Hindi miminsang sumagi sa isip ko ang tanong kung aling mundo ang mas gusto ko: ang tutuong mundo o ang mundong nasa isip lamang ng isang tulad kong manunulat. Ang mundo ng mga lagila-gilalas, mga bagay na basta na lamang, walang kaayusan, at posibleng wa;a rin namang kahulugan; o ang mundong lahat ay tagni-tagni, magkakaagapay at magkakaugnay.
Madalas akong humantong sa iisang sagot: mas gusto ko ang mundo ng panitikan.
Mas gugustuhin kong mabuhay sa isang mundong kalkulado at pinagplanuhan ang ;ahat ng bagay.
Atoko ng mga sorpresa dahil iyakin ako at bihirang-bihirang makapagpigil sa sarili. Sa karampot na kabutihan, lalo kung hindi inaasahan, ay dagling nagbabasa ang ilong ko; walang kaabog-abog na gumagaralgal ang boses ko, at kasabay ng di-mapigil na pagsulak ng aking emosyon, ay ang agad-agad na panlalabo ng aking paningin dahil sa mabilis na pagbalong ng luha. Kung sabagay, saglit lang naman; pero nakakahiya pa rin, kahit sa sarili ko lamang.
Kaya ayoko ng mga bagay na hindi inaasahan.
Na siya namang nagustuhan ko sa literatura. Sa panitikan, walang lugar ang mga bagay at pangyayaring kagulat-gulat at di-inaasahan. Pinakagusto kong katangian ng panitikan ang pagiging deliberate nito. Lhat ay planado at kalkulado, kahit ang mga bahaging hindi inaasahan.
Sayang at wala yayong magagawa kundi hintayin ang mga teribleng panggugulat ng buhay. Pasalamat tayo at hindi siya gaanong mapagbiro.
Monday, October 15, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment