November Blog
November 8, 2007
Mapalad na Mambabasa
Kasabay ng pagbubukas ng klase, gusto kong pagpugayan ang mga tao at akdang humikayat sa akin upang mahilig sa pagbabasa. Pagbabasa, sa palagay ko ang isa sa susi ng pagkiling ng interes ko sa pagsusulat. Kundi ako naging mambabasa, hindirin ako marahil naging manunulat. Nang matuto akong bumuklat ng mga pahina, hindi lamang iba-ibang mundo ang binuksan nito para sa akin. hindi lamang bumukas ang pinto ng mga bagong karanasan para sa akin.
Nang bumukas ang pinto, nilamon ako nito nang buong-buo. Wala akong kamalay-malay, sa simula, na nilululon na pala nito ang buong pagkatao ko, pati ang kaluluwa ko. Pero hindi ko ito pinagsisisihan. marahil, karapat-dapat sabihing ito ang bumago sa direksiyon ng buhay ko. Ito ang nagligtas sa akin, tawanan man ako ng iba at marami, sa pagiging karaniwan. Pagbabasa angnagpatuklas sa akin na mayroon pala akong kaluluwa. Pagbabasa ang unang kumumbinsi sa akin na, sa pamamagitan ng aking isip, ay makalilipad pala ako, at makararating sa kung saan-saang lupalop.
Unang-una akong dapat pasalamat sa nanay at tatay ko. Kamangha-mangha na silang mga di-gaanong mataas ang pinag-aralan ang nagpunla sa akin, sa aming limang magkakapatid, ng habang buhay na paggalang sa pag-aaral; ng hilig sa libro at pagbabasa.
Natataandaan ko, wala kaming mga libro sa bahay. Ni wala kaming maliit na shelf para lalagyan ng libro. Pero tinuruan ako ni nanay na magbasa at magsulat. Hindi basta tinuruan, kundi binantayang matutong magbasa at magsulat. Katabi ko siya habang unti-unti kong tinutuklas ang tunog at kahulugan ng bawat titik sa pahinang hawak ko. Katabi naman ni nanay ang payat na pamalo, panghampas sa akin tuwing magbabawa ang atensiyon ko sa ginagawa o tuwing sa palagay niya ay pumapangit ang aking pagsusulat ng mga letra.
Mapapaiktad ako. Mapapaaray. Lihim na pangingiliran ng luha. pero ang lahat ng sakripisyo ay sa simula lamang pala. darating ang panahong hindi na ako kailangang bantayan ni nanay. Nakakabasa at nakakasulat na ako sa sarili ko. Malaya na ako sa kanyang pagbabantay. Malaya na ako sa payat na pamalo dahil kusa kong pinagbubuti ang pagbigkas para maintindihan ko ang binabasa ko at pinagaganda ang hagod ng aking pagsulat para madaling mabasa ninoman.
Si tatay naman ay mahilig sa pagbabasa ng Liwayway. Kung si nanay ang nagpakilala sa akin ng mga titik at tunog, si tatay naman ang nagpakilala sa akin ng mga kuwento at tula. Hindi siya nagbabantay o namamalo. Nagbabasa lang sa isang sulok. Minsa'y bumibikas nang may bahagyang lakas para tapunan ko ng tingin at matanto ang kakaibang ligayang tila nadarama niya tuwing magbabasa ng tula. At sa batang puso ko, noon unang umusbong ang inggit. Nainggit ako sa kasiyahang nadarama ni tatay. Gusto ko ring makangiti nang ganoon. Hanggang sa nahilig din akong bumasa ng mga tula at kuwento.
Noong nasa ikalawang baitang ako, paborito ko ang libro ng mga kuwento tungkol kay Rizal. Manghang-mangha ako sa kuwento ng tsinelas niya na hinayaan niyang maanod ng tubig ang kapaa upang pakinabangan ng isang batang mahirap, sakaling matagpuan. Ito ang unang kuwentong Rizal na unang bumighani sa akin sa kadakilaan ng ating bayani.
Isang Golden Book na ang pamagat ay "Goliath" ang una kong children's book. Kuwento ito ni Goliath, isang pandak na elepante na ikinahihiya ng kanyang ama dahil kahit mga simpleng gawain ng karaniwang elepante (gaya ng paliligo nang mag-isa) ay hindi niya kaya. Pero siya ang lumaban sa isang dagang nagsisiga-sigaan sa kawan ng mga elepante. Kaya sa huli, buong pagmamalaking binuhat ng ama niya si Goliath upang sabihin sa lahat na "'Yan ang anak ko!"
Proud na proud rin siyempre ang nanay niya.
Buhay ni Rizal ang una kong libro. o mas tamang sabihin na una kong serye ng mga libro. Tuwing tutunghayan ko ang buhay niya sa marami at iba-ibang pagkakataong mulang pagkabata, lagi akong naaakit at namamangha, at nauudyok na gawin iyong timbulan ng sarili kong buhay at mga ideyal.
Sa kolehiyo, tinatanaw kong malaking utang na loob ang pagpapakilala sa akin ng maraming akda ng guro kong si Miss Cora Ignacio (wala akong ideya kung nasaan na siya ngayon). Manghang-mangha ako nang sa loob ng isang semestre, naengganyo niya kaming magbasa ng maraming klasikong akda, kabilang ang War and Peace, The Red and the Black, Brothers Karamasov, Don Quixote, at isang makapal na textbook sa literatura, bukod pa sa maninipis na mga nobelang ihinabol niya, ang Johnathan Livingstone Seagull at Little Prince, na bakasyon na nang matapos kong basahin.
All-time favorite kong nobela ang Noli Me Tangere na ilang ulit ko mang basahin ay lalo lamang tumitingkad ang paghanga ko. Ganito rin ang epekto sa akin ng Iliad, na ulit-ulit ko ring hinangaan, at, marahil, prinsipal na dahilan ng panghihinayang ko na maging makata.
Hanggang ngayon, patuloy ako sa pagtitiyagang magbasa, gaano man kahirap dahil sa kalabuan ng aking paningin. Naluluha pa rin ako sa magagandang kuwento, sa mga eksena ng tagumpay, sa kabutihan ng tao, sa kapangahasan ng pangarap, at sa katotohanan ng imahinasyon.
Pagiging mambabasa ang umakay sa akin sa mundo ng pagmamanunulat.
Wednesday, November 7, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Nabasa ko ang iyong sinulat ngayong ako naman ang nag-iisip ng isusulat para sa aking binabalak na munting nobela para sa thesis. Nawawalan ako ng direksyon, Rene. Pero naalala ko ang payo mo sa akin noon, ang sabi mo sa akin, "Ang hiling ko sa iyo, hindi maging magaling na manunulat kundi maging matibay na manunulat, I want you to be tough." Hindi ko man naintindihan noon ang ibig sabihin mo ng "tough," nag-agree naman ako. Ngayon gusto kong magsulat at nakakapagsulat naman ako, kaya lang tila walang patutunguhan. Isang bisita lamang sana sa iyong bahay at mapapayuhan mo na ako ng mga dapat gawin, uuwi akong may magkahalong babala at encouragement. Bubuksan ko ang computer at magsusulat, at kung hindi makapagsulat, magbabasa-basa, madalas malilinga sa ibang gawain dahil hindi ako bilib sa sarili. Nakakamiss ang mga usapan natin, noong naramdaman ko sa pagsasalita mo na hindi ganoon kahirap magsulat at kung nahihirapan nama'y ganoon lang talaga ang dapat kong maranasan. Ang tagal na rin ano? parang kailan lang. Bagama't duda akong naging mahalaga ako sa buhay mo, patunay lamang itong nararamdaman ko ngayon sa pagbabasa ng iyong blog na mahalaga ka sa akin. Gumagaan ang pagsusulat kahit papaano, ngayong nalaman ko na ang iyong mga sinabi pala sa aki'y sinasabi mo rin sa iyong sarili.
Post a Comment