Madalas kong pag-isipan kung paano ang pinakamabisang paraan ng pagsulat ng blog, hindi lamang para mas marami ang maengganyong magbasa nito kundi, mas mahalaga, bilang mabisang paraan ng pagpapahayag ng sarili. Dapat isaalang-alang sa ganitong paghahanap ng anyo ang ilang kalikasan ng midyum at ugali ng mambabasa. Halimbawa, importanteng bawat blog entries ay maikli lamang. Maaaring basahin sa isang pasada at isang upuan. Kailangang makintal ito sa isip ng mambabasa sa loob ng maikling panahon. Importante ring mahalagahin ito ng mambabasa, bukod sa pagiging mahalaga nito siyempre sa manunulat.
Naalala ko ang anyo ng haibun na tinalakay minsan ni Reuel Aguila sa klase, Ang haibun ay isang paraan ng pagtulang- Hapon, malapit sa paggawa ng haiku. Pero mahirap ko itong magawa dahil hindi ako makata. Kahit sa "konting-bato, konting-semento" na uri ng pagtula ay pupugak-pugak na ang diwa ko't dila.
Pinakamadali sa akin ang pagbuo ng mga personal na sanaysay, maiikling palagay o karanasan sa buhay na maaring, kapag pinagsama-sama, ay makabuo ng gaya ng ambisyon ni Tomy Perez, "isang sistine chapel ng mga salita." Isang magarang kapilya, kundi man isang katedral ng wika.
Naalala ko tungloy ang manipis na bungkos ng sanaysay na isinumite ng nasirang Roger sikat para ilathala ng Diliman Review. dahil sa aking kabataan o katangahan, maaaring pareho; buong kaungasan kong inayos sa kronolohikal na pagkakasunod-sunod ang mga sanaysay. tandang-tanda ko ang galit ni Roger nang malathala ang mga iyon, hindi sa paraan ng pagkakayos niya kundi ayon sa pagkakasunod-sunod ko.
Alam kong napatawad na ni Roger ang aking malaking kahunghangan; pero hindi ko pa rin napapatawad ang kawalan ko ng muwang hanggang ngayon. Marahil, lalo pa ngayon.
Monday, October 29, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
panu poe bah gumawa ng tanaga ,haiku,singkian?
Post a Comment