Si Luna V. Madrigal ang pinaka-importanteng tao para sa akin sa ngayon. Kalabisan marahil na sabihin pa na siya ang aking pinakamamahal. Una kong apo si Luna, panganay nina Tanya at Christian, na hindi pinalad na magkaroon ng sapat na panahon upang patibayin ang pagmamahal nila sa isa't isa.
Nagbertdey si Luna kahapon. Tinawagan pa niya ako sa telepono upang imbitahan sa munting salo-salo sa klasrum ng mga kaklase niya.
Maaga akong dumating sa Parish of Holy Sacrifice preschool. Nagkaroon tuloy ako ng pagkakataong masdan ang kahanga-hangang enerhiya ng mga bata.
Takbo sila nang takbo. Lundagan nang lundagan. May mga humihiyaw pa sa tuwa habang nakikipaghabulan sa kaklase. Naisip ko, Ganoon din kaya ako nang una kong matuklasan ang kakayahan ng aking mga paa't binti? Paano kaya ako magpahayag ng tuwa at pagkamangha noong hindi pa bumibigat ang mga paa ko sa mga pang-araw-araw at, kung tutuusi'y wala naman talagang kakuwenta-kuwentang mga alalahanin? Paano ba ang lantay na saya noong hindi pa ako inutil?
Napailing ako sa sarili nang maalala kong ang dami ko nang nagdaang bertdey nang hindi binagabag ng isiping ito. Walanghiya talaga! Bakit ngayon pa, na gustuhin ko mang lumundag ay painoy-inot na paghakbang na lamang ang kaya ng gawin ng mga paa kong manhid?
Monday, October 15, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment