Ano ang papel ng sariling talambuhay sa pag-aakda?
Naitanong ko ito dahil naging paksa ng aming usapan sa aming ginagawang workshop. "Isusulat ko ang secrets ng mga kaibigan ko," naniningkit sa tuwang sabi ng isa. "Tiyak na hindi ako mauubusan ng material," sabad naman ng isa na tila nagbabantang sumulat ng trak-trak na libro.
Bago magkagulo, sinikap kong linawin ang gusto kong sabihin.
Una, mahirap iwasan ang paggamit sa mga detalye ng sariling buhay sa pagsusulat ng kahit ano.
Pero nagdududa ako na ang isang bagitong manunulat ay dapat magsimula sa mga bagay na personal o awtobiografikal. Batid ko ang katwiran kung bakit marapat magsimula sa mga bagay na personal. Mas kilala ito ng manunulat. Laging mainam ang magsimula sa mga bagay na pamilyar. Pero kadalasan, bukod sa pamilyaridad ay wala nang ibang pinanghahawakan ang manunulat. Higit sa lahat, maaaring sahol pa siya sa karanasan sa pagsulat kaya baka masayang lamang ang materyal. Sa akin, mainam na pagpraktisan ng isang manunulat ang mga bagay na hindi niya alam o wala siyang pamilyaridad.
Sa ganito, pipilitin siya ng di-kilalang materyal na manaliksik o pairalin ang kanyang imahinasyon. Isang mabigat na hamon lalo sa isang nagsisimulang manunulat ang pagtitimbang sa kung ano ang totoo at pagpapairal ng imahinasyon. Minsan, nagiging kampante ang isang manunulat dahil ang sinulat niya ay batay sa totoong pangyayari. Pero sa pagsusulat, naniniwala akong kahit ang katotohanan ay nararapat yumukod sa ngalan ng haraya o imahinasyon. Ang mundo ng akda ay hindi lamang mundo ng katotohanan. Higit sa lahat ito ay mundo ng sagimsim, ng panaginip, ng katotohanang lantay kahit hindi lantad.
Sa isang banda, hindi rin naman talagang maiiwasan ng manunulat ang paggamit sa mga awtobiografikal na materyal. Ito ay bahagi ng bawat himaymay ng kanyang pagkatao. Ito ang lenteng gamit niyang pananglaw sa mga bagay na kanyang namamasid at nadarama, kaya paano niya ito maiiwasan o maitatatwa?
Saturday, September 15, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment