Tuesday, November 20, 2007

Problema ng Isang Guro

Marahil naninibago ako sa pagtuturo. Naalala ko tuloy ang isang kaibigan na kamakailan ay humingi sa akin ng payo tungkol sa pagtuturo. At ngayo'y ako naman yata ang nangangailangan ng payo kung ano ang gagawin sa mga estudyanteng hindi nagbabasa o ayaw magbasa.

Sa unang araw ng klase, nililinaw ko ang aking mga patakaran, kasabay ng pagpapaliwanag sa nilalaman ng silabus, para bigyan ng pagkakataon ang estudyante na lumipat ng section kung sa palagay niya ay hindi siya masisiyahan sa paraan ko ng pagtuturo. Isa sa patakaran ko: ang hindi nagbasa ng assignment, palalabasin ko ng silid, walang karapatang dumalo ng klase ang estudyante na hindi naghanda para sa klase. ang hindi nag-abala para sa klase ay hindi ko rin pag-aabalahang turuan.

Bago ako pormal na tumalakay ng aralin, kailangang lumabas ang mga hindi nagbasa. Maaaring manatili sa klase kung hihingi ang estudyante ng permiso sa buong klase para makadalo sa talakayan, kahit hindi siya nagbasa. Ang mahuli kiong hindi nagbasa, binabalaan kong ihuhulog ko sa bintana o kakaladkarin sa buhok pababa ng hagdan.

May katwiran ba akong gawin iyon? Ang mas mahalagang tanong: paano ko maeengganyong magbasa ang mga estudyante?

Ang itinuturo ko ay literatura, isang reading course. Ibig sabihin, pasra kami magkaroon ng palitan ng kuro-kuro ng mga mag-aaral kailangang nabasa nila ang akdang pinag-uusapan. Available naman ang mga akda. Nasa isang libro o pinagsama-sama sa isang koleksiyon. Hindi na nila kailangang pumunta sa library at maghanap. ang kailangan na lang talaga nilang gawin ay magbasa.
Ni hindi ko hinihingi na maintindihan o maipaliwanag nila ang akda. Basta basahin lang.

Pero kahapon, nang pakiusapan kong lumabas ng silid ang mga hindi nagbasa, nagulat ako nang halos sampung estudyante ang tumayo at lumabas ng kuwarto. Karamihan ay babae.

Sa loob ko'y napailing ako. Pero napaisip din kung ano pa ang maaari kong gawin paea pilitin ang mga mag-aaral na mag-aral.

7 comments:

Unknown said...

hmmm... naalala ko tuloy ang aming klase noon kay sir gagalac (isa nang reporter sa abc cbn). lahat kami ay obligadong magbasa. hindi siya nananakot ng mga pagiging marahas (nagulat ako sa pagtatapon sa bintana haha)
bagkus sa salita lamang niya na hindi papasa, takot na kaming lahat. ayaw kasi namin na mapahiya sa isa't isa na bumagsak (isa sgurong rason) o kaya takot na umulit.
may test pa kami lagi pambungad ng klase, tipong Pop quiz, kaya bukod sa ipinabasa niyang parte ng libro, kelangan aral mo din ang mga diyaryo sa araw na yon at yung balita kagabi.

Rene Villanueva said...

Suguro dapat kong subukan ang sinabi mo. Ayoko kasing gawing panakot ang pagsusulit, Pero kung mapag-aaral nito ang estudywnte, e di sige.

Unknown said...

Hahaha.. Naalala ko tuloy ang klase ko sa inyo sir.. Halos hindi makahinga ang mga kaklase ko nun.. Tuwing matatapos ang klase ay tila nabubunutan sila ng tinik.. Para sa akin ok lang yung ginagawa ninyo sa klase. Ako napilitan talaga magbasa ng mahahabang dula. Natuto ako magsulat ng dula.(hindi nga lang magaling). Noong una, natakot din ako sa inyo pero habang tumatagal nawawala na. Kahit napalabas ako nundahil naiwan ko ang aking readings. Sabi pa ninyo "Akala ko ba aktibista ka? Bat napakairesponsable mo?" hehe. Hindi ko makakalimutan ang klase kong iyon sa Pagsulat ng Dula..SAbi ko nga sa mga nakakausap ko..(Kapag hindi ka dumaan kay Sir Rene.. Kulang ang buhay mo..) Ayuz..

Unknown said...

Hahaha.. Naalala ko tuloy ang klase ko sa inyo sir.. Halos hindi makahinga ang mga kaklase ko nun.. Tuwing matatapos ang klase ay tila nabubunutan sila ng tinik.. Para sa akin ok lang yung ginagawa ninyo sa klase. Ako napilitan talaga magbasa ng mahahabang dula. Natuto ako magsulat ng dula.(hindi nga lang magaling). Noong una, natakot din ako sa inyo pero habang tumatagal nawawala na. Kahit napalabas ako nundahil naiwan ko ang aking readings. Sabi pa ninyo "Akala ko ba aktibista ka? Bat napakairesponsable mo?" hehe. Hindi ko makakalimutan ang klase kong iyon sa Pagsulat ng Dula..SAbi ko nga sa mga nakakausap ko..(Kapag hindi ka dumaan kay Sir Rene.. Kulang ang buhay mo..) Ayuz..

Unknown said...
This comment has been removed by the author.
Unknown said...

Rene:

Naranasan ko nang maging estudyante ng guro ko. Tapos, yung guro ko ay naging kaklase ko. Noong guro na ako, nagkaestudyante naman ako. Yung ilang estudyante ko, naging kaibigan. Yung iba, wala lang. Ganun talaga yun. Pero yung ibang kaklase ko, naging guro ko din. At meron pa, yung dati kong estudyante, posible ko pang maging guro kung sakaling maisipan kong muling mag-aral.

Sa madaling sabi, kanya-kanya lang yang yugto. Kanya-kanyang papel.

Nung araw pa man, reklamo na sa amin ng mga teacher namin, marami raw tamad na bata. Nung teacher na ako, reklamo din yan ng maraming teacher sa maraming estudyante. Tamad, tamad, tamad!

Ang reklamo naman ng mga kaklase ko noon, mga tanga raw ang mga teacher namin. Di naman lahat siyempre. Nung teacher na ako, ang reklamo din ng mga bata, mga batugan ang teacher nila. Nung estudyante uli ako habang teacher, totoo nga: marami sa mga reklamo ng mga bata sa teacher sa Pilipinas ay natungghayan ko sa ibabaw ng bakod kung saan malinaw ang pagkakabukod at paglalangkap ng dalawang realidad ng pag-aaral at pagiging guro. Buhay Pinoy...

Di pa uso noong panahong estudyante ako ang mga nakararirimarim na resulta sa mga survey ng SWS tungkol sa pagbagsak ng edukasyon. May mga sinasabing mahihina noon pa man, pero di kasing hihina ng nakikita ko ngayon. May mga nagsipagtapos akong nakakasalamuha na di alam ang esensya ng renaissance, di kilala si Aristotle, di rin alam ang subject-verb agreement, di rin alam ang stages of cell division, di rin kilala si Hermano Pule, di rin nabasa ang Noli at Fili, di rin alam ang kahulugan ng simpleng equation, di rin alam kung bakit siya nag-aral, di rin alam kung paano niya nakuha ang diplomang patunay na siya ay edukado ayon sa pambansang pamantayan.

Nakalulungkot, problema natin di lang naman ang ayaw magbasang bata kundi ang marami ring di epektibong maestra at maestro. Mahirap lang aminin, kasi ayaw natin umamin ng mahihirap na bagay sa bansa natin. Madali tayong ma-disappoint sa mga tamad na bata. Subalit may survey na kaya kung gaano karami ang tamad na guro? Madaling sisihin ang kahirapan, kakulangan ng suweldo, kakulangan ng suporta, etcetera, etceterang pagtatakip. May basehan din ang ilan dito siyempre, pero hindi ito ang buong imahe ng katotohanan.

Kung sana lahat lang din ng mga teacher sa bansa ay epektibo, sana’y wala tayong mga batang nakakatapos sa eskuwelaha't may magagara pang diploma pero di kayang magsulat ni magpahayag maging sa Ingles man o sa Filipino. Bakit, pag mas mababa ba ng isang libo ang suweldo ng isang teacher sa isang paaralan kesa sa teacher ng isa pang paaralan, ibig sabihin ba'y matatanggap na natin na mas bobo ang mapo-prodyus niya na bata? Katanggap-tanggap ba na alam ng produkto niyang bata ang chapter 1, 3 at 5 ng isang libro, kung sakali man, pero di alam ang chapter 2, 4, at 6? Di katanggap-tanggap, pero sabihin na nating "masuwerte" na nga kung alam man lang niya ang kalahati ng libro kahit patalun-talon. Pero kahit nga ito, kadudaduda kung ibabase sa mga resulta ng mga pambansang eksaminasyon.

Nagkaroon ako ng pagkakataong makita ang sistema ng unibersidad sa ilang bansa sa Europa. Di pinipilit ang mag-aaral na magbasa. Di kailangang pilitin dahil nasa kultura nila ang pagbabasa! Di required ang attendance, required lang na pumasa sa mga eksaminasyon ng mga asignatura sa bawat kurso.

Ibig sabihin, wala talagang pilitan. Ehemplo ito ng totoong demokrasya maging sa paaralan. Kapag ayaw pumasok ng bata at magaling ang teacher, siya ang mawawalan. Magdusa siya sa desisyon niya kung tamad man siya. Pero kung bopol ang teacher, malaya ang bata na hanapin ang totoong larangan ng karunungan sa bawat pasilyo ng silid-aklatan nang hindi ginagamitan ng pananakot ang bata.

Sa simula ay may 100 hanggang 120 ang bata sa auditorium. Pagkatapos ng isang linggo at kung ungas ang propesor, masuwerte siya kung may matira pang 20. Biruin mong tuturuan niya'y 20 nagtitiyaga pang mga bata at 100 mga bakanteng upuan, apat na mga tahimik na dingding at dalawang pares ng mga antigong pinto. Magkaminsan, sinisilip siya ng mga makukulay na ibong nakadapo sa mga sanga sa puno sa labas ng silid-aralan na tila nang-iinis. Kung binuwenas pa siya, guguluhin siya ng pakakak ng mga maiitim na uwak. Kapag ang teacher ay isang damakmak ng kahunghangan, ang 20 ay magiging lima, ang lima ay magiging isa, ang isa ay magiging wala, zero, bilog, itlog sa madaling sabi sa loob ng dalawang linggo.

Paanong magpapanggap ang isang teacher na teacher sa isang sistemang tulad nun? Di pa nag-iinit ang puwet ng anak ng tipaklong na ungas, sisipain na siya sa pamantasan at malamang na walang tatanggap sa kanyang ibang paaralan. Bakit naman kailangan ibang paaralan ang magsakripisyo ng kapalpakan niya? Yan ang totoong demokrasya: ang kalayaan ay may katapat na responsibilidad. Wala siyang karapatang ipaglaban ang kayalaan niyang magturo ng mali, mabuhay ng matiwasay sa sapa ng pagiging hunghang at maging masagana sa ulap ng katamaran o kaya'y pagiging blanko ng ulo.

Sistema ito ng accountability. Ang posisyon niya'y may katapat na responsibilidad. Kasama sa responsiblidad na iyon ay ang ekspektasyon na nauunwaan niya na ang propesyon niya'y dapat mag-produce ng matatalinong bata para sa lipunan. Di siya nasa pamantasan upang magpalipas-oras o para masabing siya ay sikat. At alam din iyon ng kanyang mga estudyante. Panahon ito ng demokrasya, at nauunawaan iyon ng kabataan. Pag ayaw nila ng titser nila, nakatambak sila sa library, sinusuyod ang mga librong dapat nilang matutunan. Ibig sabihin, di lamang ang teacher ang may responsibilidad kundi maging estudyante rin. Alam nilang gamitin ang karapatan nilang magbigay ng opinyon sa galing o kawalan ng galing ng isang propesor. Pero di sila nabubuhay o nag-aaral upang ihanap lamang ng sisi ang kanilang sitwasyon. Ginagamit nila ang kanilang demokratikong kapangyarihan upang malayang mag-aral sa silid-aktalan.

Kung kaya nga sa kanilang sistema, publish or perish ang panuntunan sa mga teacher. Di nawawalan ng publikasyon ang mga guro, di lamang para ma-promote, di lamang para magkaroon ng dagdag na umento, kundi iyon ang kanilang papel na kanilang tinanggap at ginagampanan sa kanilang lipunan. Kailangan nilang mag-produce ng bagong kaalaman di lamang para sa kanilang sarili kundi lalo't higit pa ay para sa kanilang mga mag-aaral na kaya ring hanapin ang lahat ng librong nabasa na ng mga guro. Kailangan din nilang maglimbag ng mga bagong libro alang-alang sa lipunan na patuloy ang pag-inog tungo sa pagbabago. Ang pagtaliwas sa tawag ng pagbabago ay akto ng pagkitil sa lipunan, na di papayagan ng lipunang malinaw ang pangarap. Di doon uso ang titser na nagiging DH o titser na biglang nagiging caregiver. Walang bata ang biktima ng pagbebenta ng tusino o ng Avon. Malaking karangalan ang maging titser at malaking pribilehiyo din ang maging mag-aaral ng matitinong mga guro.

Mahusay o hindi ang titser, karaniwang pumupunta sa aklatan ang mga estudyante. At sa dami naman ng libro sa library, bawat isa’y imposibleng di mahanap ang kailangan niya. Maiiwanan pa niya ang mga kinuhang libro sa ibabaw ng mesang napili niya sa anomang palapag ng library. Honesty system ang umiiral. May mga umiikot na propesyunal na staff ang aklatan para tingnan kung ayon sa petsa ay dapat nang ibalik sa mga bookshelf ang librong nahiram at iniiwan sa mesa.

Kapag naman hiniram para iuwi ang libro, madali ding habulin ito ng nagnanais humiram. Nasa computer ng library ang address ng humiram. Madali lang siya i-e-mail o sulatan sa koreo. Kapag tuso siya at di ibinalik ang nire-recall na libro, maparurusahan siya sapagkat iyan ay labag sa kultura ng unibersidad, labag sa etika ng pagiging estudyante sa panahon ng demokrasya.

Di ito nangangahulugang di nag-eenjoy ang mga estudyante. Mali! Bawat kanto sa paligid ng mga kolehiyo ay tadtad ng mga pub kung saan makikita mong nag-iinuman di lamang estudyante kasama ang mga kapwa estudyante kundi pati rin mga propesor kasama ang mga kapwa propersor. Katunayan, gabi-gabing may inuman sa loob ng pub mismo ng mga kolehiyo, at may mga kolehiyong karangalan nila ang matatandang koleksyon ng masasarap na alak mula sa Pransiya o Italya. Ang mga estudyante'y kahalubilo ang kanilang mga propersor! Sa mga pagtitipong ito ipinapanganak ang mga malalaking ideya na yumayanig sa mga haligi ng kasalukuyang kaalaman, kabilang ang mga ideyang nananalo ng Nobel. Sangkaterba ang sinehan at teatro. Gabigabi, umaalingawngaw rin ang mga chamber music at kung anu-anong gawaing pang-kultural. Di naman kasi magkalaban ang seryosong pag-aaral at seryosong pagrerelax.

Bakit di ganyan ang ating pananaw sa edukasyon? Kanya-kanyang papel, kanya-kanyang yugto. Mahabang usapin ito.

Di kita masisisi Rene sa paghahanap mo ng paraan kung paano mapapabasa ang mga estudyante mo. Sa katunayan, humahanga ako sa patuloy mong pagtityaga na iukol ang natitira mong lakas upang ipaunawa sa mga estudyante ang tunay na kahulugan ng edukasyon. Di ko masasabing tama o mali ang iyong ginagawa. Wala akong karapatang maghusga. Sa larangan ng totoong buhay, ang epektibo para sa isa ay maaaring di epektibo sa iba at bise-bersa. May mga pinalayas na rin ako sa klase ko- ang isa pa'y Amboy na anak ng politiko na nagbabasa ng pocketbook sa klase ko habang nakataas ang paa sa silya. May mga tamad din ako na napagalitan, mga suberbiyong nasigawan. Pero siguradong mga nagtanim lang din sila ng galit, bagaman may mangilan-ngilan marahil na malawak ang isipan upang umunawa. Sa naranasan ko, di ko nakuha ang respeto ng mga estudyante ko, kung mayroon man, sa pamamagitan ng pananakot o paninigaw. Para sa akin, pinakamahalaga sa lahat ay respeto: respeto ko sa sarili ko na alam ko ang ginagawa ko- kasama dito ang magkaugpong na kalakasan at kahinaan nito; respeto sa mga estudyante, kabilang ang mataas na paghanga sa mga batang responsable at may matatayog na pangarap sa buhay, at respeto din sa mga kulang pa sa kaseryosohan sa edukasyon o sa buhay sa pamamagitan ng pagbibigay aral, pagbibigay simpatya para sa mga kakulangan nila, pagpapaabot ng pag-aalala ukol sa kanilang kinabukasan.

Alam kong bilang guro ay limitado ako upang baguhin ang isa pang indibidwal. Paano pa nga ba nating babaguhin ang isang buong lipunan kung ang isip lamang ng isang indibiwal na estudyante ay kasing tigas ng mga bato sa Pyramid ng Ehipto? Matigas ang ulo ng kahit na sinong nag-iisip na tao, at di madaling baguhin ang kanyang pananaw. Sabi nga ni Galileo Galilei, “Nothing can be taught to a man; but it is possible to help him find the answer within himself.” Madaling ituro ang gumawa ng komposisyon, magsulat ng isang sanaysay, kung paano mag-komprehend, kung paano lumutas ng mga suliranin sa syensya at matematika, sumagot sa isang eksaminasyon, magtapos ng isang kurso, at kung anu-ano pa. Subalit ang pinakamahirap baguhin sa lahat ay ang pananaw ng isang tao. Walang epektibong sistema ng edukasyon ang makapagpapabago sa isang taong tamad. Sarili niya ang gamot sa kanyang katamaran. Walang matalas na siyensya ang lulutas sa problema ng isang bata o kahit na ng isang matandang walang pangarap. Walang Rene Villanueva ang kakayaning gawing responsible ang lahat ng iresponsable sa lipunang ito. Ang mga taong ito- sila ang mga nakatakdang magdusa sa kasaysayan, ano mang sistema ng lipunan ang maimbento sa mga aklat ng pilosopiya o maging sa imahinasyon ng mga umaasa ng pagbabago tulad mo.

Ang problema mo sa klase ay ang problema natin sa bansang ito. Si Marcos, Cory, Ramos, Erap at GMA din ba ang dapat managot kung bakit ayaw magbasa ng sampu sa iyong mga estudyante? Dala din ba iyan ng kahirapan- di ba’t kung mahirap ka’t nakapasok na sa UP, lalo at higit ka dapat magsikap upang iahon ang iyong pamilya at makatulong sa bayan? Kawalan ba ng libro- naagnas na ba ang napakaraming koleksyon sa main library at sa iba’t ibang library na minsa’y naging tila paraiso sa amin ng aking mga kamag-aral noon? Katamaran ng titser- ikaw pa- di ko maunawan!- ikaw pa?

Minsan kailangan din nating tumigil sa tradisyunal nating pag-aanalisa na nauuwi lamang sa sisihan. Sadyang may mga bagay na maisasakatuparan mo lamang bilang guro kung ang bata sa iyong klase ay bukas ang isip na tanggapin ang ibig mong ipamana sa kanila. Subalit tulad ng isang sutil o lagalag anak, mayron at mayron kang makakaharap na estudyante na duduraan ang halaga ng nais mong ipamana sa kanya. Sa pagkakataong ganito, di natin kailangang maghinagpis. Ang mahalaga'y tinutuloy pa rin natin ang pagganap sa papel na naiatang sa atin ng buhay. Ang mas mahalaga'y nananatili pa rin tayo para doon sa mga anak na niyayakap ang mga posibilidad ng bukas. Subalit ang pinakamahalaga, di tayo susuko sa mga sutil at lagalag sapagkat tungkulin pa rin natin sila sa kasaysayan.

akosianavs said...

Habang binabasa ko ang mga comment ng ilan,iniisip ko lang na suerte pa rin tayo sa pinas dahil ang problema lang ng mga teachers ay tamad or hindi nagbabasa ng mga lectures ang mga students.I am saying this kc dito sa france pate ang respeto ng mga student dito problema ng mga teachers.Napakaraming suwail na student dito sa France lalo na pag tungtong sa high school.Can u imagine na sagot sagutin ka lang ng student mo na 13 yrs old.Im not a teacher pero nakikita ko yan sa ank ko na 14 yrs old na half french and half pinoy.Ang hirap ipaintindi sa kanila na ang respeto ay importante, isa sa value na tinuturo natin sa mga anak ay respeto.Kaya madalas naming pagtalunan mag-ina ang tungkol dyan sa respeto,parang nagpapakaawa ka pa na dapat respetuhin mo ang mga magulang mo na dapat ay natural n lang sa isang pamilya.Anyways gusto ko lang i-share kc nakakaloka pamin-minsan.