Dumalo ako sa takayan ng PETA Writers Pool kaugnay ng binubuong dula tungkol modernong adaptasyon ng Noli at Fili. Kapanapanabik ang premis ng proyekto. Kung ngayong isusulat ni Rizal ang tungkol sa kanser ng lipunan, ano kaya ito? Sa dinami-rami ng suliranin ng lipunang Filipino, tiyak na magpipista ang sinomang susulat sa pamimili kung ano ang balakid sa pag-unlad ng bayan.
Sabihin pa, malaki ang pagkakaiba noong siglo 19 nang sulatin ni Rizal ang kanyang dalawang nobela at ngayong kasalukuyang milenyo. Noon, hindi madaling tukuyin ang kanser dahil hindi malaya ang bayan. Maaaring ngayon ay mayroon na tayong kalayaan ngunit hindi nito pinadadali ang pagtukoy kung anong kanser mayroon tayo.
Ayon sa nobela ni Rizal ang kanser na inilalantad niya ay ang paghahari ng Simbahan, ng mga prayle, at ang pananaig ng kamalayang kolonyal, maging sa mga katutubo. Sa senaryo ni Dr. Nicanor Tiongson, ang naatasang gumawa ng dula, ang kasalukuyang kanser na humahadlang sa pag-unlad ng bayan ay hindi lamang ang talamak na korupsiyon na bumubulok sa lahat ng antas ng lipunan, kundi ang kamalayang makasarili ng kahut anong partido o kilusan, maging sa kanan, kaliwa o sa gitna. Nailahad niya ito batay sa naratibo ng daluyong o baha, gaya ng naganap sa Infante, Quezon o sa Ormoc, Leyte.
Sabihin pa, malusog ang pananaliksik ni Dr. Tiongson. Natitiyak naming magiging tagumpay hindi lamang ang pagtatanghal ng dula, kundi ang pagpapamulat ng akda sa mga Filipino sa tunay na dahilan ng ating pagkalugami.
Thursday, November 22, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
salamat sa pagdalo, rene. punta ka pa parati. nasindak kami, natuto at nag-enjoy sa 'yo.
Post a Comment