Tuesday, October 30, 2007

Kailan Hindi Sapat ang Pagmamahal? 1

Madalas, sa pagpapalaki ng anak. Naaalala ko ang mga pagkakataong iniluha ng bawat bata ang pagmamahal ng kanyang magulang. Pagmamahal na katumbas din ng masasakit na salita, pagmumura, minsa'y pagmamaliit sa pagkatao, mumunting parusa, paninikis, mga pang-araw-araw at wala-sa-loob na pananakit.
Mayaman ang arsenal ng magulang para pasikipin ang dibdib ng anak at minsa'y pagdudahan ng bata kung talaga nga siyang mahal ng tatay o nanay niya. Tinatanggap natin ang matibay na paniwala ng marami na walang magulang na naghangad ng masama sa kanyang anak; na ang bukal ng lahat ng pakikitungo niya, lahat ng hinahangad niya para sa anak ay bumubukal sa pagnanasang mahalin ang batang iyon.

Pero totoo rin na walang paaralang mapagpapatalaan ng mga magulang para matutuhan kung paano ang tamang paraan ng pagmamahal sa anak, ng pagpapalaki sa bata. Kaya kadalasan, ang pagmamahal ay naipadarama rin sa hikbi, kirot, lapnos, latay, paninikip ng dibdib, sugat ng damdamin, o inuklong pagkatao.

Marami sa mga bata, hanggang lalo sa panahon ng pagpalaki ng aking henerasyon, na ang mga magulang ay kulang sa wastong pagpapalaki sa bata. Bahagi ng naunang paraan ng pagmamahal sa anak ang pagdidisiplina at bahagi nito ang pagwawasto ng gawi at ugali ng bata na ipinalalagay na lisya o mali ng matatanda. Gaya ng pangangatwiran, pagkilos ng malaya, at pagsubok sa maraming bagay..

Vincent

Nong magtatapos ako sa hayskul hanggang mga unang taon ko sa kolehiyo, isa ang Vincent sa pinakapaborito kong janta.

Naging hamon sa akin ang pagsasalin ng titik nito dahil ang mga takudtod ay batbat ng mga kinipil na dayuhang imahen at madudulang larawan, bukod sa maikling takudturan. Pero psang hamon itong hindi dapat palagpasin ninoman.

Heto ang aking salin:

Mabituing Gabi

Hitik sa bituin
Gabi'y asul at abuhin
Masdan mo ang lupain
Runghayan ng mga matang
Sinlawak ng aking lungkot
Naabong burol
Ipinta mo puno't bulaklak
Lamig ng simoy ay damhin
Sa tigib ng yelong lupain.

Ay, batid ko na
Ang gusto mong sabihin
Nagdusa ka para sa amin
Paea kami'y palayain
Di pinakinggan
Di makarinig
Sana pakinggan.

Mabituing gabi
May ningas ang 'yong titig
Nag-uuli-uling ulap
Salamin ng mata niyang asul
Nag-iibang kulay
Bukid ng kung umaga'y abo
Mukhang puno ng pait
Papayapain ng kanyang haplos

At batid ko na
Nais mong malaman ko
Nagdusa ka para sa amin
Para kami'y palayain
Di pinakinggan
Di ka marinig
Sana'y makinig

Di ka maibig
Puso mo ma'y tapat
Kung ang pag-asa'y tumakas
Noong mabituin ang gabi
Ika'y nagpatiwakal tulad ng iba
Sana'y nasabi ko sa 'yo
Mundong ito'y di para sa
Busilak na tulad mo.

Gaya ng dayong nakilala
Gulanit ang puso't bihis
Tinik sa madugong rosas
Nalagas sa niyebeng walang dumgis.

Ngayo'y batid ko na
Nais mong matanto ko
Ngunit nagdusa ka nang husto
Lumaya lang kami
Di pinakinggan
Di makikinig
Walang maulinig.

Monday, October 29, 2007

Paanong Mag-blog?

Madalas kong pag-isipan kung paano ang pinakamabisang paraan ng pagsulat ng blog, hindi lamang para mas marami ang maengganyong magbasa nito kundi, mas mahalaga, bilang mabisang paraan ng pagpapahayag ng sarili. Dapat isaalang-alang sa ganitong paghahanap ng anyo ang ilang kalikasan ng midyum at ugali ng mambabasa. Halimbawa, importanteng bawat blog entries ay maikli lamang. Maaaring basahin sa isang pasada at isang upuan. Kailangang makintal ito sa isip ng mambabasa sa loob ng maikling panahon. Importante ring mahalagahin ito ng mambabasa, bukod sa pagiging mahalaga nito siyempre sa manunulat.

Naalala ko ang anyo ng haibun na tinalakay minsan ni Reuel Aguila sa klase, Ang haibun ay isang paraan ng pagtulang- Hapon, malapit sa paggawa ng haiku. Pero mahirap ko itong magawa dahil hindi ako makata. Kahit sa "konting-bato, konting-semento" na uri ng pagtula ay pupugak-pugak na ang diwa ko't dila.

Pinakamadali sa akin ang pagbuo ng mga personal na sanaysay, maiikling palagay o karanasan sa buhay na maaring, kapag pinagsama-sama, ay makabuo ng gaya ng ambisyon ni Tomy Perez, "isang sistine chapel ng mga salita." Isang magarang kapilya, kundi man isang katedral ng wika.

Naalala ko tungloy ang manipis na bungkos ng sanaysay na isinumite ng nasirang Roger sikat para ilathala ng Diliman Review. dahil sa aking kabataan o katangahan, maaaring pareho; buong kaungasan kong inayos sa kronolohikal na pagkakasunod-sunod ang mga sanaysay. tandang-tanda ko ang galit ni Roger nang malathala ang mga iyon, hindi sa paraan ng pagkakayos niya kundi ayon sa pagkakasunod-sunod ko.

Alam kong napatawad na ni Roger ang aking malaking kahunghangan; pero hindi ko pa rin napapatawad ang kawalan ko ng muwang hanggang ngayon. Marahil, lalo pa ngayon.

No Matter What

Naging ugali ko ang pag-alaala sa ilang tao sa pamamagitan ng pagsasalin ng kanta. Pinasikat ng Boyzone ang "No Matter What," komposisyon ni Andrew Lloyd Webber. Inakit agad ako ng kantang ito nang una kong marinig; hindi ko pa alam na komposisyon ni Webber. Iniugnay ko ang kanta kay Jake, isang kasama sa "Batibot." Hindi ko napigilan ang sarili ko na isalin ang kanta na naging "Ano pa man"

Ano Pa Man

Ano man ang sabihin,
O ang gawin sa 'tin:
Kahit anong ituro,
Tapat yaring puso.

Idikdik man sa utak,
Kahit pa laitin.
Sa'n man tayo hatakin,
Makakabangon din.

Hindi ko kayang magkunwa,
Di kayang magpanggap.
Pag-ibig nati'y tunay
Tutol man ang lahat.

Kung bawat luha ay ngiti
Kung araw ay gabi
Dasal pag pinagpala
Diyos ang magwiwika

Kahit anong sabihin
nila sa 'yong diwa;
Kahit anong ituro
Lantay ang 'yong puso.

Lagi kitang babantayan
Bagyo ma'y manggimbal
Sa tuyot mang lupalop
Pag-asa'y bubukal.

Sino man ang umakay
Sa'n man tayo dalhin
Paano man suriin
Laging sa 'yo ay laan.

Araw ma'y di-sumikat
Langit ma'y kulimlim
Di man t'yak ang wakas
Sa 'yo'y laging tapat.

Hindi ko maitatatwa
Aking paniwala
Pag-ibig ko'y matibay;
Di ito huhupa.

Hindi ko maitatatwa
Laman nitong diwa.
Pag-ibig ko'y matibay,
Kahit anong sigwa!

Di na dapat sabihin na gaya ng kanta, ang mga salitang nakapaloob dito'y dagli ring naglaho, at ang lahat ay nauwi sa wala.

Sunday, October 28, 2007

Congrats sa "Wan Dey, Isang Araw"

Ibinalita sa akin ni Tito Doc ang pananalo ng programa niya ng CMMA award para sa radyo. Hindi man karapat-dapat, nakikibahagi kami sa tagumpay ng "Wan day, Isang Araw" at nakikisalo sa karangalan ng mga tagapagtaguyod nito, kabilang ang Philippine Board on Books for Young People, DZAS, Cultural Center of the Philippines at Alitaptap Storytellers Association.

Dahil nakatuon sa mga kuwentong-pambata at mga kuwentista para sa mga bata, mahalaga ang ambag ng programa sa pagmamalasakit sa pagpapabuti sa kapakanan ng mga bata. Importante ang papel nito sa pag-unlad ng panitikang-pambata. Gaya ng nabanggit ko na sa isang hiwalay na panayam. Espesyal ang panitikang-pambata dahil ito lang ang uri ng panitikan na ang pangunahing misyon ay magturo, Sipiin natin ang isang bahagi ng panayam:

"Kung ang panitikang-pambata ay panitikang ang misyon ay magturo, ano ang dapat ituro kung magsusulat para sa bata?
Marami.
Katunayan, lahat ng ating kaalaman, saloobin, karanasan. pati ang ating mga pangarap at paniginip bilang bahagi ng lipunan ng mga tao. Sa madaling sabi, lahat ng pinakamabuti, pinakamaganda, pinakamaringal at kahanga-hanga sa pagiging isang tao ay kailangang maisalin natin sa henerasyong pagmamanahan natin ng mundong ito.
Sa praktikal na talakayan, ang mga akademikong kaalaman - pagbasa, pagsulat at pagtutuos o reading, writing and arithmetic - ang pampaaralang saklaw ng dapat ituro sa bata. Pero alam nating hindi lamang ang mga hinihingi ng kurikulum at paaralan ang mahalaga.
Higit sa kakayahang bumasa, sumulat at makapagtuos, kailangan ng bata na matutuhan ang tinatawag sa Inggles na discernment.
Discerment ang kakayahang makabanaag o mahiwatigan ang pagkakaiba-iba ng mga bagay mula sa isa't isa. Tampok dito ang pagpaunlad sa kakayahan ng tao para mahiwatigan - at mahiwatigan pa lamang, dapat nating idiin - bakit hindi pare-pareho ang lahat ng bagay sa paligid at gayon din sa kalooban ng isang indibidwal. Ito ang susi sa pagtuklas kung gaano kasalimuot, karupok o katibay, (kakumplikado, sa mga modernong Filipino) ang salalayang kinalalagyan ng tao.
Kasangkot siyempre pa, sa discernment ang mga pormal na kakayahan para makilala natin ang kalikasan ng mundo. Kabilang dito ang visual discernmet, auditory discernment at iba pang paraan ng pagkilalang sensori (sensory discernment) sa mga bagay. Ang lahat ng kaalaman at kakayahang sangkot dito ay maipapangkat natin sa pagpapaunlad ng kognitibong kamalayan.
Pero di ba't kay-hapis naman ng kalagayan natin kung ang natutuklasan lamang natin sa mundo ay ang mga hugis, kulay, amoy, tunog at hilatsa nito? Kay-sawi naman ng ating kalagayan kung malilingat sa atin ang mga mithiin, damdamin - oo, maging mga takot at nakababagadag na saloobin - ar pangarap ng isang nilalang. Imporatante rin ang iba pang uri ng pagbanaag sa pagkakaiba ng mga bagay, gaya ng emotional at moral discernment, huwag nang banggitin pa ang iba't ibang uri ng paglilakang panlipunan at pangkultura."

Muli maligayang bati kay Tito Doc at lahat ng kaugnay sa "Wan Dey, Isang araw."

Thursday, October 25, 2007

Galiy na parang Roller Coaster

Galit na galit ako ngayong umaga, nang marinig kong binigyan ng pardon si Erap. Ang masama, alam kong pagkaraan ng ilang araw o linggo, lilipas din ito. Huhupa ang galit. Mawawala.
sanay na ako sa ganitong pakiramdam. Ilang ulit ko nang naranasan ang galit na ganito. Nagalit ako noong panahon ni Marcos. Nagalit ako noong paslangin si Ninoy. Nagalit ako nang matuklasang si Erap pala si jose Velarde. Nagalit ako sa mga pangungurakot ng mga pulitiko. Nagalit ako sa marami at talamak na paghihirap ng aking mga kababayan. Paulit-ulit akong nagalit. Pero paulit-ulit ding humupa ang galit ko hanggang sa makasanayan ko ang mga pangyayari.
Hindi na ubra ang ganito. Kailangan kong matagpuan ang galit na masusustenahan ko hanggang matagpuan ko ang pagkakaayos ng lahat. Iyong galit na magtatagal at hindu huhupa hanggang maibalik sa mga Filipino ang dangal nilang niyurak-yurakan. Hanggang umiral muli kung ano ang tama at dapat.
Tama na ang galit na nanggagalaiti ngayon, pero mapagparaya bukas. Tigilan na natin ang galit na pabuga-buga. Nakakapagod rin ang magalit nang pana-panahon.

Paano Kung Papangit nang Papangit ang Mahal mo?

Hindi na raw kagandahan ang Pilipinas nang ipanganak ako at lumaki rito noong malaking bahagi ng dekada '60. Di tulad, halimbawa ng alaala ni Chitang Nakpil sa Maynila, noong bago mag-ikalawang digmaang pandaigdig. Kay-ganda raw ng Maynila! Pero binomba ito ng mga Amerikano sa pagtatapos ng giyera upang mapalayas ang mga Hapon.
Di ko man nakita ang sariwa at walang pingas na ganda ng Pilipinas, napaibig pa rin ako nito. Noong '79s, nagkaroon ako ng maraming pagkakataong malibot ang maraming bahagi nitoi: Sulu, Cagayan, mga pulo sa Bisaya, maraming liblib na bahagi ng Luzon. At di man siya kagandahan, napaibig niya ako. Minahal ko siya.
Pero sa pagdaraan ng mga taon, pasama nang pasama ang lagay niya. Papangit siya nang papangit.
Kung noo'y naglisaw sa Maynila ang mga barung-barong ng iskwater, napalitan ito ng mga tapal ng karton at yero na nakadikit sa mga pader o gilid ng maburak na kanal. Ngayo'y halos nasa bunton na ng basora at layak ang mga tao. Marami ang wala nang bahay.
Ang ipinaghihinagpis ko'y wala akong magawa. Tulad ng marami kong kababayan. Naniniwala akong may hangganan din ang aming pasensiya. Pero padalas nang padalas ang tanong ko sa Diyos: Hanggang kailan? Hanggang saan pa ang aming ipagtitiis?
Gaano kapangit namin mababata ang kinasadlakan ng bayan naming mahal, bago kami kumilos?

Tuesday, October 23, 2007

Hindi Kailangan ang Manunulat

Galing ako sa isang panayam noong Linggo na dinaluhan ng mga nagsisimulang makata at nag-aambisyong maging manunulat. Gaya ng dapat asahan, salamin ng ekspektasyon ang mga mata nila. Sigurado sa pagkakahawak sa bolpen ang mga kamay nila at bawat isa ay matamang nakahanda na magtala ng anomang payo na magagamit nila sa mahaba-habang landas ng pangangatha.

Ngunit, tulad ng dati, hindi ko napigilan ang sarili ko at muli ko na namang pinairal ang walang-pusong ako. Nang umagang iyon, walang pangimi kong tinigpas ang mga pangarap nila at ang mga bituing nakasungaw sa kanilang balintataw ay hinablot ko pababa upang mahulog at mabasag. Binigo ko sila sa kanilang inaasahan.

Sinabi ko sa kanila ang totoo: na hindi kailangan ng lipunan ang manunulat, na walang kahit sinong nangangailangan sa manunulat.

Hindi kailangan ng lipunan o ninoman ang manunulat dahil walang silbi ang pagmamanunulat.

Walang praktikal na buting naidudulot sa isang komunindad ang manunulat. Hindi ito napakikinabangan tulad ng paglalatero, dentista, abogado o kahit pagiging ama o ina ng isang tahanan.

Kung iisipin, ano ba talaga ang silbi ng isang manunulat, na hindi kayang gawin ninoman sa lipunan? Walang anoman.

Karaniwan, iniisip nating ang manunulat ay tagalikha ng pangarap para sa ating lahi. Sila ang may bokasyon para managinip para sa lahat. Pero hindi natin kailangan ang manunulat para magkaroon ng pangarap. Hindi monopolyo ng manunulat ang kakayahang managinip.

Bawat isang indibidwal ay may kakayahang masiyahan o do-masiyahan sa mga bagay sa kanyang paligid. At dito nagmumula ang pangarap at panaginip.

At ang pagkakaroon ng kakayahang mangangarap, ang kakayahang mag-isip ng mas magandang posibilidad ay kakayahan ng bawat tao. Kahit Juan o Pedro ay puwedeng magmithi ng mas mabuti kaysa kasalukuyang kalagayan o kairalan.

Kung gayon, walang natatanging silbi sa lipunan ang manunulat.

Monday, October 22, 2007

Si Nanay

Dalagita si Nanay nang maging asawa ni Tatay. Lumaki sa Cebu at bagong salta sa Maynila; sa may Sta. Cruz sila nakatira, malapit sa Opera House. Naglilingkod bilang driver ng may-ari ng "Ang Tibay" si Lolo. Bunso si Nanay sa mga kapatid na babae.

Neneng-nene ang anyo ng isang lumang litrato ni Nanay, na kuha noong siya'y dalaga pa. Kulot ang buhok. Balingkimitan ang katawan. Kayumangging-kaligatan. Nakaabot siya ng hayskul sa Bohol Colleges, pero hindi nakapagtapos. tandang-yanda ko ang kanyang suot. Printed na bestida na may ruffles ang manggas at leeg. Bahagya siyang nanakangiti, halos nahihiyang lumabas ang ngipin.

Gandang-ganda ako sa sulat kamay niya. Payat ang kabit-kabit na mga letra, laging katamtaman lamang ang diin; pero mababasa nang buong linaw.

Ang buhay ni Nanay ay gaya rin ng penmanship niya: walang anomang garbo. Hindi sanay sa borloloy. Hindi kakikitaan ng anomang damdamin.

Sa buong pagsasama nila ni Tatay, ang laging nakikita kong ayos ng kanyang mukha ay ang pagtitiim ng mga labi. Na parang lahat ay laging kailangang batahin. Bihirang-bihira ko siyang makitang may lantay na saya.

Nang maratay si Tatay matapos atakihin ng stroke, nasaksihan ko ang dedikasyon sa kanya ni Nanay. Hindi lamang siya puspusang nagtrabaho para maitawid kaming limang anak; sa buong panahon ng pag-aalaga niya kay Tatay ay hindi ko siya nakitaan ng pagkapagod o panghihinawa. Nang kahit ako'y nawalan na ng gana sa pag-aalaga kay Tatay, si Nanay ay nanatili sa kanyang dedikasyon. Noon ko nasabi sa sarili ko na mahal na mahal pala ni Nanay si Tatay.

Kaya nabigla ako nang pagkaraan ng isang taon at makababang-luksa kami ay humihingi na sa akin si Nanay ng permiso para makapag-asawang muli.

Kalaunan ko na lamang nalaman ang bahagi ng kanilang kuwento. Hindi pala si Tatay ang unang nobyo ni Nanay, kundi ang aking magiging si Tiyo Horacio, Pero sa kung anong dahilan sa tatay ko napakasal si Nanay. samantala, si Horacio naman ay nag-asawa rin at nagkaroon ng limang anak. Sabay sila halos nabiyudo ni Horacio at makaraan ang isang taon, nagkita silang muli sa simbahan. Naging pangalawang asawa ni Nanay si Tiyo Horacio.

Halos mahaba pa ang ipinagsama ni Nanay at Tiyo Horacio kaysa kay Tatay.

Wednesday, October 17, 2007

Dahil mga Karaniwang Kamao lang

Sa pelikulang "Endo," gusto ko ang tagpong matapos isabong ni Ricky Davao ay naghuhugas siya ng mga tilamsik ng dugo ng namatay na manok sa kanyang binti. Malinaw na na natalo at namatay ang pinakamamahal niyang si Cocky.
At gusto ko ang puntong iyon ng munti at tahimik, ngunit nakatitigatig, na pelikulang ito. Dahil nililinaw nito ang halaga ng paglaban para sa mga karaniwang tao tulad ng maraming nakatanga lang sa malapad o makitid na iskrin ng kung ano-anong kabulastugan at walang wawang kababawan ng marami sa ating mga pambansang institusyon. Iyon muna ang mahalaga, bago ang ano pa man - ang maganyak ang bawat isa sa atin na lumaban. Huwag magkasya na basta lang makaraos. Huwag masiyahan na tayo'y patuloy lamang na umiiral. Dahil ganoon ang ibig sabihin ng buhay. Hindi sapat iyon para magkaroon ng katuturan ang ating pamumuhay.
Ang kawalan ng simbuyo para lumaban ay katumbas lang ng pagmimiron sa buhay. Pinanonood lang natin ang ating mga kasawiang-palad.
Naging marikit ang pagkatalo ni Cocky sa "Endo" dahil sinasabi nito na sa paglaban, hindi kasinghalaga anoman ang kahinatnan ng pagkukuyom ng ating mga kamao at tahasang paghamon sa mga dapat nating tutulan at hamunin. Hindi tayo lumalaban dahil siguradong mananalo o may malaking tsansa ng tagumpay. Lumalaban kahit matalo, dahil ganoon ang buhay. Walang kasiguruhan, ngunit laging isang pakikipagsapalaran na dapat nating kasangkutan at hindi panoorin lamang.
marahil ito ang kaibahan natin sa mga Manny Pacquiao. Hindi tayo mga Pambansang Kamao na hinuhulaang magiging kampeon ng mundo matapos ang ilang rounds ng salpukan. Ang mga kamao nati'y karaniwang payatot at mabuto, mas pinatibay ng pagwawalis, pagluluto. paglilinis ng inodoro o anumang karaniwang trabaho; sa halip na pinalakas ng diet at training.
Kaya dapat mag-ingat-ingat lahat ng umaabuso at tumatapak sa atin, lahat ng kumukumbinsi sa ating sapat nang masiyahan tayo sa buhay na basta makaraos lang dahil balang araw, itataas natin ang mga payayot na kamao at at ang mga pagmumukha nila ang sasalaksakin natin sa halip na ang sikmura ng mga inodoro. At mapatutunayan din natin na tayo ang mga tunay na kampeon kahit sa labas ng ring.

Ang Hindi Nagawa ni Manny Pacquiao

Napanood ko sa TV kung paanong ipinagbunyi ng Malacanang ang pinakahuling tagumpay ni Manny Pacquiao. Paulit-ulit na sinasabing nagtagumpay si Manny na pag-isahin ang mga Filipino sa tuwing siya'y magtatanggol ng kanyang sinturon sa ring. Ang alam ko'y nawawalan ng trapik sa lugar namin tuwing may laban si Manny. Mukhang marami sa tricycle drivers sa Krus na Ligas ang umiidolo sa kanya. Pero. kung napag-iisa ni Manny ang mga Pinoy?
Ewan ko. Palagay ko hindi naman ganoong kaimportante ang magkaisa tayo. At lalong hindi sa ganoong paraan ng pagkakaisa.(Pare-pareho ng ginagawa o pare-parehong nakababad sa telebisyon)
Pero sigurado ako nang mapanood sa U.P. Film Center ang pelikulang "Endo" kung ano ang hindi nagawa o sana'y ginawa ng Pambansang Kamao. Hindi tayo naturuan ng ating World Champion sa boxing na lumaban.
At iyon, sa palagay ko, ang dapat matutunan at gawin ng lahat ng Filipino sa panahong wala tayong ka-glorya-glorya.
Sa pelikulang "Endo," susi sa pag-unamawa sa kabuuan ng kuwento ang tauhan ni Ricky Davao. Sa pelikula, si Ricky ay diabetikong iniwan ng asawa na nag-aalaga at laging naghihimas sa manok na panabong na hindi naman inilalaban. Samantala, may dalawa siyang anak. Ang bida, panganay ni Ricky sa pelikula, ay nagkakasya na lamang na basta makaraos sa buhay sa pamamagitan ng pagtatrabaho bilang palipat-lipat na contractual worker. Ang bunsong anak naman ay nagpapanggap na pumapasok sa eskuwela gayon hindi naman.
Natutuhan din ni Ricky na ilaban ang manok niya. Natalo ang alaga niya. At sa wakas ng pelikula, nagsisimula nang "kumaban" ang kanyang panganay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng pangarap at panaginip.
Kung dahil lamang sa puntong ito, susuubin ko ng papuri ang mga kasangkot sa pagbuo ng pelikula. Dahil ang puntong ito ang kailangang madikdik sa isip ng bawat Filipino. Hindi sapat ang basta makaraos lang. Hindi tayo dapat mangiti at magpasalamat sa dami ng kailangang mandayuhan mabuhay lang mga mga naiwang pamilya. Hindi tayo dapat matuwa sa dami ng call centers na binubuksan sa bansa. Ni hindi natin dapat ipagbunyi kung lingo-linggo'y may bagong imbestigasyon ang ating mga senador.
Ang kailanga'y magtagis ay ating mga bagang at sumulak ang ating galit. Tama na ang lahat nang ito. Tama na ang walang wawang dakdakan at pormahan. Tama na ang wala nang pangiming korupsiyon at garapal na kawalang galang sa tao!
Mag-umpisa na tayo magkaroon ng panaginip. Mangarap naman tayo ng disenteng kairalan, kundi man uubra ang maalwang buhay. Mangarap naman tayong nawa'y muli nating matuklasan na ang "basta makaraos" ay katumbas ng pagiging bangkay.
Sobra na kayo kung iaasa pa ninyo 'yan kay Manny Pacquiao! (Baka bigyan ko kayo ng isang straight sa panga!)

Tuesday, October 16, 2007

Kaibigang Asim ... !

Taong 2001 nang matuklasang may duabetes ako. Ipinayo ang pag-iwas sa matamis at pagkontrol sa pagkain.
Lumalala ang lagay ng aking bato. Pinaiwasan ang alat. Tumaas ang creatinin. Ibinawal ang gatas. Ibinawal ang saging.
Tiniis kong lahat, kasabay ng dasal na humaba pa ang buhay. Kailangan kong magkasya sa matabang na oatmeal, halos walang mantikang ulam; kahit anong sabaw, walang lasa.
Magawi man ako sa palengke o tindahan ng prutas, kailangan kong pumikit o tumingin nang pailing para ilayo ang mga mata kong sukab kung tumingin sa tumpok ng namumurok na mangga, nagtinghas na sariwang saging, mga santol na balbunin sa balahibong pusa.
Sa gabi, napapanaginipan ko ang nakasibing taba ng tocino, bahagyang sunog ang gilid, at naglalaway sa mantika. Natatakam akong mapapabangon, naalimpungatan sa isang matangkad na baso ng chocolate parfait na may santumpok ng mala-niyebeng cream na may naka-de-kuwatring cherry sa gitna at sa gilid ay may umuuhong nuts na kinayas nang manipis at tatlong susong ng sorbetes na naglulunoy sa kumunoy ng halos itim na chocolate syrup. Kailangan kong tumayo para tighawin ang takam sa malamig pero walang lasang tubig.
Tuwing alas-singko'y medya ng araw ng Linggo, hindi pa sumisilip sa bintana ang silahis, kampana ko ang alaala ng kumukulong nilaga ng tipak-tipak na karne ng baboy na lumalangoy sa mga kuwadradong murang berdeng petsay, mapusyaw na dilaw ng mga piraso ng patatas, maligat na dilaw ng saging na saba, at malulukong na balat ng ginayat na lilang sibuyas; habang sa gilid ng kaldero ay pagulong-gulong, di-malaman kung saan susuling, ng naliliyong tapis ng mantika.
At kunot-noong itatanong ko sa sarili: Ito ba ang buhay? Bakit ko idinarasal na sana'y lumawig ang isang buhay na matabang, at walang kalasa-lasa?
Sa pagsisimba ko kinaumagahan. nakaluhod ako, salikop ang mga palad, habang dinarasalan ang Amang Tamis, Panginoong Alat, Aba Ginoong Asim, Mga Misteryo ng Anghang at Askad. Buong pakumbaba kong isasamo na nawa'y kaawaan at kandiliin ang dila kong binalo ng lasa, diniborsiyo ng takam. hiniwalayan ng sarap. Ipakikiusap ko sa mga kasanto-santosang panginoon ng takam na sana'y sagipin ang dila kong lunod lang sa bukal ng laway at ang nalalanghap lamang ay ang luom ng laging gutom na dighay.

Monday, October 15, 2007

Bertdey ni Luna

Si Luna V. Madrigal ang pinaka-importanteng tao para sa akin sa ngayon. Kalabisan marahil na sabihin pa na siya ang aking pinakamamahal. Una kong apo si Luna, panganay nina Tanya at Christian, na hindi pinalad na magkaroon ng sapat na panahon upang patibayin ang pagmamahal nila sa isa't isa.
Nagbertdey si Luna kahapon. Tinawagan pa niya ako sa telepono upang imbitahan sa munting salo-salo sa klasrum ng mga kaklase niya.
Maaga akong dumating sa Parish of Holy Sacrifice preschool. Nagkaroon tuloy ako ng pagkakataong masdan ang kahanga-hangang enerhiya ng mga bata.
Takbo sila nang takbo. Lundagan nang lundagan. May mga humihiyaw pa sa tuwa habang nakikipaghabulan sa kaklase. Naisip ko, Ganoon din kaya ako nang una kong matuklasan ang kakayahan ng aking mga paa't binti? Paano kaya ako magpahayag ng tuwa at pagkamangha noong hindi pa bumibigat ang mga paa ko sa mga pang-araw-araw at, kung tutuusi'y wala naman talagang kakuwenta-kuwentang mga alalahanin? Paano ba ang lantay na saya noong hindi pa ako inutil?
Napailing ako sa sarili nang maalala kong ang dami ko nang nagdaang bertdey nang hindi binagabag ng isiping ito. Walanghiya talaga! Bakit ngayon pa, na gustuhin ko mang lumundag ay painoy-inot na paghakbang na lamang ang kaya ng gawin ng mga paa kong manhid?

Kung Ako sana;y Naging si Basil Valdez Man Lang

Ngayon ko aamining nabubuhay talaga ako sa mga pangarap. Akala lang ng marami ay nakatuntong ako sa lupa. Dahil ginagawa ko ang maraming karaniwang ginagawa ng mga tao. Nagtatrabaho, naglilibang, umiibig, nabibigo. Pero hindi laging ganoon. Madalas, kahit nakatungtong man sa lupa ang mga paa ko'y lagi namang nakatingkayad ang aking mga talampakan. Laging nanghahaba ang leeg ko sa pagsinghap ng hangin upang patuloy na huminga at mabuhay. Lagi akong nakatingala sa langit at nakatanghod sa mga bituin.
May binalak akong sulating dula na iniisip kong pnakamalapit sa pagkalulong ko sa mundo ng mga pasnaginip. Tungkol ito sa mga pangarap ng isang binatang naghahangad ng buhay na mas maringal at maganda kaysa kinasadlakan niyang entresuwelo, na tumutulo ang bubong tuwing aambon, at ang mga sahig ay pinapasyalan ng mga daga at ipis na laging nagmamadali sa paghahanap ng mga siwang na makukublihan.
Isang buhay na walang mga barumbado't nanghihiyang istambay. Walang mga kababatang halang-ang-bituja, at ang mga dalaga'y laging tapat umiibig, bukod sa hindi madaling masilaw sa pera.
Isang buhay na may amang laging tapat sa kanilang asawa at may inang nakatagpo , sa wakas, sa kanilang tinig para ipagtanggol ang kanilang sarili at mga anak laban sa lahat ng karahasang berbal at pisikal.
Isang buhay na hindi dinadalaw ng mga kubrador ng tubig o koryente, hindi ipinandudura ng mga pinagkakautangang may-ari ng tindahan.
Isang buhay na kasingrikit at singrubdob ng mga titik ng awit ni Basil Valdez, isang idolo ng aking walang muwang na kabataan.
Sayang, hindi ko naisulat ang dula nang mauntog ako at magising na ako pala ay si Reny lamang, isang maitim at payat na batang taga-La Loma.

Abg Gusto ko sa Panitikan

Hindi miminsang sumagi sa isip ko ang tanong kung aling mundo ang mas gusto ko: ang tutuong mundo o ang mundong nasa isip lamang ng isang tulad kong manunulat. Ang mundo ng mga lagila-gilalas, mga bagay na basta na lamang, walang kaayusan, at posibleng wa;a rin namang kahulugan; o ang mundong lahat ay tagni-tagni, magkakaagapay at magkakaugnay.
Madalas akong humantong sa iisang sagot: mas gusto ko ang mundo ng panitikan.
Mas gugustuhin kong mabuhay sa isang mundong kalkulado at pinagplanuhan ang ;ahat ng bagay.
Atoko ng mga sorpresa dahil iyakin ako at bihirang-bihirang makapagpigil sa sarili. Sa karampot na kabutihan, lalo kung hindi inaasahan, ay dagling nagbabasa ang ilong ko; walang kaabog-abog na gumagaralgal ang boses ko, at kasabay ng di-mapigil na pagsulak ng aking emosyon, ay ang agad-agad na panlalabo ng aking paningin dahil sa mabilis na pagbalong ng luha. Kung sabagay, saglit lang naman; pero nakakahiya pa rin, kahit sa sarili ko lamang.
Kaya ayoko ng mga bagay na hindi inaasahan.
Na siya namang nagustuhan ko sa literatura. Sa panitikan, walang lugar ang mga bagay at pangyayaring kagulat-gulat at di-inaasahan. Pinakagusto kong katangian ng panitikan ang pagiging deliberate nito. Lhat ay planado at kalkulado, kahit ang mga bahaging hindi inaasahan.
Sayang at wala yayong magagawa kundi hintayin ang mga teribleng panggugulat ng buhay. Pasalamat tayo at hindi siya gaanong mapagbiro.

Saturday, October 13, 2007

Yukod sa Pinakabonggang Lola!

Dumalo ako kahapon sa paglulunsad ng mga librong-pambata ng isang kaibigan at dating co-teacher, si Christine Bellen. Napakasaya para sa akin ng okasyong iyon dahil nagbigay iyon sa akin ng pagkakataon para makitang muli ang maraming kaibigan at kakilala. Pero aaminin kong naasiwa ako dahil kailangan kong magdala ng tungkod para tiyaking hindi magiging mabuway ang paggalaw ko o paghakbang, Pero problema ang pagdadala ng tungkod sa mga ganitong okasyon. Una, nakatatawag kasi ng pansin. Hindi ko pa rin maiwasang hindi maasiwa dahil alam kong pinagtitinginan ako ng ilang tao (lalo ng mga bata). Marahil iniisip nila, sino ba naman itong lolong ito at bakit siya nakikigulo pa rito, bakit ba hindi na lamang siya tumigil sa bahay? Mas lalala ang pagkapahiyang mararamdaman ko sa sandaling may pumansin sa tungkod na hawak-hawak ko (Nagga-"ganyan" ka na? Majonda ka na talaga! Hi-hi-hi!) Kaya mapipilitan akong sagutin nang: "Pang-porma lang ito!"
Ang totoo, mas may seryosong dahilan ang pagdalo ko sa booklaunching, kaysa pagsuporta sa kapwa manunulat o muling pagbati sa mga dating kaibigan. Ang pag-aabala ko nang hapong iyon ay isang paraan ng paghuhugas ng kasalanan.
Natatandaan ko, may ilang taon na rin ang nakakaraan, nang maimbitahan kami nina Christine sa isang panayam tungkol sa mga aklat-pambata, kung saan ipinahayag kong ayaw kong lumingon kay Lola Basyang dahil, bukod sa iba pa, hindi naman siya talagang manunulat para sa mga bata.
Pero sa halip na ang mga manonood o mga kasama kong manunulat ang matigatig sa gayong mapangahas at marahas na pahayag ay kung bakit parang ang puso ko ang kinurot?
Bigla ay sumagi sa alaala ko ang dati kong paniwala: kung wala kang mabuting masasabi sa isang bagay, mas mabuting huwag mo na lang sabihin, Hindi ito nangangahulugan na lisensiya ito para magtakipan ng pekas sa mukha ang mga kapwa-manunulat. Paggalang lamang sa okasyon at sa tinutuntungang balikat.
Lalo akong nagitla at nanliit nang banggitin ni Christine na si Severino Reyes ay nakasulat ng halos 500 kuwento bilang Lola Basyang.
Habang pumipirma sa mga libro si Christine, napabuntung-hininga ako saka nasabing "Mapalad si Lola Basyang at mayroon siyang isang Christine para sa henerasyong ito."
Napatayo ako sa aking kinauupuan. Hawak ang tungkod, nagsimula akong humakbang palabas, Palayo upang bumili ng mga gamot na pampahaba pa ng buhay.

Pagluluto rin ang Pagkatha

Isa sa pinakapaborito kong talinghaga ng pagkatha o pagsusulat ang pagluluto. Bukod sa kapwa nangangailangan ng napakapayak na batayang proseso (halimbawa, kailangang marunong mag-ihaw, maglaga, magsigang o maggisa), ang pagluluto at pagsusulat ay parehong nagbubunsod sa atin sa pagkakaroon ng ganap na kasiyahan. Kabusugan, kung sa pagluluto. Kaligayahan naman, kung sa pagsusulat.
nang una kong banggitin ang ganitong pahambing na obserbasyon, alam kong marami ang lihim na napakunot ang noo. Lalo kapag ipinaliwanag ang tungkol pangangailangan sa ilang batayang kasanayan lamang. Wika ko nga, sa pagsusulat, kung alam mo ang ilang pamamaraan, uubra na. Marami ka ng milagtong magagawa. Ang kailangan na lamang ay panahon o pagkakatain para magawa ang mga ito. Gaya rin sa pagluluto. Kung alam mo kung paano mag-ihaw o maggisa, Marami ka nang putaheng maihahanda. Marami ka nang taong mabubusog at mabibigyang-kasiyahan.
Kailangan pa ba nating isa-isahin ang mga bagay na maaaring ihawin o magawa mula sa paggigisa?

Thursday, October 11, 2007

Ang Naiwang Bahay

Kung ika' y lilisan, paano mo iiwan ang iyong tahanan?
Ito ba'y lilinisin mo muna? Wawalisan at titiyaking walang agiw sa mga sulok-sulok at ang mga gamit ay di maalikabok? Isasalansan mo ba nang maayos ang mga aklat at mga babasahin, ilalagay ang bawat isa sa dapat nilang kalagyan. Iimisin bawat nakakalapat na papel; itatapon sa basurahan ang mga nilamukos na borador, mga patunay ng mga gawaing hindi nagampanan, mga pangarap na hanggang pangarap lamang. Papatayin mo ba ang lahat ng ilaw? Titiyaking nakasara ang gripo sa banyo, at hindi nakaligtaang bukas ang kalan. nasamsam ba ang lahat ng sampay? at natipon ba ang lahat ng labasa. Wala bang naghambalang na maruming damit?
Muli mong papasadahan ng tingin ang buong kabahayan bago ka humakbang palapit sa pinto, kuyom sa mga kamay ang susi at kandado. sa huling pagkakatao'y titiyakin mong maayos ang lahat. Mapapausal ka ng walang tinig na dasal na sana nga'y maging maayos ang lahat saka mo ikakandado ang pinto. Pagkagat ng kandado sa kanyang sarili ay magsisimula kang humakbang papalayo. sa huling sandali ay tatanawin mo ang naiwang tahanan. Ulila. Madilim. Nakahukot sa tambad ng matingkad na liwanag ng nakatapat na maputing kimpal na ulap na sa wari mo'y hangad ring rumagasa papalayo.
At iyong ang larawan ng tahanang iiwan.
Ang isa pa ay ang kabaligtaran ng larawang ito.
Isang larawan ng tahanan na iniwang pakumahog. Maaaring mayroon pang tasa ng kape sa mesa. Bukas ang mga bintana at tinatayantang ng mahinang gaslaw ng hangin ang mga laylayan ng kurtina. Bukas lahat ng ilaw. May mga nagkalapat na papel sa lapag,
Isang larawan ng buhay na dagling napugto sa kalagitnaan. sa kasagsagan ng pagsulak.
Ano kayang larawa ang maiiwan.
Anoman, hindi na mahalaga sapagkat kaya lamang naman nating mithiin. wala tayong magagawang anoman. anoman ang larawan.

Ang bagay na Hindi Maiiwasan

ilang ulit ko nang pilit iwinaksi sa sarili ko ang paggawa ng plano para sa pagsusulat. Bukod sa nagiging tila isang mabigat na pasanin para sa akin ang pagkakaroon ng anomang uri ng balakin sa pagsusulat (hindi ito makatkat sa aking isip, lalo kung ako'y gising; at kung matutulog naman, kailangan muna nitong magpatawing-tawing sa aking isip kung paano dapat isulat bago mapahinga ang napagal kong isip at tuluyang maidlip). Bukod sa dagdag na pabigat sa mga araw-araw na alalahanin, nagbibigay sa akin ng malaking pangamba ang pagkakaroon ng mga balak tungkol sa aking mga nais sulatin.
pero sadya yatang hindi maiwasan o lubha lamang na nakasanayan, kahit ilang ulit kong sabihin sa aking sarili na ayaw ko nang magplano na magsulat ng kahit ano, patuloy pa rin itong umuukilkil sa aking kamalayan. halos araw-araw, may sumusungaw na balak sa aking isip. Maaaring kuwento, ideya para sa isang dula, nobela o libro.
para makaiwas sa bigat nito, kaagad kong pinapalis ang ideya sa aking isip, pinaaalalahanan ko ang aking sarili, "O huwag kang pagaganyak sa tukso. Huwag kang magpaplano. Huwag kang mag-iisip nang anoman para sa iyong isusulat. Iwaksi mo ang tukso sa iyong isip. Pilitin mong umidlip. Huwad mong susulyapan ang screen ng computer. Labanan mo ang hikayat ng swivel chair na maupo sa harap ng computer screen at tumipa ng mga idewya. Huwag kang magpapalano. Masama ang magkaroon ng mga balak, lalo at alam mong hindi mo ito matutupad."
Pero ang tukso ay tukso. Lagi itong nakasungaw at nanunubok. Laging naghihintay ng pagkakataong makapanambang. At huwag kang maliligat, kahit isang saglit. Dahil anomang sandali na humapay ang iyong pagbabantay, ang tukso'y sasalakay. Tatambangan ka; kukubabawan ka upang dukutin ang iyong puso at patalilis na itakbo ang iyong kaluluwa.
Ang ibig kong sabihin, wala tayong magagawa laban sa tukso. Pahihinuhod tayo dahil ang tukso ay pagbibigay sa ating maitim at balbuning kalikasan.

Monday, October 8, 2007

Somewhere in Time

Wala rin lang naman akong magawa, isasali ko na rin dito ang mga hindi kantang-Broadway na isinafilipino ko. Mas ang layunin ko ay matipon na lamang ang mga ito. Hindi ko na inaambisyong marinig ang mga ito sa isang konsiyerto o kahit mabasa man lamang sa isang publikasyon. Ang naisalin sila ay sapat nang ligaya para sa akin. sana ay sa ganito ring espiritu pahalagahan ang mga ito ng mambabasa, kung mayroon man.

May Panahon
(Somewhere in Time)

May panahong
Tayo'y nagkatagpo
Nang magtakipsilim,
Sinta, lahat ay huminto
Sa umaga'y
Ating natagpuan,
Bawat saglit, walang hanggan
kung yapos mo ako
Di lilipas
Pag-ibig na wagas
Mananatili ang tamis
Tulad ng 'yong labi
Ang pag-ibig
Mananatili
Nabatid kong lahat
Lahat ng lihim
Sa 'king dibdib ika'y lalagi
Ang pag-ibig mo'y lubos
Hindi kukupas

May panahong
Napagtantong puso'y
Laging wagas.

Di Man Kakilala
(STrangers in the Night)

Di ka kilala
Nasulyapanlang
Nakapagtataka
Agad umasang
May magaganap
Bago mag-umaga
Ang iyong sulyap
Ay may halina
Ang ngiti mo ay
may pahiwatig
Na ang puso mo
Hanap din ang puso ko
Kapwa man tayo
Nalulumbay na istranghero
Dilim ng gabi
Ang magkukubli
Sa 'ting kapangahasan
Di natin alam
Pag-ibig ay 'sang sulyap lang
Tayo'y patangay, at bumigay
Magmula noon
Sa Sulyap lamang
Naghabambuhay
Pagmamahalan
Tayong dalawa'y
Di na istranghero lang
(Ulitin maliban ang huling linya)




Ang Pinakaimportanteng Aral

Tinapos ni G. Carlo Tolentino ang interbyu sa akin sa pagtatanong kung anong aral ang nais kong iwan sa mga bata. Matagal ko nang napag-isipan ang tanong na ito, at gaya ng ibang usaping paulit-ulit na umuukilkil sa akin, matagal na ring iisa ang aking sagot. Hindi ko alam kung bakit ganoon.
Para sa akin, ang pinakamahalagang aral na gusto kong maiwan sa mga bata ay paggalang sa pagkakaiba-iba ng mga bagay-bagay. sa palagay ko nasa ganitong pagkilala ang susi sa maraming di-pagkakaunawaan sa mundo. Kailangang matuto ang tao, mulang pagkabata, na ang mundo at lahat ng bagay na narito ay sadyang iba-iba. Bawat isa'y natatangi sa kanyang pagiging pambihira.
Laging nakatutuwa ang ehersisyo na inuutusan ang mga bata na maglapit-lapit at paghambingin ang mga kulay ng kani-kanilang braso. alam nating matutuklasan ng mga bata na walang magkaparehong-magkapareho ang kulay. Laging may bahagya kundi man matinding pagkakaiba. Maaaring sa tingkad o pusyaw, maaaring sa kinis o gaspang, o anumang maaaring pagmulan ng pagkakaiba.
Isang payak na patunay ang ehersisyo sa kalikasan ng pagkakaiba-iba ng lahat.
Pero sa kabila ng ating pagkakaiba-iba, laging mayroon tayong pagtatangka na maging magkakatulad. Laging tayong nagpipilit igpawan ang likas nating pagkakaiba-iba upang maging magkakapareho. Kung sabagay, makatwiran din ang ganito dahil iba-iba nan ang ating mga katangian, pare-pareho naman tayong tao, o hayop, o nilalang.

Halaga ng Diskriminasyon

May nagtanong sa akin kanina kung anong mahalagang katangian ng tunog, kulay o sitwsasyon ang nakatutulong para matuto ang isang tao (bata). At tila kagyat akong inilipad ng mga taon sa isang maliit na lugar sa Cubao, kung saan halos sampung taon naming sinikap itaguyod ang programang "Batibot."
Ano nga ba ang mga ginawa naming para matutong ang aming mga batang manonood? Ano ang mga istratehiyang ginamit namin para ihanda sila sa panghabangbuhay na misyon, ang pagbabasa? Anong uri ng larawan, anong klase ng tunog, anong klase ng kuwento ang ginamit namin upang ilunsad ang mga bata sa kakayahang magbasa?
Marami. At walang natatanging istratehiya. Maliban sa anomang sangkap na aming gamitin ay laging naroroon ang pagsisikap na mapaiba ang sangkap na iyon sa anomang karaniwan o ordinarnaryo. halimbawa, sa kulay. Marahalaga ang paggamit ng primary colors upang mapatalas ang kakayahan ng bata na makakuta nang mabuti. sapagkat sa simula ay may liwanag na nagtatampok sa puti at itim lamnang. Mahalaga ang kakayahang matukoy ang pagkakaiba ng isang bagay batay sa kulay nito. Mahalagang makita ng mata ng isip ang pagkanatatangi ng kulay ng bagay na iyon. Iba sa basta karaniwang itim o puti, iba sa basta karaniwang dilim at liwanag.
Ang ikinaiba ng isang bagay mula sa mga bagay na ordinaro at karaniwan, sa palagay ko ay isang natatanging antas sa pagkatuto ng sinomang bata. Gayundin sa tunog o boses, halimbawa. Sinasabing mas matingkad ang paglatay sa kamalayan ng boses na hindi pangkaraniwan. Mas Matingkad ang boses ng babae kaysa lalake. Mas markado ang hindi normal o tunay na boses kaysa boses-lalaki o babae. mas matinis o mas mababa, mas markado. at mas maigi. ganoon din sa aksiyon o galaw. Ang mga pagkilos na gaya ng normal at karaniwan ay hindi gaanong nakatatawag ng pansin. Kailangang hindi karaniwan, maaaring jerky, o patalbog-talbog upang magkaroon ng katangiang naiiba; samakatwid ay kapansin-pansin at natatandaan.
Ganito rin sa kuwento. Kailangang magkaroon ng sangkap na di karaniwan ang isang kuwento upang tumimo ito sa ating isipan, at sa gayo'y lumatay sa ating kamalayan.
Hindi ko alam kung ano ang tawang dito. Marahil, sa sining ay ito ang tinatawag na visual discrimination.
Pero sigurado ako na diskriminasyon ang katangiang mahalaga para matandaan natin ang isang bagay; para matutunan natin ang mga bagay.
Dinadala rin tayo ng usaping ito sa kung bakit kasumpa-sumpa ang maging ordinaryo. Naaalala ko ang tauhang si salieri sa pelikulang "Amadeus." Inusig ni salieri ang Diyos matapos matuklasang siya pala'y may talinong karaniwan lamang. Tinanong niya ang Diyos kung bakit ipinagkait sa kanya ang talino ng isang Mozart at halip ay isinumpa siyang maging karaniwan.
Ito marahil ang sumpa ng pagiging ordinardo. ang trahedya ng pagiging karaniwan. sapagkat kung hindi ka naiiba at kapansin-pansin; ibig sabihi'y hindi ka napahalagahan ng Maykapal.
Kung gayo'y ano pa ang silbi mo? Ano pa ang iyong katuturan sa buhay na ito?

Friday, October 5, 2007

Alay kay Rio

Napadaan kaninang umaga si Joey at nabanggit niya ang inihahandang libro ng alaala at alay sa kadakilaan ni Rio Alma. malapit na rin ba ang oras ni Rio? Maituturing din ba na nasa pre-departure area na siya?
Isa si Rio sa pinakamahalagang tao na nakilala ko. Isa siya sa bumago sa naging takbo ng buhay ko. Halos itinuturing ko siyang pangalawang ama. At nag-aapuhap ako ng sasabihin para magpigay sa kanya.
Ang totoo parang napaka-inadequate ng mga salita para ialay sa isang taong katulad niya. Nangangapos ako sa wika sa paghahanap ng angkop na papuri sa isa sa pinakamamahal kong tao. Halos higit pa sa pagmamahal ko sa tunay kong ama.
kaya saan ako maghahagilap ng salita na pupuri sa kanya?Paano ba binabantayog ang isang higante?
Mabuti na lamang at sa isang taon pa ang deadline. sana'y nakahuma na ako mula sa pagkabigla sa halaga ng assignment na iniatang sa akin ni Joey.

Thursday, October 4, 2007

Pagkilala kay Tet

Una kong nakilala si Prof. tet Maceda bilang isa sa tatluhang tinig ng Inang Laya noong kalagitnaan ng dekada '80. Suplada ang unang impresyon ko sa kanya bagaman noon pa man ay hanga na ako sa pagkanta niya, kasama sina Karina Constantino-David at Becky Abraham. Kalaunang hinangaan ko rin ang masigasig niyang pananaliksik bilang iskolar ng kulturang filipino. Nang magbalik ako bilang gradwadong estudyante sa UP, nabalitaan kong isa rin siyang mainam na guro; kaya inasam kong mapabilang sa kanyang mga mag-aaral. Pero dahil sa aking pagkakasakit at sa pagtalikod ko sa planong ipagpatukoy ang pag-aaral ng doktorado, malamang ay mananatili na lamang iyong panaginip. Pero hindi naman nakapanghihinayang dahil di-man sinasadya ay pinalad akong magkaroon ng kaugnayan kay Prof. Tet Maceda.
Una'y nang regaluhan niya ako ng isang bote ng VCO, kasabay ng pagpapayo kung ano-ano ang mga benepisyo nito. Hanggang ngayon, may sampalataya ako sa bisa ng langis ng niyog.
Ikalawa, ay nang maging kritiko siya sa aking thesis tungkol sa dulang panradyo, Maraming pananakot ang narinig ko tungkol sa kaniya. Ngunit isa lang ang napatunayan ko. Mahusay niyang ginampanan ang kanyang gawain kaya nairaaos ko nang mabuti ang aking thesis, na ginawaran ng parangal ng dekano bilang best thesis.
ikatlo at kamakailan lamang, ay muli ko siyang naabutan sa departamento, isang umaga. Muli, pinalad akong mabigyan niya ng payo kaugnay ng pagsusulat. Matapos niyang kumustahin ang aking rehab pinayuhan niya akong magsulat araw-araw sa papel upang manumbalik ang lakas ng aking mga beaso at fine motor skills. Ipinaliwanag niya kung gaano kahalaga ang gayong gawain upang hindi mawala ang kakayahan ng aking utak na maigalaw ang mga bahagi ng aking katawan.
At ngayon ngang umaga'y sinimulan ko ang pagsusulat sa isang notebook, nang madulutan ng oxygen ang nahihimlay kong kalamnan.

Tuesday, October 2, 2007

My Fair Lady

Heyo ang ilang kantang isina-Filipino ko mula sa "My Fair Lady:"

Nasanay na Akong Masdan
(I've Grown Accustomed to her Face)

Nasanay nang siya'y pagmasdan
Siya'y tila sikat ng araw
Nasanay nang mapakinggan
Maghapong sipol niya't sigaw
Ngiti, lungkot,
Bawat asam.
Kabisado ko at alam
Pag-asa at kabiguan
Dati'y wala akong problema
At walang pakialam
At siya'y kaya kong limutin,
'wag tingnan
Nasanay man akong masdan,
Nasanay pakinggan.
Nasanay lang naman.

Magdamag Sasayaw
(I Coild Have Danced All Night)

Magdamagang sayaw
buong gabing imbay
Kulang pa rin, kulang

Kinampay ang bagwis
At sanlibong nais
Agad kong nakamtan

Di ko alam
Kung bakit ba kay inam
Kapag puso'y
Nagpatangay

Batid ko lang
Kapag hawak niya ang baywang
Magsasayaw magdamagan!

Sa Kalye Kung Nasaan Ka
(On the Street where you live)

Dito'y dati na
kong nagdaraan
Sa kalsadang kabisado ng
Bawat hakbang
Nang bigla akong
pumailanlang
sa kalye, kung nasa'n ka, mahal.

May marosas ba
na ibang lugar
Awit ng pipit
Dinig kaya kahit saan?
Bawat pinto ba'y
kamamanghaan?
'Ba, hindi!
doon lang, kung nasa'n ka, mahal

Naku, ako'y lumulutang
dahil sa
nariyan ka lang
Ngunit kabadong-kabado
T'yak na pagsilip mo,
matutumba ako!

Usyosohin man,
kahit ng lahat.
Walang kalsadang
Gusto kong pasyalan
Oras ma'y sayang
di rin iiwan
ang kalye, kung nasa'n ka, mahal

Monday, October 1, 2007

Baranggay Broadway

Mula nang atakehin ako ng pangalawang stroke noong Abril, iniwasan ko na ang magplano ng mga prouektong sulatin, Baka kasu hindi ko na sila maisagawa o hindi ko matapos, at ayaw kong malumbay nang husto dahil sa frustration.
Pero may mga proyekto akong sinisikap pang tapusin kahit ang totoo'y tila kinaiinipan ko na. Gaya ng proyektong ma-translate ang isang libro ng kanta, kabilang ang mga gusto kong Broadway songs. Halos dalawang taon na ay di ko pa rin mailunsad. Ang totoo, ang paglulunsad na gusto ko'y sa pamamagitan ng isang konsiyerto. Pero dahil wala naman akong perang maipupuhunan para magawa ito, kailangankong umasa sa ibang tao para maisakatuparan ang aking pangarap.
Dahil napuna kong habang lumilipas ang mga buwan tila lalong nagiging imposible ang paglulunsad sa proyekto, minabuti ko na lang na limitahin sa mga kantang0Broadway o mula sa musical theter ang koleksiyon ko ng salin.
Naipasya ko ring gamitin ang blog na ito upang ipaalam sa mga tao ang iba't ibang salin ko. Marahil, darating din ang pagkakataong maawit sila sa isang konsiyerto.

Napakahigpit naman

Kahapon, pinaunlakan ko ang anyaya ni Luna Sicat na magsalita sa kanyang playwriting class. patapos na ang semestre kay mga general principles in revision ang ibinigay niyang paksa.
Nagsimula ako sa pagsasabing hindi dapat bigyang-halaga ng klase ang anomang sasabihin ko dahil dapat silang magrebisa ayon sa mga prinsipyong itinuro sa kanila ng kanilang guro. Pero dahil naroon na kami, gagawin ko na rin ang dapat kong gawin. Inalam ko muna kung anong uring dula ang pinag0aralan nila sa buong semestre. One act play ba? Short play o Long play? Full length play daw.
One act, sabi nila. Ipinaliwanag ko na batay sa tradisyon ni Aristotle, ang one act ay isang maikling dula na nakapaloob sa isang eksena lamang. Isang eksena, ibig sabihin isang sitwasyong naganap sa isang lugar sa loob ng isang pah-ikot ng mundo,
Kaya kung ang naisulat nila ay dulang maraming tagpo, ang maipapayo ko ang itapon na lang nila ang nasulat na dula, sumulat ng panibago at huwag masiyahan hanggang hindi nila natutuklasan kung paanong sumulat ng dulang may isang tagpo.
Pagkatapos nito, saka pa lamang natin maaaring pag-usapan ang mga sangkap ng dula, gaya ng Tauhan, Banghay, Tema, Wika, Tunog at Panoorin.
Malupit nga kung iisipin. Pero talagang ganoon. Kung ang batayabg prinsipyo ay hindi natin naunawaan, walang dahilan kung bakit dapat nating pag-usapan ang ibang bagay,