Isang minimithing kasanayan ng sinomang manunulat ang kakayahang lumikha ng isang kapani-paniwalang tauhan. Isang tauhang kagyat na makikilala ng mambabasa dahil totoong-totoo; hindi lamang parang may mahahawakang buto at laman, may maaaninag pang kaluluwa.
Kaya isa sa pinakamahalagang leksiyon sa larangan ng pagsulat ang paglikha ng kapani-paniwalang tauhan.
Maraming paraan pata magawa ito. Sa drama halimbawa, isang hamon ang paglikha ng three dimensional character. Isang tauhang binubuo ng mga katangiang panloob, panlabas, at pangkaligiran. Nakatutulong din ang paglikha ng talambuhay para sa nilikhang tauhan, lalo ang paglalagay ng detalue sa buhay na magbabasbas sa kanya ng kasalimuotan. Dahil pinaniniwalaang ang totoong tao kailan man, ay hindi payak; hindi pitch black o lily white.
Marahil dito rin nagmula ang paniwala na para maging makatotohanan at kapani-paniwala ang isang tauhan, kailangan nilang magkaroon ng mga kahinaan. Inilalarawan nating taong-tao ang isang tauhan kung siya'y may kahinaan, napadadala sa tukso, napasusuko ng mga pagkakataon, marunong tumanggap ng kayang mga pagkakamali.
Hindi alo lubos na sumasang-ayon sa ganitong pananaw sa tao. Bakit ihahanay ang pagiging tao sa pagiging mahina? sa pagkilala at pagdiriin sa kanyang mga pagkukulang at kahinaan? Hindi ba't ito ay mababa at mababaw na pagtingin sa isang tao?
Kung laging igigiit ang kahinaan ng tao upang patunayan ang kanyang pagkatai, ito ay tila pagkukulong sa tao sa kanyang katangian bilang hayop. Mabuti lamang siya ng kaunti sa isang langgam.
Sa akin ang pinaging tao ng isang tao ay nasa pagsisikap niyang igpawan ang kanyang kalikasan bilang hayop. Ang pagiging tao niya ay nasa kanyang pagtatangka na maging pinakamabuti, magkaroon ng matayog na ambisyon, mithiing dumanas ng lantay na ligaya; sa madaling sabi, nasa paggugumiit niya na maging isang bathala.
Sa paglikha ng tauhan, gawin nating selebrasyon ng pagsisikap maging dakila ang pagiging tao ng isang tauhan.
Monday, September 17, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
Sir Rene! Sa wakas, nagba-blog ka na he he. Kumusta na? Sayang, di natuloy ang klase natin last summer. Tuloy-tuloy na pagpapagaling!
Sir Rene! Sa wakas, nagba-blog ka na he he. Kumusta na? Sayang, di natuloy ang klase natin last summer. Tuloy-tuloy na pagpapagaling!
Egay
http://ecsamar.wordpress.com
Post a Comment