Tuesday, October 23, 2007

Hindi Kailangan ang Manunulat

Galing ako sa isang panayam noong Linggo na dinaluhan ng mga nagsisimulang makata at nag-aambisyong maging manunulat. Gaya ng dapat asahan, salamin ng ekspektasyon ang mga mata nila. Sigurado sa pagkakahawak sa bolpen ang mga kamay nila at bawat isa ay matamang nakahanda na magtala ng anomang payo na magagamit nila sa mahaba-habang landas ng pangangatha.

Ngunit, tulad ng dati, hindi ko napigilan ang sarili ko at muli ko na namang pinairal ang walang-pusong ako. Nang umagang iyon, walang pangimi kong tinigpas ang mga pangarap nila at ang mga bituing nakasungaw sa kanilang balintataw ay hinablot ko pababa upang mahulog at mabasag. Binigo ko sila sa kanilang inaasahan.

Sinabi ko sa kanila ang totoo: na hindi kailangan ng lipunan ang manunulat, na walang kahit sinong nangangailangan sa manunulat.

Hindi kailangan ng lipunan o ninoman ang manunulat dahil walang silbi ang pagmamanunulat.

Walang praktikal na buting naidudulot sa isang komunindad ang manunulat. Hindi ito napakikinabangan tulad ng paglalatero, dentista, abogado o kahit pagiging ama o ina ng isang tahanan.

Kung iisipin, ano ba talaga ang silbi ng isang manunulat, na hindi kayang gawin ninoman sa lipunan? Walang anoman.

Karaniwan, iniisip nating ang manunulat ay tagalikha ng pangarap para sa ating lahi. Sila ang may bokasyon para managinip para sa lahat. Pero hindi natin kailangan ang manunulat para magkaroon ng pangarap. Hindi monopolyo ng manunulat ang kakayahang managinip.

Bawat isang indibidwal ay may kakayahang masiyahan o do-masiyahan sa mga bagay sa kanyang paligid. At dito nagmumula ang pangarap at panaginip.

At ang pagkakaroon ng kakayahang mangangarap, ang kakayahang mag-isip ng mas magandang posibilidad ay kakayahan ng bawat tao. Kahit Juan o Pedro ay puwedeng magmithi ng mas mabuti kaysa kasalukuyang kalagayan o kairalan.

Kung gayon, walang natatanging silbi sa lipunan ang manunulat.

3 comments:

ergoe said...

Ser, nag-enjoy naman po kami sa panayam niyo. At sa aking palagay, malaking bagay na nasabi ninyo (dahil na rin po naniniwala rin ako) na hindi kailangan ng lipunan ang manunulat, lalo na't mediocre ang manunulat.

Kung may napatay man po kayo sa advice na ito, hindi po pangarap, kundi mediocrity.

Salamat pong muli!

^ Ergoe

Unknown said...

ha! napag-isipan ko na ito noon. Inimagine ko kung ano ang magiging silbi ko sa lipunan kung ako ay isang manunulat (na tipong wala nang ibang gawain, kunyari ganoon ang siste ko)
tapos nastranded ako sa isang island ala Survivor. Ano kaya ang magiging silbi ko, at ang mga kasama ko ay may pulis, doktor, at chef, ganun.
Ang pulis ay magtatanggol, doktor manggagamot, at chef ay magluluto. E ako?

charm said...

sa tingin ko ang manunulat ang pinakamatalinong tao sa buong mundo dahil sa pasgsusulat doon siya natututo at nahahasa ang kanyang isipan sa mga bagay-bagay. Batay sa sinabi ni Dustin Jacob ano ang gagawin ng isang manunulat kung naistranded? hah ! maaari siyang makaisip ng paraan upang makawala sa islang kanilang kinaroroonan. Naniniwala ako na ang mga manunulat ay mga mambabasa din kaya't ang manunulat ay matalino sapagkat marami siyang nakukuhang impormasyon batay sa kanyang mga nababasa o NAPAG-ARALAN. Ang kaisipan ng isa (halimbawa ang libro na galing sa kaisipan ng iba) ang daan upang siya ay makapag-isip at maka-isip pa. Para sa akin "ano'ng silbi ng isang matalinong utak kung hindi naman din i-shi-share sa iba?" Bilib ako sa mga manunulat. Sana ay dumami pa ang mga nangangarap at nagbibigay pangarap sa buong mundo ! Ang manunulat ay ang witness para sa kinabukasan. Ang mangyari ngayon ay handog para sa mga dadaan pang panahon at yun ang silbi ng isang manunulat ang tagapagbigay knowledge at impormasyon. Sana ay huwag ninyong maliitin o husgahan ang mga kakayahan nila dahil minsan ay mas natututo pa ako sa pagbabasa ng kanilang mga obra kaysa sa mga sinasabi o naririnig ko galing sa mga ibang tao.