Tinapos ni G. Carlo Tolentino ang interbyu sa akin sa pagtatanong kung anong aral ang nais kong iwan sa mga bata. Matagal ko nang napag-isipan ang tanong na ito, at gaya ng ibang usaping paulit-ulit na umuukilkil sa akin, matagal na ring iisa ang aking sagot. Hindi ko alam kung bakit ganoon.
Para sa akin, ang pinakamahalagang aral na gusto kong maiwan sa mga bata ay paggalang sa pagkakaiba-iba ng mga bagay-bagay. sa palagay ko nasa ganitong pagkilala ang susi sa maraming di-pagkakaunawaan sa mundo. Kailangang matuto ang tao, mulang pagkabata, na ang mundo at lahat ng bagay na narito ay sadyang iba-iba. Bawat isa'y natatangi sa kanyang pagiging pambihira.
Laging nakatutuwa ang ehersisyo na inuutusan ang mga bata na maglapit-lapit at paghambingin ang mga kulay ng kani-kanilang braso. alam nating matutuklasan ng mga bata na walang magkaparehong-magkapareho ang kulay. Laging may bahagya kundi man matinding pagkakaiba. Maaaring sa tingkad o pusyaw, maaaring sa kinis o gaspang, o anumang maaaring pagmulan ng pagkakaiba.
Isang payak na patunay ang ehersisyo sa kalikasan ng pagkakaiba-iba ng lahat.
Pero sa kabila ng ating pagkakaiba-iba, laging mayroon tayong pagtatangka na maging magkakatulad. Laging tayong nagpipilit igpawan ang likas nating pagkakaiba-iba upang maging magkakapareho. Kung sabagay, makatwiran din ang ganito dahil iba-iba nan ang ating mga katangian, pare-pareho naman tayong tao, o hayop, o nilalang.
Monday, October 8, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment