ilang ulit ko nang pilit iwinaksi sa sarili ko ang paggawa ng plano para sa pagsusulat. Bukod sa nagiging tila isang mabigat na pasanin para sa akin ang pagkakaroon ng anomang uri ng balakin sa pagsusulat (hindi ito makatkat sa aking isip, lalo kung ako'y gising; at kung matutulog naman, kailangan muna nitong magpatawing-tawing sa aking isip kung paano dapat isulat bago mapahinga ang napagal kong isip at tuluyang maidlip). Bukod sa dagdag na pabigat sa mga araw-araw na alalahanin, nagbibigay sa akin ng malaking pangamba ang pagkakaroon ng mga balak tungkol sa aking mga nais sulatin.
pero sadya yatang hindi maiwasan o lubha lamang na nakasanayan, kahit ilang ulit kong sabihin sa aking sarili na ayaw ko nang magplano na magsulat ng kahit ano, patuloy pa rin itong umuukilkil sa aking kamalayan. halos araw-araw, may sumusungaw na balak sa aking isip. Maaaring kuwento, ideya para sa isang dula, nobela o libro.
para makaiwas sa bigat nito, kaagad kong pinapalis ang ideya sa aking isip, pinaaalalahanan ko ang aking sarili, "O huwag kang pagaganyak sa tukso. Huwag kang magpaplano. Huwag kang mag-iisip nang anoman para sa iyong isusulat. Iwaksi mo ang tukso sa iyong isip. Pilitin mong umidlip. Huwad mong susulyapan ang screen ng computer. Labanan mo ang hikayat ng swivel chair na maupo sa harap ng computer screen at tumipa ng mga idewya. Huwag kang magpapalano. Masama ang magkaroon ng mga balak, lalo at alam mong hindi mo ito matutupad."
Pero ang tukso ay tukso. Lagi itong nakasungaw at nanunubok. Laging naghihintay ng pagkakataong makapanambang. At huwag kang maliligat, kahit isang saglit. Dahil anomang sandali na humapay ang iyong pagbabantay, ang tukso'y sasalakay. Tatambangan ka; kukubabawan ka upang dukutin ang iyong puso at patalilis na itakbo ang iyong kaluluwa.
Ang ibig kong sabihin, wala tayong magagawa laban sa tukso. Pahihinuhod tayo dahil ang tukso ay pagbibigay sa ating maitim at balbuning kalikasan.
Thursday, October 11, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment