Wednesday, November 21, 2007

Hamon ng Pagiging Mandudula

Akala lamang ng iba ay madali ang maging mandudula. Pero tulad ng klasikong sigaw ni Carlo Aquino kay Vilmna santos sa isang pelikula, "Pero hindi, hindi, hindi!"

Ang totoo marami ang nag-aakalang madali lang ang gawaing pagmamanunulat. Gaya ng impresyon ng aking mga kaibigan, pasulat-sulat lang ay kumikita na. Ilang oras lang na tutunganga sa harap ng makinilya o kompyuter, pera na. Pero gaya ng ibang akala, hindi totoo iyon at malayong-malayo sa karanasan ng mga manunulat.

Huwag na nating busisiin pa ang hirap na dinaranas ng isang nais maging makata, kuwentista o mandudula.Bukod sa pisikal na aspekto ng gawain ng pagmamanunulat (hindi madaling tumunganga sa harap ng kompyuter, makinilya o kahit pa ng blankong papel), lagi ring nakataya ang kaluluwa (pagkatao) ng isang writer tuwing siya ay aakda.

Higit pa rito ang kailangan sa pagiging playwright. Sabihin na nating nairaos ng dramatista ang akda. Maaaring nakasulat siya ng mahilab-hilab na dula, kahit maikling dula na siyang uso ngayon. Hindi pa rin maaaring maging tiyesong-tiyeso ang buhay niya. Hindi sa pagsusulat natatapos ang kanyang gawain bilang manunulat.

Di tulad ng makata at kuwentista na paglalathala na ang dapat isipin, ang mandudula ay haharap muna sa hamon ng pagtatanghal. Sa paghanap ng pagkakataong maipalabas ang sinulat niyang akda.

Panibagong kasanayan, talino, o koneksiyon ang kailangan para dito. Una, sa paghahanap ng pagkakataon at grupong magtatanghal sa iyong dula. Alam nating hindi marami ang ganitong pagkakataon. Kaya dapat sunggaban ng mandudula bawat pagkakataong makita niya.

May ilan lang na teatrong pandulaan sa Pilipinas. Sa mga ito, ilan lang ang regular na nagpapalabas o may season. Sa may regular na season, ilan ang laging naghahanap ng bago o orihinal na dula? Hindi kataka-takang iilang mandudula lang ang naipakikilala sa publiko taon-taon.Hindi rin kataka-taka kung mas marami sa mga nais maging playwright ang magkasya na lang sa pagiging mandudula sa isip, o sa pamamagitan ng mga grupong amateur(ibig sabihin, walang pera, kulang sa karanasan o talino, at walang manonood).

Kaya mahirap asahang kikita ang isang mandudula mula sa pagtatanghal ng sinulat niya. Baka mas malamang, siya pa ang gumastos. Bukod sa pakikiusap na itanghal naman ang nasulat niyang dula.

Dito sa unang hakbang pa lamang ay mahirap nang makalusot ang kahit sinong nagnanais maging mandudula. Kaya sa ibang pagkakataon ko na itutuloy ang hirap na kailangang danasin ng isang manunulat bilang playwright.

Sapat ng sabihing ito ang dahilan kung bakit napakakonti ng mamdudula sa entablado sa kasalukuyan.

2 comments:

Unknown said...

O diyos ko, bakit ba ako nasa linyang ito? Kasalanan mo ito, 'Tay!

wisnu broto said...

opopopopo