Taong 2001 nang matuklasang may duabetes ako. Ipinayo ang pag-iwas sa matamis at pagkontrol sa pagkain.
Lumalala ang lagay ng aking bato. Pinaiwasan ang alat. Tumaas ang creatinin. Ibinawal ang gatas. Ibinawal ang saging.
Tiniis kong lahat, kasabay ng dasal na humaba pa ang buhay. Kailangan kong magkasya sa matabang na oatmeal, halos walang mantikang ulam; kahit anong sabaw, walang lasa.
Magawi man ako sa palengke o tindahan ng prutas, kailangan kong pumikit o tumingin nang pailing para ilayo ang mga mata kong sukab kung tumingin sa tumpok ng namumurok na mangga, nagtinghas na sariwang saging, mga santol na balbunin sa balahibong pusa.
Sa gabi, napapanaginipan ko ang nakasibing taba ng tocino, bahagyang sunog ang gilid, at naglalaway sa mantika. Natatakam akong mapapabangon, naalimpungatan sa isang matangkad na baso ng chocolate parfait na may santumpok ng mala-niyebeng cream na may naka-de-kuwatring cherry sa gitna at sa gilid ay may umuuhong nuts na kinayas nang manipis at tatlong susong ng sorbetes na naglulunoy sa kumunoy ng halos itim na chocolate syrup. Kailangan kong tumayo para tighawin ang takam sa malamig pero walang lasang tubig.
Tuwing alas-singko'y medya ng araw ng Linggo, hindi pa sumisilip sa bintana ang silahis, kampana ko ang alaala ng kumukulong nilaga ng tipak-tipak na karne ng baboy na lumalangoy sa mga kuwadradong murang berdeng petsay, mapusyaw na dilaw ng mga piraso ng patatas, maligat na dilaw ng saging na saba, at malulukong na balat ng ginayat na lilang sibuyas; habang sa gilid ng kaldero ay pagulong-gulong, di-malaman kung saan susuling, ng naliliyong tapis ng mantika.
At kunot-noong itatanong ko sa sarili: Ito ba ang buhay? Bakit ko idinarasal na sana'y lumawig ang isang buhay na matabang, at walang kalasa-lasa?
Sa pagsisimba ko kinaumagahan. nakaluhod ako, salikop ang mga palad, habang dinarasalan ang Amang Tamis, Panginoong Alat, Aba Ginoong Asim, Mga Misteryo ng Anghang at Askad. Buong pakumbaba kong isasamo na nawa'y kaawaan at kandiliin ang dila kong binalo ng lasa, diniborsiyo ng takam. hiniwalayan ng sarap. Ipakikiusap ko sa mga kasanto-santosang panginoon ng takam na sana'y sagipin ang dila kong lunod lang sa bukal ng laway at ang nalalanghap lamang ay ang luom ng laging gutom na dighay.
Tuesday, October 16, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
"Magawi man ako sa palengke o tindahan ng prutas, kailangan kong pumikit o tumingin nang pailing para ilayo ang mga mata kong sukab kung tumingin sa tumpok ng namumurok na mangga, nagtinghas na sariwang saging, mga santol na balbunin sa balahibong pusa."
Naalala ko tuloy ang sobrang pagkahilig ninyo sa pagkain, mula sa mga nababasa ko at kwento ni Ate Ohnny, yung tipong pagkain daw talaga ang bisyo (kung tama man ang paggamit ko ng salita) ninyo.
Post a Comment