Ang pagiging mapagparanas ay tumutuloy sa kakayahan ng sulatin na ipadanas/ ipadama sa tumatanggap ng mensahe ang pahayag ng nagpadala. Sa malikhaing pagsulat o panitikan, kailangan nating tukuyin sa nagpadala at tumatanggap bilang manunulat at mambabasa, at ang pahayag o mensahe bilang akda.
Sa pagpaparanas ng akda, ang mensahe ay kailangang makita, marinig, maamoy, malasahan, at maramdaman ng mambabasa. Sa madaling sabi kailangang madama ng mambabasa ang sinasabi ng manunulat.
Balikan natin ang pangalawang halimbawang karaniwang pagsulat at isalin natin ito sa karaniwang Filipino:
Magandang hapon. Magpunta ka rito. May sorpresa ako sa iyo.
Bago natin ito suatin sa malikhaing paraan, suriin pa natin kung bakit ito ay pagsulat na karaniwang lang.Una, tumutupad ito sa kahingian ng komunikasyon na maintindihan agad; na dagling maunawaan.Ikalawa, ipinauunawa ng mensahe na sa tingin ng nagpadala “maganda ang umaga.” Maaari ding hinahangad ng nagpadala na maging maganda ang umaga para sa pinadadalhan. Alin man ditto ay uubrang kahulugan ng unang pangungusap; ngunit hindi tayo nakatitiyak.
Sa ikalawang pangungusap, maaaring inaanyayahan o pinakikiusapan ng nagpadala ang pinadalhan na puntahan siya. Hindi rin natin natitiyak kung alin; bukod sa hindi natin alam kung saan siya pupuntahan. Maaaring sa bahay, sa isang tagpuan o saan man. Hindi rin natin alam.
Sa huling pangungusap, may sopresa raw ang nagpadala ng mensahe sa pinadalhan.Bukod sa wala tayo munti mang sapantahan kung ano ang sopresang tinutukoy, ang ‘ako” at “iyo” sa pangungusap ay hindi rin natin kilala.
Sa madaling sabi, ang kraniwang pagsulat ay maaaring maintindihan pero iyon lamang. Maraming bagay sa mensahe ang manantiling hindi malinaw o lingid sa atin. Naiintindihan pero hindi lubos na naiintindihan.
Ito ang kakatwa sa karaniwang pagsulat. Maaaring kagyat na maunawaan ngunit kung bubusisiing mabuti ay mas maraming bagay ang hindi natin nauunawaan.
Ito rin ang kaibahan ng malikhain sa karaniwang pagsulat. Higit sa basta maunawaan ang hinihingi ng malikhaing pagsulat. Kailangang mapagparanas at makintal ang panitikan. Sa pagpaparanas, lilinawan natin ang maraming bagay na tinutukoy sa mensahe. Kung sino ang nagpadala at pinadalhan. Kung nag-iimbita, nag-uutos o nakikiusap ang nagpalada ng mensahe na puntahan siya. At maaring maipahiwatig o matukoy kung ano ang sorpresang tinutukoy.
Ngayon, paano gagawing malikhain ang karaniwang pagsulat? Paano gagawing mapagparanas at makintal ang mensahe?
Maraming paraan, pero ang pinakasimple ay ang pagsasabi ng mensahe sa paraang kongkreto. Ibig sabihin, sa paraang ang mensahe ay maaaring makita, marinig, maamoy, malasahan at maramdaman – anoman ang angkop – para maranasan ang mensahe.
Kung mararanasan ng babasa ang mensahe, maaring makintal iyon sa isip niya nang mas matagal-tagal na panahon. Maaaring iwanan ang mensahe sa isip niya kahit matapos ang komunikasyon o pagkaraan ng panahon ng pagbasa.
Bakit mahalaga na ang malikhaing pagsulat ay mapagparanas at makintal? Sa katunayan ang pagiging mapagparanas ay isang paraan upang makintal ang sinulat sa kamalayan ng mambabasa, O ang kabaligtaran nito. Ang pagkikintal ng anoman sa isipan ng mambabasa ay sa paamagitan ng pagpaparanas sa bumabasa ng anomang gustong sabihin ng maunulat.
Samakatwid, iisa ang layunin ng pagiging mapagparanas at makintal ng isang akda, bukos sa maintindihan: ang huwag agad malimot.
Kung totoong maintindihan ang pangunahing layunin ng panitikan, gaya ng lahat ng uri ng komunikasyon, bakit may mga akdang mahirap unawain? Bakit may mga akdang mahirap maunawaan?
Maaaring ang kahirapang maunawaan o maintindihan ay mula rin sa katangian ng panitikan na maging mapagparanas at makintal. Sa pagnanais ng manunulat na maging mapagparanas at makintal ang kanyang akda, ang mga tiyak na detalyeng kanyang ibinibigay – isinusulat – ay labas,kundi man malayo sa karaniwang karanasan. Maaaring napaka-pribado o mula sa natatanging galaw ng kanyang imahinasyon.
Sa pagpipilit ng manunulat na maging kongkreto sa kanyang akda, hindi siya nasisiyahan sa mga detalye ng karaniwang karanasan. Pumipili siya ng mga karanasang naiiba, pambihira, natatangi, labas o malayo sa karanasan ng marami.
Bakit mahalaga sa panitikan ang pagiging mapagparanas at makintal
Dahil lahat ng panitikan ay may layunin, sabihin nating ambisyon, na huwag agad makalimutan ng mamababasa. Layunin ng panitikan na huwag agad makatkat sa kamalayan ng bumasa.
Ibig sabihin ang karaniwang pagsulat ay panandaliang komunikasyon; samantalang hangad ng panitikan ang ugnayang pangmatagalan sa pagitan ng mambabasa, manunulat, at akda.
Ang kahingian ng katraniwang pagsulat na maunawaan o maintindihan ay laging para lamang sa ngayon. Nasisiyahan na ang karaniwang pagsulat sa mismong sandali ng komunikasyon. Hindi interesado ang karaniwang pagsulat na maunawaan siya bukas o sa mas matagal na panahon. Daglian ang layunin ng karaniwang pagsulat. Pangmatagalan, kundi man panghabang panahon ang layunin ng pantikan. Bahagi ito ng tinatawag nating conceit ng literatura o yabang ng panitikan.
Mula rito, kaya bawat akdang-pampanitikan ay masasabing pagtatangka na maging imortal. Bawat manunulat, aminin man niya o hindi; malay man siya o hindi, ay hangad makasulat ng akdang makikipagmatagalan sa panahon.
Saturday, November 3, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
6 comments:
sir, estudyante po ako sa Pamantasan ng Ateneo. Maaari rin po bang ituring na malikhaing pagsulat ang paggamit ng maling gramatiko sa pagsulat? patungkol kasi sa mall ang aming malikhaing pagsulat. At balak ko pong gumamit ng "text language" (i.e. wer n u? d2 n ko.). naisip ko po kasi na tulad ng mall, sikat na sikat din ngayon ang malls. Ano po sa palagay niyo? Ito po ang contact infos ko. rickers2011@yahoo.com -- 09228291066. Hihintayin ko po ang sagot niyo. Salamat po. -Vince Lagarde (1-BFA ID)
may mali po. dapat pala "...tulad ng malls, sikat na sikat din ngayon ang CELLPHONES."
sir. may tanong lang ako po sayo, kahulugan ng pagsulat ba, isa na marahil sa pinakamagandang imbensyon ng tao ang pagsulat.
sir. may tanong lang ako po sayo, kahulugan ng pagsulat ba, isa na marahil sa pinakamagandang imbensyon ng tao ang pagsulat.
Ano po ang historya ng pagsusulat o malikhaing pagsulat? Saan po ito nanggaling?
Post a Comment