Una kong nakilala si Prof. tet Maceda bilang isa sa tatluhang tinig ng Inang Laya noong kalagitnaan ng dekada '80. Suplada ang unang impresyon ko sa kanya bagaman noon pa man ay hanga na ako sa pagkanta niya, kasama sina Karina Constantino-David at Becky Abraham. Kalaunang hinangaan ko rin ang masigasig niyang pananaliksik bilang iskolar ng kulturang filipino. Nang magbalik ako bilang gradwadong estudyante sa UP, nabalitaan kong isa rin siyang mainam na guro; kaya inasam kong mapabilang sa kanyang mga mag-aaral. Pero dahil sa aking pagkakasakit at sa pagtalikod ko sa planong ipagpatukoy ang pag-aaral ng doktorado, malamang ay mananatili na lamang iyong panaginip. Pero hindi naman nakapanghihinayang dahil di-man sinasadya ay pinalad akong magkaroon ng kaugnayan kay Prof. Tet Maceda.
Una'y nang regaluhan niya ako ng isang bote ng VCO, kasabay ng pagpapayo kung ano-ano ang mga benepisyo nito. Hanggang ngayon, may sampalataya ako sa bisa ng langis ng niyog.
Ikalawa, ay nang maging kritiko siya sa aking thesis tungkol sa dulang panradyo, Maraming pananakot ang narinig ko tungkol sa kaniya. Ngunit isa lang ang napatunayan ko. Mahusay niyang ginampanan ang kanyang gawain kaya nairaaos ko nang mabuti ang aking thesis, na ginawaran ng parangal ng dekano bilang best thesis.
ikatlo at kamakailan lamang, ay muli ko siyang naabutan sa departamento, isang umaga. Muli, pinalad akong mabigyan niya ng payo kaugnay ng pagsusulat. Matapos niyang kumustahin ang aking rehab pinayuhan niya akong magsulat araw-araw sa papel upang manumbalik ang lakas ng aking mga beaso at fine motor skills. Ipinaliwanag niya kung gaano kahalaga ang gayong gawain upang hindi mawala ang kakayahan ng aking utak na maigalaw ang mga bahagi ng aking katawan.
At ngayon ngang umaga'y sinimulan ko ang pagsusulat sa isang notebook, nang madulutan ng oxygen ang nahihimlay kong kalamnan.
Thursday, October 4, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment