Galit na galit ako ngayong umaga, nang marinig kong binigyan ng pardon si Erap. Ang masama, alam kong pagkaraan ng ilang araw o linggo, lilipas din ito. Huhupa ang galit. Mawawala.
sanay na ako sa ganitong pakiramdam. Ilang ulit ko nang naranasan ang galit na ganito. Nagalit ako noong panahon ni Marcos. Nagalit ako noong paslangin si Ninoy. Nagalit ako nang matuklasang si Erap pala si jose Velarde. Nagalit ako sa mga pangungurakot ng mga pulitiko. Nagalit ako sa marami at talamak na paghihirap ng aking mga kababayan. Paulit-ulit akong nagalit. Pero paulit-ulit ding humupa ang galit ko hanggang sa makasanayan ko ang mga pangyayari.
Hindi na ubra ang ganito. Kailangan kong matagpuan ang galit na masusustenahan ko hanggang matagpuan ko ang pagkakaayos ng lahat. Iyong galit na magtatagal at hindu huhupa hanggang maibalik sa mga Filipino ang dangal nilang niyurak-yurakan. Hanggang umiral muli kung ano ang tama at dapat.
Tama na ang galit na nanggagalaiti ngayon, pero mapagparaya bukas. Tigilan na natin ang galit na pabuga-buga. Nakakapagod rin ang magalit nang pana-panahon.
Thursday, October 25, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment