Saturday, November 3, 2007

Abg Hilig ko sa Dula

Dati, natitiyak kong ang buhay ay pagtalunton sa mga kaharap na landas, nagsasanga o paliko minsan; minsa’y putol at wala nang malulusutan. Maraming taon na ang nakaraan, sigurado akong ang hilig at pagkatuto ko sa dula ay bunga ng mga hinarap kong landas. Palihan sa unibersidad. Pakikipagdaup-palad sa mga guro sa teatro at dramatista. Panonood ng mga palabas. Pagsali sa pagtatanghal, mga proyektong pangklase noong inaambisyon kong maging iskolar at intelektuwal.
Pero may angking liwanag pala ang pagtanda. Tulad ng sinag ng bukang-liwayway,. Nagpapaaliwalas sa mga bagay na kubli, di-kita, o mga bagay na karaniwan, di-pansin.
Gaya ng bugtong ng dula sa buhay ko.
May mga sagot na ako kung paano naantig at yumabong ang hilig ko sa drama. Maiisa-isa ko ang mga unang karanasan ng panonood ng sine, stage show, at telebisyon. Mas nauna, ang pakikinig ng radyo at pagbuklat sa mga pahina ng komiks at magasin.
Iyon na iyon, alam ko. Kailangan na lamang ng kaunting borloloy, para maging mas madula at maramdamin. Tulad ng kapirasong tinik, walang kibo at inosente. Ngunit lingid sa lahat ay mapagmatyag, may subersibong subyang sa tangkay ng rosas.
Paano nga ba nakanti at umusbong ang hilig ko sa dula? Kailangang magsimula sa kuwento; alam kong ang dula ay kuwento. Iyon ang unang alam ko. Lagi akong nakatutuklas ng kuwento sa dula. Aksiyon din nga pala, nalaman ko pagkaraan. Aksiyong kasinghaga ng kuwento.
Pero saan mula ang kuwento at aksiyon, ang bighani ng kambal na balani ng dula. Ang kuwento ba’y likas na bahagi ng kakayahang umusal ng mga salita? At paano ang aksiyon?
Si tatay ang unang nagregalo sa akin ng kuwento, kahit hindi siya makuwento o nagkukuwento. Dinadala niya ako sa Clover Theater at Opera House para manood ng stage shows, minsan isang taon, lalo kung Mahal na Araw at palabas ang Kalbaryo ni Hesus. Walang palya, lingo-linggo, siyang bumibili ng Liwayway o umaarkila ng komiks. Pinapayagan niya akong makinig ng radio. kahit hindi ko mapuno sa pag-igib ng tubig ang dram.
Si nanay. Ay, ang tahimik, napakatahimik kong nanay. Minsan, ipinagtataka ko kung may dila siya o kakayahang magsalita. Ang regalo ni nanay ay katahimikan. Pagkalaki-laki, pagkalawak-lawak na katahimikan. Madalas mang akalaing aba ay katahimikang iyon, napuna kong napakagaling at napakaringal. Kinuyom na labi, mariin, kulubot lalo sa magkabilang sulok. Kunot na balat sa pagitan ng nagsalubong na kilay, manipis na parang tari ng manok, kahit dio inaahit o isa-isang binubunot. Naninigas na leeg. At katahimikan. Walang katagang katahimikan.
Iyon pala ang mga bukal ng interes ko sa drama. Ang salita, mula sa tatay kong nagregalo sa akin ng mga kuwento, kahit hindi siya makuwento o nagkukuwento. Ang aksiyon, mula sa nanay kong puno ng katahimikan, ng pipi ngunit matatas, napakatatas na aksiyon.
Naunawaan ko ring ang buhay ay di lamang o laging pagsulong. Mahalaga rin ang paghakbang paurong.

3 comments:

Emeniano Acain Somoza, Jr. said...

Ang sarap naman basahin nito. Alam nyo po sana may magpresentang salin ang mga lika ninyo para sa maihatid sa ibang bahagi ng mundo at malaman ng lahat na mayroong makulay at malikhaing manunulat dito sa Pilipinas. Mabuhay po kayo!

Rhodge said...

Ser Rene! Naiinis po ako sa sarili ko sapagkat hindi po ako nakarating sa lecture ninyo sa LIRA noong October 21. Fellow po ako ng LIRA ngayong taon at marami po sana akong nais itanong sa inyo tungkol sa mga nababasa ko dito sa blog ninyo. Natunton ko po pala ang blog ninyo mula kay Ser Egay Samar. Hayaan ninyo po akong mag komento sa mga susunod kong pagbisita sa blog ninyo. Sulat lang po ng sulat!

Rene Villanueva said...

nov 6,
Kay mn yano at rhodge,
Maraming salamat! Totoong hindi naman kailangan ng manunulat ng mambabasa para magpatuloy siya. Pero napakalaking kasiyahan sa akin na malamang hindi lang ako may mambabasa kundi mambabasang nag-aabala pang magbigay ng komentaryo.