Ngayon ko aamining nabubuhay talaga ako sa mga pangarap. Akala lang ng marami ay nakatuntong ako sa lupa. Dahil ginagawa ko ang maraming karaniwang ginagawa ng mga tao. Nagtatrabaho, naglilibang, umiibig, nabibigo. Pero hindi laging ganoon. Madalas, kahit nakatungtong man sa lupa ang mga paa ko'y lagi namang nakatingkayad ang aking mga talampakan. Laging nanghahaba ang leeg ko sa pagsinghap ng hangin upang patuloy na huminga at mabuhay. Lagi akong nakatingala sa langit at nakatanghod sa mga bituin.
May binalak akong sulating dula na iniisip kong pnakamalapit sa pagkalulong ko sa mundo ng mga pasnaginip. Tungkol ito sa mga pangarap ng isang binatang naghahangad ng buhay na mas maringal at maganda kaysa kinasadlakan niyang entresuwelo, na tumutulo ang bubong tuwing aambon, at ang mga sahig ay pinapasyalan ng mga daga at ipis na laging nagmamadali sa paghahanap ng mga siwang na makukublihan.
Isang buhay na walang mga barumbado't nanghihiyang istambay. Walang mga kababatang halang-ang-bituja, at ang mga dalaga'y laging tapat umiibig, bukod sa hindi madaling masilaw sa pera.
Isang buhay na may amang laging tapat sa kanilang asawa at may inang nakatagpo , sa wakas, sa kanilang tinig para ipagtanggol ang kanilang sarili at mga anak laban sa lahat ng karahasang berbal at pisikal.
Isang buhay na hindi dinadalaw ng mga kubrador ng tubig o koryente, hindi ipinandudura ng mga pinagkakautangang may-ari ng tindahan.
Isang buhay na kasingrikit at singrubdob ng mga titik ng awit ni Basil Valdez, isang idolo ng aking walang muwang na kabataan.
Sayang, hindi ko naisulat ang dula nang mauntog ako at magising na ako pala ay si Reny lamang, isang maitim at payat na batang taga-La Loma.
Monday, October 15, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment