Thursday, September 20, 2007

Maligayang Pagbabalik sa Mundo ni Tony Perez!

Nagkataon lang na napadaan ako sa booth ng anvil nang huling araw ng Bookfair. Hindi ko akalaing makikita ko roon ang isa sa paborito kong manunulat, si Tony Perez. Agad na pumasok sa isip ko na booksigning iyon para sa mga nanalo ng National Book awards ng Manila Critics Circle. Naroon din ang mag-asawang Mario at Alma Miclat. ilang sandali pa'y magkasunod na dumating sina Gwenn at Karina. Sinamantala ko ang pagkakataong bumili at magpapirma na rin ng bagong libro ni Tony, dalawang manipis na koleksiyon ng horror stories, ang "Maligayang Pagdating sa Sitio Catacutan."
Matagal ko nang paboritong awtor si Tony. Hindi lamang ako hanga sa laging matalino niyang pagkukuwento, nabighani rin ako sa ambisyon niyang maka buo ng isang "sistine Chapel ng mga salita," o isang katedral ng mga kuwento." kaya sa tuwing matunghayan ko ang panibagong akda ni Tony, pakiramdam ko' isang bahagi ng katedral ang napagtagumpayan na naman niyang mabuo. May laging matimyas na affinity sa akin ang mga manunulat na may dakilang ambisyon. At marahil iyon ang pangunahing dahilan kung bakit isa akong Tony Perez fan.
Muli, hindi ako nabigo sa pinakabago niyang aklat. Naroon pa rin ang dating halina ng mga hinahangaan kong paraan ng pagkukuwento. Mayaman sa detalye; hindi ka maliligaw dahil laging malinaw at makatotohanan ang heograpiya ng salaysay na nakadagdag sa pangingilabot ng mambabasa.). May sikolohikal na lalim ang mismong kuwento bukod pa sa mga tauhan. At laging may dating na kontemporaryo (di lamang dahil sa panahon, pati sa wika rin).
Idolo ko si Tony Perez, hindi lamang dahil sa pagsisikap niyang bumuo ng katedral sa pamamagitan ng wika. Isang katedral na masisilungan ng kaluluwa ko at ng iba pang mambabasa. Idolo ko rin siya dahil nilinang ng galing niya sa akin ang pananaghili na magsikap ding maging tagapagtayo ng katedral.
Salamat, Tony.

1 comment:

Unknown said...

Hi Rene! Nagtext si Tony sa akin 2 days ago na siya ang Powerbooks Author of the Month. Kinongratulate ko at sinabihang: Rene wrote about you being his idol at binigay ko ang website na ito. (Meron din akong sinulat sa site ko tungkol sa book signing niya at meron din tungkol sa iyo: timdacanay.multiply.com)