Sigurado akong kabilang ang pangalan niya sa maraming pangalang ililibing ko sa limoy pagkaraan ng ilang linggo o buwan. kabilang siya sa maraming estudyante ng physical theraphy na tumutulong sa akin na manumbalik ang lakas ng aking katawan, matapos akong makaranas ng stroke noong Abril. Halos tuwing ikalawang linggo ay nagpapalit ako ng therapist.
Gaya ng dapat asahan, iba-iba sila ng ugali at pagkatao. Mauroong halos di mag-iwan ng impresyon dahil laging tahimik at magtanong man ay halatang para lamang mapunan ang kahingian ng kurso. May alam mong pagod na kaya walang gana. Maaaring may gustong makipaf-usap pero nauunahan ng hiya o takot o anomang nagpapaumid ng kanilang dila.
Pero iba si Cris. Bukod sa makuwento, born-again Christian siya kaya mabilis sumipi mula sa Biblia.
Kaya habang kinokoryente niya ang hita ko, may inaalala siyang Bible passage. Isinalaysay din niya ang kuwento ng dating pasyente sa National Orthophedic Hospital na inagaw ng sakit na cancer sa gulang na 21 taon. Humingi rin siya sa akin ng permiso na makapagdasal. Pumayag ako. Ngunit habang ginagawa niya ito, napabungisngis ako. Napahiya ako sa aking sarili at humingi ako ng paumanhin kay Cris. Naisip kong maaaring kapag may makakita sa amin ay baka isiping namamaray na ako kaya dinarasalan o binibigyan ng extreme unction. Bago matapos ang sesyon, humingi siya ng permiso na maawitan ako. Habang kumakanta si Cris, muli akong napahagikhik. Pagkaraan ng ilang minuto tapos na ang rehad session.
Hindi ako sigurado kung muli ko siyang makakaengkuwentro. Natitiyak kong mapalad ang mga magiging pasyente ni Cris, Hindi lanang siya nagsisikap manumbalik ang lakas ng kalamnan ng pasyente, sinusuhayan din niya ang humapay na lakas ng kanilang loob.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment