksa si E.
Thursday, November 15, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment