Sinusulat ko ito'y naglalagablab sa isip ko ang mga sama ng loob ko kina nanay at tatay na kailangan kong iwaksi upang mapahalagahan ko ang tunay na pagmamahal nila sa akin.Ang pagliit ng tiwala ko sa sarili habang lumalaki, habang nagkakagulang. ang lagi kong pag=aapuhap ng atensiyon, at kalinga; huwag nang banggitin pa ang pagka-uhaw ko sa lambing, haplos, mahinahong salita, kahit walang-halong-bulyaw na pagbanggit sa aking pangalan.
Hanggang ngayo'y nagsisikip ang dibdib ko sa tuwing maaalala kung paanong napapayuko ang aking mara sa tuwing maririnig ko ang aking pangalan. Dahil tiyak na hudyat iyon ng may mangyayaring masama. nasanay na akong sa tuwing tatawagin ay para pagalitan, para sisihin, para pamukhaan ng kakulangan ko sa anomang kakayahan. Ang Reny ay naging kasingkahulugan sa akin ng kasalanan, pagkakamali, pagkalimot o pagkukulang.
Matagal bago ko natanggap at naunawaang ganoon ang paraan nina nanay at tatay ng pagpapadama ng pagmamahal. Kung noong araw ko naisip ang ganoon, hinding-hindi iyon matatanggap ng dibdib kong parang sasabog sa pagpipigil, o ng bibig kong gustong-gustong magpalahaw pero nakukuha lamang sumibi-sibi. Mahirap maunawaan ng bata ang ganoong uri ng pagmamahal.
kaya mas karaniwang natatanim sa dibdib niya ang galit, ang pagkamuhi, ang kawalang-tiwala sa sarili. Kung minsan, mula rin dito sumisibol ang maling uri ng pag-ibig, ang sadismo o kalupitan sa kapwa. Bihira din sa taong nakaramas ng kalupitan sa murang gulang ang hindi pinagsasangahan ng paghihiganti. Kung nakaranas ka ng pang-aapi ay nais mo ring iparanas ang ganoon sa iba. Ang galit ay nagluluwal ng galit; ang poot ay umani ng poot. at ito ang kasuklam-suklam na bunga ng lisyang pagmamahal ng magulang sa anak. Nag-aapo ito ng higit sa isang henerasyon ng ngitngit. Nagluluwal ito ng suson-susong kalupitan.
Madalas, ang salinlahi ng galit at kalupitan ay natatapos lamang sa pagkapugto ng hininga.
Thursday, November 1, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
:(
Post a Comment