Sunday, November 11, 2007

Henesis ng Isang Nobela

(Paimanhin kung medyo may kaguluhan at walang porma ang sumusunod na entry. Talagang magulo ito dahil nagsisailbi itong panimulang tala sa naisip kong isang nobela. Hindi isang munti pero integral na akda ang layok ko dito, di tulad ng ibang blog entries, pero mainam itong dokumentasyon kung paano ako mag-isip tungkol sa isang binabalak na writing project. Kaya lang, gaya ng anomang balak, malaki ang posibilidad na hindiko naman maisulat ang proyektong ito. Pero talagang ganoon. may mga balak na gaano mang kaganda o kabuti ay mananatiling balak lang lamang, at sapat na iyon.)

Binabagabag ako ng kuwento ng batang nagbigti. Habang pinanonood ko ang pagtatanghal ng Wish Ko Lang na nagtampok sa kanyang kuwento, hindi ko maiwasan ang hindi mapaiyak. Kunsabagay, hindi naman kayaka-taka iyon dahil hindi lang sa sadyang napakaiyakin ko, kundi marami talaga ang nabagabag ng pagpapakamatay ni Mariannete. Bakit nga ba lubhang nakatitigatig ang pangyayaring iyon?

Una, bata - biruin mo, bata ang nagpakamatay. Bata ang pumuti sa sariling buhay! - bata ang kay agang pinanawan ng pag-asa at ng lakas na makipagtagisan sa buhay. Hindi normal ang ganitong bagay. Dahil hindi dapat nagpapakamatay ang bata. Ang karaniwang larawan natin sa mga bata ay bilang pag-asa. Pero si Mariannete ay nagsilbing imahen ng desperasyon.

Pangalawa, parang lahat tayo ay hindi makakaiwas na hindi maging responsable sa kanyanyang kamatayan. Parang bawat isa sa atin ay may kasalanan, at nais nating iiwas ang ating mga mukha sa paninisi ng ating konsensiya. Gusto nating pangatwiranan ang ating mga sarili para makapahugas tayo ng kamay. Pero hindi puwede ang gayon, dahil nga bata ang namatay at ang bata ay laging panmanagutan ng buong lipunan.

Bago ko nabalitaan ang nangyari kay Mariannete, pinag-iisipan lo kung anong kuwento ang mabubuo ko sa balita tungkol sa batang natagpuang patay sa loob ng isang maleta. Hindi ko na alam ko ano ang naging wakas ng kasong iyon. Halos kasabay niyon ang kaso ng batang tumalon sa kanyang paaralan sa Malate, matapos ipagtapat sa ilang kaklaser na siya'y biktima ng pang- aabuso.

Naiugnay ko ito sa konsepto ni Mebuyan, ang diyosa na maraming suso at kumakalinga sa mga patay na batang naglalakbay tungo sa kabilang buhay. Bakit mayroon tayong ganitong karakter sa ating sinaunang mitolohiya. Siguro, kinukupko ni Mebuyan ang mga patay na bata para bigyan ng kalinga at huwag manimdim sa pagkawala ng kanilang mga magulang.

Maaaring ang nobela ay pamagatang "Mga Apo ni Mebuyan" at magpapakita na higit na kaawa-awa ang mga batang nanatiling buhay kahit pinanawan ng mga pangarap: mga batang nakikipaglaban para basta lamang makaraos. Mga batang buhay nga pero mas masahol pa sa mga batang patay o nagpakamatay. Masahol pa sa mga batang pinatay. Sila ang tunay na mga batang isinumpa. Sila ang mga apo ni Mebuyan na naiwan sa ibabaw ng lupa.

7 comments:

Unknown said...

Rene, ayos yan! Andito lang pala ang blog mo. Tinuro sa akin ni Elmer G.

Side note to give an added dimension: ayon sa isa kong kaibigang reporter, hindi malinaw kung suicide nga ba ang nangyari. Kasi, di naman suicide note yung sulat niya sa Wish Ko Lang. And neither were yung mga daily journals niya sa class.

Sabi pa nung bubwit, someone na nagsusulat tungkol sa kanyang kahirapan ay biglang magpapakamatay na walang iniiwang note?

Rene Villanueva said...

Salamat!
Ang ironic dito, gumaganda ang kuwento pero hindi ang totoong bihay. Oo, posibleng hindi suicide; walang kaso dahil sa suicide din tutuloy ang totoong buhay. Maaaring hindi si Manette, pero pasasaan ba at mayroon ding magiging Mannete. Nakakikilabot pero yan ang pupuntahan ng ating kuwento. At nakakainis kasi hanggang kuwento lang ako. baka nga kahit iyon hindi ko magawa e.
RENE

Unknown said...

Sir! May blog pala kayo! Sa wakas pede ko nang basahin ang mga gawa ninyo bukod sa mga libro ninyo!

Nagpapakilala po, Dustin Carbonera po ito, kapatid ng kaibigan ninyo at dating kasamahan sa Batibot na si Ate Ohnny (Gina) Bensan. Siya rin ang nagpakilala sa akin at sa inyong libro.

Unknown said...

At patungkol naman po sa usapin na si Mariannette Amper, tunay nga pong nakakaawa. Nabigla din ako sa nangyari sapagkat hindi ko matanto kung bakit ang isang bata, ay nagpakamatay.
Nagulat ako kasi minsan talaga, pag nabubuwisit sa buhay ay ninanais ko na lamang pong maging bata, dahil nga walang problema, magaan ang pamumuhay ganun. Pero sa kasong ito, kalunos-lunos na sa murang edad ay yun na agad ang kanyang naging desisyon upang makatakas sa mga kahirapang nadarama... :'c

Rene Villanueva said...

Dustin,
Malaking karangalan sa akin ang makilala ka. Mapalad si Ohnny at may kapatid siyang tulad mo: matalas dumama at malawak ang pang-unawa. Huwag ka sanang magsawa sa pagbisita sa aking blog.

Taoismo said...

elo kuya rene,
si argel po ito. ako naman po nag-iisip kung paanong magkaroon ng bagong direksyon ang aking panulat.lagi na lamang kasing dark ang ang mga dulagn naisulat ko. laging desperasyon at kamatayan ang kinahihinatnan. at ang isipang pabalikbalik sa akin ngayon ay ang mag-adapt ng mga kwentong pambata. parang gussto kong lunurin ang isipan ko ng mga positibo, magaan at may pag-asang mga bagay para makapagsulat din ako ng mga dulang ganoon.

nakita ko ang bagong labas nyong kwentong pambata-rizal at bonifacio. mukahng interesante. at panalo pa rin ciempre para sa akin ang "buhok ni lola". gusto ko kasi ang pakakapili niyo ng mga salita. ewan ko po pero gusto ko talagang magkaroon ng bagong direksyon ang aking panulat. nasa mga kwentong pambata na nga kaya ang kasagutan?

take care po.

Unknown said...

hindi po ako magsasawa kasi, pasensya na ha, pero kasi talagang kayo ang paborito kong manunulat. hehe.
dati nga tinry ko kayong hanapin sa UP kasi sabi ni ate ohnny tas hindi ko kayo nakita.