Wednesday, November 21, 2007

Ebolusyon ng Isang Playwright 1

Sabi ni Aristotle sa mimetikong aksiyon at usapan nagsimula ang lahat. Sa likas na hilig ng tao na manggaya. Kaya sinasabing sa kanluran, mimesis ang simula ng dula. Ang lahat ay bukal ng mapaglarong diwa, ng kamalayang gaya-gaya at mapanudyo.

Ngunit para sa aking personal na karanasan, hindi eksaktong-eksakto na gaya ng sabi ni Aristotle. Ang buhay ko biulang dramatista ay mula sa pagkahaling ko sa mga ma;igno.
Bata pa raw ako, kuwento ni nanay, kinilabutan na siya sa akin. Naghinala na siyang hindi lamang ang aming mga kapitbahay ang kalaro ko at hindi lamang ang maliliit na plastik na karaniwang gamit sa pang-araw-araw na buhay ang aking mga laruan at aliwan, kundi pati mga nilalang at bagay na di nakikita ng kanyang dalawang mata pero walang tigil kong hinuhunta kapag nalingat siya at ako ay nabayaan niyang nag-iisa. Sa mga karaniwang makakita sa akin, ang konklusyon nila'y kinakausap ko lamang ang sarili ko.

Hindi ganoon ang hinala ni nanay. Hindi ako basta nagsasalita nang malakas o nakikipag-usap sa sarili. Mayroon talaga akong kinakausap na nagkataon lamang na hindi niya nakikita kaya hindi niya mapagsino. Akala ng iba, pinaglalaruan ang ng duwende. Marami ang may sapantaha na pinagpapakitaan ako ng mga lamang-lupa na noong unang mga taon ng dekada 60 ay kung bakit naman parang kuyog na nanirahan sa La Loma.

Kadalasan, nasa isang sulok ako. nakaharap sa panulukan ng dalawang halos kulay-itim at kahoy na dingding. Kalaunan ko na lang malalamang sa madidilim na sulok tulad nito pinaniniwalaang may pintong lagusan ang mga maligno, duwende, at mga lamang-lupa.
Lumilitaw sila sa mga singit-singit ng palapa ng dingding. Iniluluwa ng maliliit na butas ng mga hugpungan.

Upang batiin ako. O tiyaking hindi kahabag-habag kahit para sa isang batang tulad ko ang mapag-isa. Ngingiti sila. Kakaway. At mapapaungol ako. Nanlalaki ang mga mata. Mapapalingon sa paligid upang maghanbap ng kasama. At mapapansin kong ako'y nag-iisa o naroon man si nanay ay nakatungo naman sa kanyang tinatahi kaya para ring wala akong kasama. Saglit akong matatakot. Magpapagibik ako. Pero mananatili lang si nanay sa kanyang walang imik na pagkakayuko sa karayom at sinulid at kakawayan ako ng maligno. Ngingitian. Pasrang sinasabing "Huwag, huwag kang matakot. Kalaro mo kami."

Mapapatango ako. At noon magsisimula ang aming usapan. Sa gayon, nagsimula ang buhay para sa akin. Ang buhay ay walang katapusang diyalogo.

Na nagsimula sa pakikipag-usap ko sa mga maligno.

2 comments:

Unknown said...

bwahaha. taob si artistotle sa iyo!

Unknown said...

we will miss you sir rene...