Napanood ko sa TV kung paanong ipinagbunyi ng Malacanang ang pinakahuling tagumpay ni Manny Pacquiao. Paulit-ulit na sinasabing nagtagumpay si Manny na pag-isahin ang mga Filipino sa tuwing siya'y magtatanggol ng kanyang sinturon sa ring. Ang alam ko'y nawawalan ng trapik sa lugar namin tuwing may laban si Manny. Mukhang marami sa tricycle drivers sa Krus na Ligas ang umiidolo sa kanya. Pero. kung napag-iisa ni Manny ang mga Pinoy?
Ewan ko. Palagay ko hindi naman ganoong kaimportante ang magkaisa tayo. At lalong hindi sa ganoong paraan ng pagkakaisa.(Pare-pareho ng ginagawa o pare-parehong nakababad sa telebisyon)
Pero sigurado ako nang mapanood sa U.P. Film Center ang pelikulang "Endo" kung ano ang hindi nagawa o sana'y ginawa ng Pambansang Kamao. Hindi tayo naturuan ng ating World Champion sa boxing na lumaban.
At iyon, sa palagay ko, ang dapat matutunan at gawin ng lahat ng Filipino sa panahong wala tayong ka-glorya-glorya.
Sa pelikulang "Endo," susi sa pag-unamawa sa kabuuan ng kuwento ang tauhan ni Ricky Davao. Sa pelikula, si Ricky ay diabetikong iniwan ng asawa na nag-aalaga at laging naghihimas sa manok na panabong na hindi naman inilalaban. Samantala, may dalawa siyang anak. Ang bida, panganay ni Ricky sa pelikula, ay nagkakasya na lamang na basta makaraos sa buhay sa pamamagitan ng pagtatrabaho bilang palipat-lipat na contractual worker. Ang bunsong anak naman ay nagpapanggap na pumapasok sa eskuwela gayon hindi naman.
Natutuhan din ni Ricky na ilaban ang manok niya. Natalo ang alaga niya. At sa wakas ng pelikula, nagsisimula nang "kumaban" ang kanyang panganay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng pangarap at panaginip.
Kung dahil lamang sa puntong ito, susuubin ko ng papuri ang mga kasangkot sa pagbuo ng pelikula. Dahil ang puntong ito ang kailangang madikdik sa isip ng bawat Filipino. Hindi sapat ang basta makaraos lang. Hindi tayo dapat mangiti at magpasalamat sa dami ng kailangang mandayuhan mabuhay lang mga mga naiwang pamilya. Hindi tayo dapat matuwa sa dami ng call centers na binubuksan sa bansa. Ni hindi natin dapat ipagbunyi kung lingo-linggo'y may bagong imbestigasyon ang ating mga senador.
Ang kailanga'y magtagis ay ating mga bagang at sumulak ang ating galit. Tama na ang lahat nang ito. Tama na ang walang wawang dakdakan at pormahan. Tama na ang wala nang pangiming korupsiyon at garapal na kawalang galang sa tao!
Mag-umpisa na tayo magkaroon ng panaginip. Mangarap naman tayo ng disenteng kairalan, kundi man uubra ang maalwang buhay. Mangarap naman tayong nawa'y muli nating matuklasan na ang "basta makaraos" ay katumbas ng pagiging bangkay.
Sobra na kayo kung iaasa pa ninyo 'yan kay Manny Pacquiao! (Baka bigyan ko kayo ng isang straight sa panga!)
Wednesday, October 17, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Dear Rene,
I agree with your comments regarding Endo. It is a quiet but strong film. Simple pero may banat.
I hope you continue writing this blog, your books. You are one of the best writers for me.
Hindi ito pangako, pero one day, pag may nagbigay sa akin ng pera (sana) at mag-start ako ng publishing house, gusto kong ipunin ag ilimbag ang mga blog entries mo.
We need short but meaningful writings. Ginagawa mo na ito sa iyong blog.
Ang iyon fan,
Danton
cellphone 0918 979 3665
Post a Comment