Monday, November 19, 2007

Bgayong Gabi, Nakatabi Ko na ang Pasko

Ilang araw ko nang pinagsusutpetsahang siya'y darating. Ilang gabi ko na siyang inaabangan. Katunayan, ilang umaga ko na siyang pinakikiramdaman. Alam kong di siya kakatok. Hindi manggigising para magpa-Tao po pero natitiyak kong magpapagibik siya kapag dumating.

Inaasahan kong hahawiin niya ang kumot na nakalatag sa aking paanan. O pauusugin ako sa aking pagkakahiga. baka nga mapilitan akong mamaluktot o yumakap nang mahigpit sa aking lumang dantayan.

Pero hindi pa rin mawala ang aking pag-aalinlangan. sa kabila ng aking pag-aabanga at katiyakang susulpot siya, ilang araw na akong tila pinaglalalangan ng aking pinakahihintay. Pagbukas ko ng radyo kinaumagahan ay matatanto ko na mali pala ang aking sapantaha. Hindi siya ang dumating. May bagyo sa Bangladesh o sa hilaga o saanman kaya naninigas na naman ang aking mga paa at tila nakakita ng multo ang namumutla kong mga palad.

Hindi tuloy maiwasang sumagi sa isip ko na maeahil, ang pagkakamali ko'y hindi maiiwasang bahagi ng pagtanda. Ipinagkakanulo na ako ng aking pandamdam.

Di gaya noong bata pa ako. O noong barta-bata pa. Agad kong nahuhulaan ang kanyang pagdating. Hindi ko siya ipinagkakamali sa iba: hindi sa ulan, lalo sa bagyo.

Nong araw, kilalang-kilala ko ang lamig ng kapaskuhan dahil iba ang haplos nito sa aking mukha at binti kaysa sa lamig ng tikatik o malakas na ulan. Iba ang amihan ng Disyembre kaysa hanging dala ng bagyo mulang pasipiko o Dagat Tsina.

Pero kanina, tanghali pa lang ay naramdaman kong nariyan na siya. Bahagya ko ngang sinisi ang sarili ko kung bakit nagmatigas ang ulo at hindi nagbaon ng panggonaw. At hindi ako niloloko ng aking balat. Bahit galing ako sa silid na may air-con. o kahit na nasa labas kami at ang mga bakanteng baso ng kape ay nililipad ng hangin mula sa aming mesa. iba ang lamig ng pasko sa lamig ng air con, sa lamig ng bagyo, sa basta lamig.

Nang mahiga ako para matulog, buong pag-asam ko pinakinaramdamang muli ang pagdating niya sa bahay. Binalak ko pa ngang magpahid ng virgin coconut oil para iligtas sa panlalamig ang aking mga paa. Pero sa huli, pinigil ko ang sarili ko. Maano kung ginawin. Hindi ba't ilang araw ko nang hinihintay-hintay ang lamig ng pasko. Nakahiga na ako at nakakumot nang marahang-marahan kong naramdaman ang pagtabi niya sa akin sa higaan. Nakangiti akong nagpalipas ng maraming sandali. alam kong pagkaraan ng ilang minuto, hindi niya mapipigil na ako'y yapusin at siilin ng buong lambing.

Tila nahihibang kong dinukot ang aking singit upang kanlungin ng init niyon ang aking palad. Sa walas, hindi ako nabigo. Batid kong katabi ko na ang lamig ng pasko.

1 comment:

Unknown said...

nakakatuwa nga at malapit na ang Pasko. Marami na ang mga sensyales ng pagdating ninyo kaya binabati ko din po kayo ng isang Maligayang Pasko!
KUng hindi ninyo mamasamain, mag-iiwan po ako ng link para makita ninyo din ang aking blog. Hindi po ako ganun kagaling pero para po makita ninyo din ang akin mga saloobin.

http://tinomania17.blogdrive.com