(Maluwalhating natapos ang kasong isinasalaysay ko rito. Nabigyan din ako ng medical clearance ng UP infirmary para magkaroon ng tenure. Kasalukuyang pino-process ang mga papeles ko. Marami pang ibang nangyari matapos ito: na-stroke ako noong April; pinag leave ako mula sa pagtuturo; nagbabanta ako na muling magturo ngayong ikalawang semestre; at marami pang iba.Bago pa ako mag-blog, naipangako ko sa sarili na ibibilang ko ang maikling salaysay na ito na sinulat noong February 21, 2007 sa aking magiging blog. Kaya heto ... )
Galit ako. Galit na galit. Hindi siguro mauunawaan kahit nino kung gaano ako kagalit ngayong araw na ito. Pero gaya nang lahat ng nakaraang galit ko, hanggang galit lang. Makaraang maibuga, galit pa rin. Kahit nailabas na, naroon pa rin. Kahit lumipas na, maiiwan lang ako ng galit na parang batang pinagtampuhan ng laruan. Pagkaraan ng lahat, ang batang iyon din ang maiiwang nag-iisa, malungkot at malamang ay nagsisisi kundi man naiinis sa sarili. Parang gutom na taong nagtampo sa bigas.
Kailangang linawin ko ang mga pangyayari.
Kanina, nalaman kong hindi ako mabibigyan ng clearance ng UP Infirmary dahil sa aking diabetis. Kailangan ko nang clearance para sa tenure, sa permanency. Hindi naman ako nasorpresa. Ang totoo’y parang nakikini-kita ko nang mangyayari ito noon pa mang Disyembre. Ang totoo’y mas malala pa rito ang inaasahan ko.
Ang sabi ng doctor na tumingin sa mga resulta ng kung ano-ano laboratory tests ko, kailangan kong komunsulta sa aking diabetologist. Kay Dr. alip na noong Disyembre ay nagreseta sa akin ng gamut para sa aking diabetes. Glucobay. Isang gamut na nakakautot. Napa-ha? ako nang ireseta iyon sa akin. Pero wala siyang ipinaliwanag kahit ano. Basta, kailangan kong inumen kasama ng Diamicron atiba pang gamut. Dahil Disyembre at wala naming pasok, sinunod ko ang reseta. Kagagaling ko lang sa ospital at kailangang ipskita ko sa pamilya ko na hindi ko naman pinababayaan ang sarili ko. Para hindi naman masayang ang panahon at pag-aalala nila sa akin.
Natapos ang Disyembre. Nag-umpisa uli ang klase. Utot pa rin ako nang utot, gaya nang dapat kong asahan, ayon kay Dr. Alip. Minabuti kong ihinto ang pag-inom ng gamut. Tutal, kokonsulta akong muli kay Dr. Alip. Hihingi na lang ko ng bagong gamut, naisip ko. Nang komunsulta uli ako, nakiusap ako kay Dr. Alip na palitan ang naka-uutot na gamot.. Hindi raw puwede. Wala nang paliwanag na ano pa man. Sinabi ko ang problema ko, na nauutot ako sa klase. Na hindi ko yata kayang ayusin ang diabetikong kondisyon ko, kapalit ng kawalan ng mukhang ihaharap sa aking mga estudyante. Pero hindi raw puwede.
Para hindi ako mautots sa klase, itinigil ko ang pag-inom ng gamot. Pansamantala, nawala ang problema at pag-aalala ko. Hanggang kaninang umaga nga. Ngayon’y hindi lamang pagkawala ng mukha ang pinoproblema ko, kundi ang posibleng pagkawala ng trabaho. Ang posibleng pagkatanggal mula sa pagtuturo sa UP. Kahit patuloy akong nag-aaral para sa doktorado, kahit patuloy akong nagsisikap pagbutihin ang pagtuturo ko. Sa kabila ng aking diabetikong lagay, nagagampanan ko naman, palagay ko, ang tungkulin ko bilang guro.
Pero baka hindi na sa mga darating na buwan. Dahil hindi na ako puwedeng magturo kung hindi ako mabibigyan ng tenure.
Kailangan ko raw makiusap kay Dr. alip, sabi ng doctor na may hawak ng mga papeles ko. Ipinaliwanag ko ang sitwasyon. Pero, ganoon pa rin, kailangan kong makiusap kay Dr. Alip.
Sinabi kong nakiusap na ako pero hindi ako pinakinggan. At wala akong maisip na dahilan para sa pangalawang pagkakataon ay pakinggan niya.
Naisip ko: bakit ako niresetahan ng gamut na nakauutot? Bakit kailangan kong mag-uutot? Hindi naman sinabi na gaya ng blood sugar, i-monitor ko ang utot ko. Hindi naman ipinaipon sa akin ang utot ko para madala at masuri sa Infirmary. Bakit ko kailangang mag-uutot? Maiintindihan ko kung kailangang alamin ang velocity ng utot ko para sa pagsusuri ng aking kondisyong medical. O kahit ang tunog o amoy ng utot ko. Pero wala naman. Kahit na noong nakiusap akong palitan ang gamut, hindi pa rin ipinaliwanag kung bakit ang inireseta sa akin ang magiging dahiln ng madalas at di-mapigilang paglalabas ng masamang hangin. Basta lang.
Kaya ayaw ko na muling makiusap. Dahil bingi ang doctor ko. Hindi bingi sa pandinig. Dahil kung mahina lang ang pandinig niya, baka magamot siya ng hearing aid. Hindi ‘yon ang problema niya. Bingi siya sa katwiran. ASyaw niyang tanggapin ang paliwanag ko. Ayaw niyang pakinggan ang hinaing ko na sa halip bumuti ang kalagayan ko, lumalala lamang dahil binibigyan ako nito ng stress, bukod sa kahihiyan ang pag-uot sa klase. Kung hindi lamang absurbo ang sitwasyon, makukuha ko rin sanang tawanan gaya ng reaksiyon ng mga kaibigan ko tuwing ikukuwento ko ang aking problema.
Para sa akin, walang nakakatawa sa sitwasyon. Hindi katawa-tawa ang posibleng pagkatanggal ko sa Unibersidad dahil ayoko nang umuutot ako sa klase.
Mas mabuti bang umuutot sa klase kaysa hindi? E bakit ako pinapautot?
Pumasok sa isip kong ang pamagat ng pelikulang “Bukas, Luluhod ang mga Tala” para paglubagin ang loob ko. Na balang araw, mabibigyan din ng katarungan ang katawa-tawa kong kalagayan at problema ngayon.
Kaya? Lumuhod nga kaya ang mga tala bukas. Pinangsumping o ang aking dalawang daliri.
Saka ko naalala. Sa pelikula lang maaaring lumuhod ang mga tala. Hindi sa totoong buhay. Paano luluhod ang mga tala samantalang wala naman silang tuhod. Ni wala nga silang mga paa.
Kaye heto na naman ako sa aking di-matingkalang galit. Galit nag alit. Sinisisi ko ang sarili at lahat-lahat.sa aking katawa-tawang kalagayan. Ayoko lang namang mautot.
Mahirap bang intindihin iyon?
Sa lupalop ng Pamantasan ng Pilipinas, ng pinakamagaling na unibersiad sa bansa, ng unibersidad na nangangalandakan ng konsensiya para sa bayan – magdusa ka
kung hindi ka matanggap para permanenteng makapagturo dahil ayaw nila ng propesor na nagpipigil ng utot.)
Tuesday, November 6, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
Rene,
Sa lahat ng mga gawaing boluntaryo na gagawin ko at magsasakripisyo, kasali dito ang pagtuturo.
Sumabak din ako sa UP bilang lecturer sa Journ. Labor of love, love of labor talaga. Kusang-loob kong tiniis ito dahil ginamit kong release sa aking nakakabuwang na day job noong panahon na iyon.
Yung sweldo ko, pang-taxi ko lang mula sa opisina papuntang UP at pauwi sa bahay.
Nakakataba lang ng puso talaga pag nakikita mong kumikinang ang mga mata ng mga mag-aaral dahil inspired sila sa lecture, at tuwing evaluation, matataas ang markang binibigay! Okay din yung dean namin dati (Luis Teodoro) na laging nagpapakita ng appreciation nya sa aming gawa.
Yung isang kilala ko, isa ring guro sa Mass Com at magaling din. Ipo-promote na dapat pero marami daw nag-block ng promotion dahil "masyadong bata" pa, despite the fact na maganda ang feedback. Dahil dun, di siya mabigyan ng medyo mas mataas na sweldo. Iniwan niya ang UP (at kinutya pa siya ng iba dahil biglang umalis).
Ako rin, di ko na matiis yung problema ng sistema at kababaan ng bayad. Tumigil din ako sa pagtuturo at nag-full time na sa consultations at business. Nung na-miss ko ang pagtuturo, second priority na lang ang UP sa akin dahil sasama lang ang loob ko. Sa Ateneo na lang ako ngayon hehe.
henyong rene :)
nung araw po na isinulat n'yo ito ay araw po ng aking kapanganakan...
isang kagalakan at karangalan na mabasa ko ang dito ang mga personal n'yong kaisipan sa mga bagay-bagay... PANSARILI MAN O PANGLIPUNAN...
marami pong salamat, mula sa isang tagahanga.
kilala ko po kayo base sa mga nobelang itinuro sa akin noon nung ako'y nasa kolehiyo pa.
nagtapos po ako ng batsilyer ng artes sa filipino...
Post a Comment