Dumalo ako kahapon sa paglulunsad ng mga librong-pambata ng isang kaibigan at dating co-teacher, si Christine Bellen. Napakasaya para sa akin ng okasyong iyon dahil nagbigay iyon sa akin ng pagkakataon para makitang muli ang maraming kaibigan at kakilala. Pero aaminin kong naasiwa ako dahil kailangan kong magdala ng tungkod para tiyaking hindi magiging mabuway ang paggalaw ko o paghakbang, Pero problema ang pagdadala ng tungkod sa mga ganitong okasyon. Una, nakatatawag kasi ng pansin. Hindi ko pa rin maiwasang hindi maasiwa dahil alam kong pinagtitinginan ako ng ilang tao (lalo ng mga bata). Marahil iniisip nila, sino ba naman itong lolong ito at bakit siya nakikigulo pa rito, bakit ba hindi na lamang siya tumigil sa bahay? Mas lalala ang pagkapahiyang mararamdaman ko sa sandaling may pumansin sa tungkod na hawak-hawak ko (Nagga-"ganyan" ka na? Majonda ka na talaga! Hi-hi-hi!) Kaya mapipilitan akong sagutin nang: "Pang-porma lang ito!"
Ang totoo, mas may seryosong dahilan ang pagdalo ko sa booklaunching, kaysa pagsuporta sa kapwa manunulat o muling pagbati sa mga dating kaibigan. Ang pag-aabala ko nang hapong iyon ay isang paraan ng paghuhugas ng kasalanan.
Natatandaan ko, may ilang taon na rin ang nakakaraan, nang maimbitahan kami nina Christine sa isang panayam tungkol sa mga aklat-pambata, kung saan ipinahayag kong ayaw kong lumingon kay Lola Basyang dahil, bukod sa iba pa, hindi naman siya talagang manunulat para sa mga bata.
Pero sa halip na ang mga manonood o mga kasama kong manunulat ang matigatig sa gayong mapangahas at marahas na pahayag ay kung bakit parang ang puso ko ang kinurot?
Bigla ay sumagi sa alaala ko ang dati kong paniwala: kung wala kang mabuting masasabi sa isang bagay, mas mabuting huwag mo na lang sabihin, Hindi ito nangangahulugan na lisensiya ito para magtakipan ng pekas sa mukha ang mga kapwa-manunulat. Paggalang lamang sa okasyon at sa tinutuntungang balikat.
Lalo akong nagitla at nanliit nang banggitin ni Christine na si Severino Reyes ay nakasulat ng halos 500 kuwento bilang Lola Basyang.
Habang pumipirma sa mga libro si Christine, napabuntung-hininga ako saka nasabing "Mapalad si Lola Basyang at mayroon siyang isang Christine para sa henerasyong ito."
Napatayo ako sa aking kinauupuan. Hawak ang tungkod, nagsimula akong humakbang palabas, Palayo upang bumili ng mga gamot na pampahaba pa ng buhay.
Saturday, October 13, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment