Napatda ako ng ilang sagli nang itanong iyon sa akin ng aking kaibigan. Sa maikling panahon, biglang nagbalik sa akin ang marami kong mga balak noong araw na natupad at di natupad. Hindi ko maiwasang magpanic. Hindi ko akalaing mag-aapuhap ako ng isasagot.
Hindi dahil sa naubusan na ako ng mga balak o pangarap, tinantiya ko lang kung hindi matatawa ang aking kausap. Una, dahil ang mga pangarap ko'y hindi na para sa sarili. Pangalawa, hindi katulad ng dati na walang gatol kong nasasabi ang mga hinahangad ko para sa akin, ngayong parang malabo o masyadong malawak ang mga gusto ko. Hindi ko matukoy dahil ang totoo'y hindi ako sigurado kung paano tukuyin.
Dahil may suspetsa akong hindi na magtatagal at ang aking kalusuga'y susuko sa anyaya ng pagpapahingalay, minabuti kong huwag nang mag-isip ng kung ano-anong balakin para sa aking sarili. Bagaman napakahirap gawin dahil hindi basta-basta maiwawaksi ang mga paghahangad,paulit-ulit ko itong sinisikap. Ayaw ko nang gumawa ng malalaking balak. Ayaw ko nang bumuo ng malalaking pangarap. Itinatalaga ko ang sarili sa kung anoman ang sumapit, sa kahit ano ang dumating. Sa isang banda, mabisang paraan ang gayon upang makaiwas sa mga di-inaasahang bigwas ng pagkabigo. Naiiwasan din nitong mapagod ang marupok kong puso.
Aaminin ko, madalas kong malimutan ang ilang ulit ko nang nasabi sa sarili: iwasang magplano, tama na ang paghahangad. Gayonman, marami pa rng pagkakataong may maiisip akong bagay na nais kong gawin o nais makamit. Gaya na lamang ng araw-araw na pag-aabala sa blog na ito upang maging isang libro.
Kahit paano, naiiwasan ko ang pag-iisip ng mga plano, ang paggawa ng mga balak, ang pagkakaroon ng mga pangarap. Pero naroon pa rin ang paghahangad para sa iba. Higit sa lahat kay Luna. Sa aking mga anak, gayon din kay Ann. May pangarap pa rin ako para kay nanay at Tiyo Horatio. Hindi ko maiwasang magkaroon ng pangarap para sa aking mga kapatid at sa ilang kaibigan.
Pero hindi na rin tulad ng mga dating pangarap ko sa aking sarili noong araw, laging tiyak at malinaw kung paano makamit. Ang pangarap ko ngayon para sa iba ay pangkalahatang paghahangad na sana'y makamit nila ang ligaya. Kung noong araw ko naisip ito, baka napaismid ako at nasabing Ano ba 'yon? Parang pangarap na world peace ng isang kandidata sa Miss Universe. Pero, ganoon.
Maaring iyon ay isang paraan upang ikubli ang sarili sa posibleng pagdating ng kabiguan, maaaring isa pang tanda ng tumatandang karuwagan o pag-iwas na masaktan. At mauunawaan naman kung bakit: nananakit na ang aking mga buto, at namimitig ang aking kalamnan. Madalas ding pakiramdam ko'y hapong-hapo na ang aking puso.
Ang totoo, kung may malaki at tiyak na pangarap pa akong natitira, iyon ay ang sana'y lubuisan na akong mapahinga.
Sunday, November 18, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment