Tuesday, October 2, 2007

My Fair Lady

Heyo ang ilang kantang isina-Filipino ko mula sa "My Fair Lady:"

Nasanay na Akong Masdan
(I've Grown Accustomed to her Face)

Nasanay nang siya'y pagmasdan
Siya'y tila sikat ng araw
Nasanay nang mapakinggan
Maghapong sipol niya't sigaw
Ngiti, lungkot,
Bawat asam.
Kabisado ko at alam
Pag-asa at kabiguan
Dati'y wala akong problema
At walang pakialam
At siya'y kaya kong limutin,
'wag tingnan
Nasanay man akong masdan,
Nasanay pakinggan.
Nasanay lang naman.

Magdamag Sasayaw
(I Coild Have Danced All Night)

Magdamagang sayaw
buong gabing imbay
Kulang pa rin, kulang

Kinampay ang bagwis
At sanlibong nais
Agad kong nakamtan

Di ko alam
Kung bakit ba kay inam
Kapag puso'y
Nagpatangay

Batid ko lang
Kapag hawak niya ang baywang
Magsasayaw magdamagan!

Sa Kalye Kung Nasaan Ka
(On the Street where you live)

Dito'y dati na
kong nagdaraan
Sa kalsadang kabisado ng
Bawat hakbang
Nang bigla akong
pumailanlang
sa kalye, kung nasa'n ka, mahal.

May marosas ba
na ibang lugar
Awit ng pipit
Dinig kaya kahit saan?
Bawat pinto ba'y
kamamanghaan?
'Ba, hindi!
doon lang, kung nasa'n ka, mahal

Naku, ako'y lumulutang
dahil sa
nariyan ka lang
Ngunit kabadong-kabado
T'yak na pagsilip mo,
matutumba ako!

Usyosohin man,
kahit ng lahat.
Walang kalsadang
Gusto kong pasyalan
Oras ma'y sayang
di rin iiwan
ang kalye, kung nasa'n ka, mahal

6 comments:

tim said...

Ang gaganda! Magkaraoke session tayo! Pati yung ginawa mong kinanta ni Mane isama natin. Pa-save ha? TY!

Alvin said...

Wow Rene! Ang sipag-sipag mong magblog. Keep it going! :)

Rene Villanueva said...

M Maraming salamat kina Tim at Alvin,
dahil sa comments ninyo, nainspire ako na ituloy ang blog. Palagay ko makatutulong din ito sa paghahanda ng susunod kong libro. Paano kaya ito maili-link sa iba? Gusto ko kasing mabasa para hindi naman sayang.

Alvin said...

Rene, na-publicize ni Ian Casocot (eatingthesun.blogspot.com) yung link sa blog mo noong isang linggo, at nai-link na rin kita sa blog ko (makathain.blogspot.com).

Pwede mo rin bisitahin ang mga sumusunod na mga blogs:

junlana.blogspot.com
rodyvera.blogs.friendster.com
www.gibbscadiz.com

tim said...

Hi, ROV! Na-link na rin kita sa site ko, at i-eemail ko ang mga kasama sa Writers Pool para malaman din nila. Isang karangalan! Salamat!

harley said...

harleydemsey wrote today at 10:16 AM
siya ang nagdadaw sa akin sa latian ng kamalayan, nagbigay libog sa pagsasatitik ng aking mga kabaliwan. siya na nagsabing kung seseryosohin ko ang pagsusulat may mararating daw ako...

saan na nga ba ako nakarating? ilang libong dipa? ilang daang balentong at gulong pababa? at ngayon muling sumusubok na bumangon at magtambling muli ng di sumasayad ang kamay sa lupa.

kape, vodka, tequila, irene kara, hilda koronel, my fair lady, oregame, tipaklong, sinigang sa miso... rene... tang _ _ _ miss na miss na kita!
di lang naman ako naka-uwi ng manila ng burol mo...

eto ako... ngayon palang nagsisimulang magluksa sayong pagkawala.

eto ako, hinahanap ang sarili kung matatagpuan ko pa ang aking mga paa sa sinabi mong mararating ko sa takdang panahon.

darating pa kaya?