Sa pelikulang "Endo," gusto ko ang tagpong matapos isabong ni Ricky Davao ay naghuhugas siya ng mga tilamsik ng dugo ng namatay na manok sa kanyang binti. Malinaw na na natalo at namatay ang pinakamamahal niyang si Cocky.
At gusto ko ang puntong iyon ng munti at tahimik, ngunit nakatitigatig, na pelikulang ito. Dahil nililinaw nito ang halaga ng paglaban para sa mga karaniwang tao tulad ng maraming nakatanga lang sa malapad o makitid na iskrin ng kung ano-anong kabulastugan at walang wawang kababawan ng marami sa ating mga pambansang institusyon. Iyon muna ang mahalaga, bago ang ano pa man - ang maganyak ang bawat isa sa atin na lumaban. Huwag magkasya na basta lang makaraos. Huwag masiyahan na tayo'y patuloy lamang na umiiral. Dahil ganoon ang ibig sabihin ng buhay. Hindi sapat iyon para magkaroon ng katuturan ang ating pamumuhay.
Ang kawalan ng simbuyo para lumaban ay katumbas lang ng pagmimiron sa buhay. Pinanonood lang natin ang ating mga kasawiang-palad.
Naging marikit ang pagkatalo ni Cocky sa "Endo" dahil sinasabi nito na sa paglaban, hindi kasinghalaga anoman ang kahinatnan ng pagkukuyom ng ating mga kamao at tahasang paghamon sa mga dapat nating tutulan at hamunin. Hindi tayo lumalaban dahil siguradong mananalo o may malaking tsansa ng tagumpay. Lumalaban kahit matalo, dahil ganoon ang buhay. Walang kasiguruhan, ngunit laging isang pakikipagsapalaran na dapat nating kasangkutan at hindi panoorin lamang.
marahil ito ang kaibahan natin sa mga Manny Pacquiao. Hindi tayo mga Pambansang Kamao na hinuhulaang magiging kampeon ng mundo matapos ang ilang rounds ng salpukan. Ang mga kamao nati'y karaniwang payatot at mabuto, mas pinatibay ng pagwawalis, pagluluto. paglilinis ng inodoro o anumang karaniwang trabaho; sa halip na pinalakas ng diet at training.
Kaya dapat mag-ingat-ingat lahat ng umaabuso at tumatapak sa atin, lahat ng kumukumbinsi sa ating sapat nang masiyahan tayo sa buhay na basta makaraos lang dahil balang araw, itataas natin ang mga payayot na kamao at at ang mga pagmumukha nila ang sasalaksakin natin sa halip na ang sikmura ng mga inodoro. At mapatutunayan din natin na tayo ang mga tunay na kampeon kahit sa labas ng ring.
Wednesday, October 17, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
I love this blog! Mabuhay ka, Rene!
Post a Comment