Saturday, November 17, 2007

Kumpisal ng isang Guro bilang Mag-aaral

Ngayon ko lang ipagtatapat ito: Akala ng mga kaibigan ko saTelon, tinuruan ko silang magsulat ng dula. Pero hindi nila alam, ako ang natuto mula sa kanila.

1982 nang itatag namin ang Telon Playwrights Circle, matapos ang playwriting workshop na itinaguyod ng U.P. Student Council. Tila lahat kami'y nakatagpo ng kapatid na mahilig ring kumain; magkipaguwentuhan; at manood, magbasa at paminsan-minsa'y magsulat ng dula. Matapos ang ilang linggo, nagpasya kaming pormal na buuin ang samahan at itatag ang Telon Playwtrights Circle. Sa maliit na kuwarto namin sa UPBliss kami regular na nagkikita-kita at nagdadaldalan, nagtatarayan, nagkakainitan ng ulo kung minsan. Hindi maiwasang mapika sa isa't isa kung minsan, pero laging nagtatangkang unawain ang kanya-kanyang idiosyncracies.

Madalas din kaming sama-samang kumain sa UP Hostel at maglakad sa ilalim ng malalagong akasya at kabalyero ng Diliman. Nasaksihan namin ang pagkakagulang at pagbabago ng estado nang isa't isa. May mga umibig at nabigo, at muling umiibig nang parang walang kadala-dala. May mga nakasulat ng dula, may naging makata, may iba ang pinagkadalubhasaan.

Marami kaming karanasang hindi marahil namin mararanasan kundi dahil sa samahan. nagtanghal din kami ng dula. Nagsanay ng mga estudyante. Sumabak sa iba't ibang gawain sa produksiyon, kahit sa simula'y wala kaming alam kung paano iyon gagawin.

Ang panahon namin sa Telon ay panahon ng pagkakagulang. Kaya bawat munting sugat at karampot na tuwa ay nakintal sa aming gunita. Hindi espesyal dahil likas na ganoon, kundi nahahanda kaming magkaroon ng makikintal na karanasal. At maraming kaming kaalamang natatak sa aming kamalayan.

Lalo ang kaalaman tungkol sa dula. Ang totoo, hindi ang mga teknikal na aspekto sa pagkatha ng dula ang natanim sa isip ko, kundi mga kamalayan tungkol sa buhay. Paano magtiwala. Paano mabigo at muling umasa. Paano bumangon at hindi kaagad-agad mawindang sa maraming karaniwang pagsubok ng buhay. Paano bumuo ng tauhan at magpakatao. Paano magpahalaga sa iba at sa kaligayahan. Marami sa halagahan ko ngayon ang malilingon ko sa aming samahan, malay man kami o hindi.

Masasabi ko ring hindi lang ako nakatagpo ng mga kakilala at kaibigan, nabigyan ako ng Telon ng pagkakataon na magkaroon ng mga kaibigang panghabambuhay. Oo, mayrtoon ding mga pagkakaibigang pinutol at tinalikuran, pero bahagi lang iyon ng mas mahalagang leksiyon na natutunan ko sa Telon, ang kung paano mabiuhay.

Sigurado akong may mga darating pa akong bagong kaibigan at ibang samahan, pero lagi ko silang susukatin sa pamantayan ng Telon. Bagaman alam kong hindi mapipigilan dahil itinalaga ng buihay, lihim kong idinarasal na sanay huwag agad bumaba ang Telon.

1 comment:

tim said...

mahal kong rene,

hindi ko akalaing naisulat mo pala ang foreword/introduction sa telon book project. pinakiusap ko nga pala sa iyo ito nung huling nagkita tayo sa kuwarto mo sa fc. akala ko tungkol sa pagsisimula lang ng telon ang isusulat mo, 'yon pala'y buong talambuhay mo na. napakaganda. poetic. sayang di ko agad ito nakita at napuri noong buhay ka pa.

maraming salamat din sa pag-email mo noon sa "kaaway sa sulod" at sa note mo na pinadala mo iyon para ganahan ako sa proyekto. tatapusin ko ito.

magpahinga ka na sa piling ng mga anghel.

tim