Kagagaling ko lang sa Department para magsumite ng silabus bilang paghahanda sa pagbubukas ng semestre. Excited ako sa pagbubukas ng klase dahil, unang-una, matutuloy ang pagtuturo ko. Akala ko ay tuluyan na akong gagarahe mula sa pagtuturo dahil sa dinanas kong stroke noong Abril. Sa hinaba-haba ng kuwento, nabigyan ako ng medical clearance at ngayon ngang second sem ay makapagtuturong muli. Binigyan ako ng department ng apat na kurso: MP 174 o introduction to playwriting; MP 10 o Malikhaing Pagsulat; at Humanidades 1 o ugnayan ng lipunan at panitikan.
Mga asignatura silang dati ko nang itinuturo, kaya binago ko ang silabus. Kailangang palitan ko ang paraan ng pagtuturo ng mga kursong ito para maging kapana-panabik sa akin ang pagtuturo. Isa sa nakalulungkot sa mga gurong matagal nang nagtuturo ng iyon at iyon ding kurso ang panghihinawa sa kurso. Nababawasan, kundi man nawawalan ng hamon ang pagtuturo, kaya ang buong gawain ay nagiging mekanikal. Isang paraan para maiwasan ang ganito ay ang kada semestreng pagbabago ng silabus. Maaaring palitan ang pamamaraan. Maaaring baguhin ang mga babasahin at sanggunian. Maaari ding palitan ang buong pananaw at aealing nakapaloob sa kurso.
Pero, kahit di ako magpalit ng silabus, laging kapana-panabik sa akin ang pagbubukas ng klase. Laging kapana-panabik kasi sa akin ang makadaup-palad ang panibagong pangkat ng mga tuturuan. Tinitignan ko ang bawat klase bilang panibagong pangkat ng magiging kaibigan at kapanalig sa mga bagay na minamahalaga ko, lalo na ang pagsusulat at pagiging patay na patay sa panitikan,
Madalas namang pinapalad ako sa layong ito, dahil tuwing semestre may isa o dalawa, kung minsa'y marami pa, na nagiging kaibigan ko at kapalagayang-loob. Ito, sa akin, ang tunay na ligaya at biyaya ng pagtuturo. Ang makatagpo ng mga kasapakat sa pangarap. Ang makakilala ng mga bagong kasalo sa panaginip. Ang matagpo ng mga bagong kaibigan sa panitik.
Kasing-halaga ito ng realisasyon na ako naman pala'y normal, tulad ng iba: nagmamahal at humahanga sa kagilagilalas na mahiya ng wika; at naiiyak sa kagandahan ng mundo, gaano man karimarimarim ang paligid.
Wednesday, November 7, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment