Nangyari na ang kinatatakutan ng marami. Isang dose anyos na batang babae ang dahil sa sobrang hirap at kawalang pag-asa ang pinagdimlan ng paningin at nagbigti kahapon sa lungsod ng Davao. Bagaman katatapos lang ng mga balita ni Presidente Arroyo tungkol sa patulkoy na papagandang kabuhayan ng mga Filipino, inako kaagad ng gobyerno ang responsabilidad sa pangyayari.
Matinding sumbat sa ating lahat ang pagbibigti ni Mariannete. Maaaring ang lubid ang kumitil sa kanyang hininga, ngunit sino ang nagsabit niyon? Sino ang nagtali niyon sa kanyang leeg?
Hindi paghahanap ng masisisi ang dahilan kaya kami nagtatanong. Nililinaw lang namin na tayong lahat ang namatayan at nararapat lamang manggipuspos sa pagkaputi ng buhay ni Mariannete.
Nagbigti si Mariannete dahil hindi na niya natagalan ang matinding paghihirap ng pamilya. Laging kapos sa pagkain, hindi makapag-aral nang maayos, maysakit ang amang pana-panahon lang kung makapagtrabaho at kumita. Sumulat siya sa programang Wish Ko Lang ng GMA, pero huli na bago mapagbigyan ang hiling niyang bag, pagkain at trabaho para sa tatay. Nakapag-iwan din siya ng diary kung saan niya naipagtapat ang matinding kawalan ng pag-asa at paghihirap.
Laging nakaliligalig ang wala-sa-panahong kamatayan ng isang bata. Lalo ang pagpapakamatay ng isang gaya ni Mariannete.
May suspetsa kaming hindi lamang matinding kahirapan ang nagtulak sa kanya para kitlin ang sariling buhay. Totoong mahirap ang buhay ng marami. Pero hindi ito sapat na dahilan para magpakamatay ang isang bata.
Mas nakatatakot at nakababahala ang kawalang pag-asa. Ang matinding desperasyon. Ang pagsuko. Ang kawalan ng lakas, hindi ng katawan para kumilos, kundi ng kamalayan para lumaban, para mangarap na hindi lalaging madilim ang buhay. Hindi sa tuwina ay kukulo-kulo ang sikmura at ikinahihiya ang pakikisalamuha sa iba na higit na mapalad kaysa sa sarili.
Ito ba ang trahedya ng ating panahon? Ang makitang hindi maatim ng ating mga anak ang patuloy pang mabuhay. Ang malamang mas gusto pa nila ang mamatay, kaysa mabuhay sa pagkahirap-hirap na lipunang siya lamang nakayanan nating ihanda para sa kanila.
Thursday, November 8, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment